CHAPTER 06: Visitors

4.3K 147 16
                                    

KUMBINSIDO na si Alice-- may multo sa kanilang bahay! Ang hindi lang niya alam kung sino ang multo na si Geneva at bakit ito nagmumulto. Isa pa iyong dalagitang kasama nito palagi. Ngayon ay alam na niyang multo ang mga ito. Ayon sa naririnig niya, kaya daw nagmumulto ang isang kaluluwa sa isang bahay o lugar ay dahil may kailangan ito sa mga nakatira doon. Ngunit ano ang kailangan ni Geneva? Ang isa pang gumugulo sa isip niya ay kung anong uri ng nilalang ang nakita niya sa panaginip? Kahindik-hindik ang anyo niyon at mukhang hindi ito tao. Sa isang iyon siya mas natatakot.

Wala pa siyang balak na sabihin sa mga kasama niya sa bahay ang tungkol doon. Hindi niya kasi alam kung maniniwala si Manang Caridad. Sa nanay naman niya ay ayaw pa niya dahil nagluluksa pa ito sa pagkamatay ng tatay niya. Palagi pa rin itong nasa silid at hindi makausap.

Nang umaga ng araw na iyon ay isang text message mula kay Lance ang natanggap niya. Nakaalis na raw ito at kasama nito si Karla. Sinabi niya na magpahatid na lang ang dalawa sa tricycle pagkababa sa terminal ng bus sa Villa San Isidro. Doon na lang niya kikitain ang dalawa.

Inilagay na lang ni Alice ang cellphone sa may bintana dahil may signal doon.

Bumaba siya at hinanp si Manang Caridad. Nakita niya ito na nanonood ng telebisyon sa may salas.

“Manang, magluto po kayo ng marami, ha. May parating po kasi akong bisita. Boyfriend ko po at isang kaibigan. Dito po muna sila ng isang linggo siguro,” abiso niya sa kasambahay.

“Ganoon ba? Sige. Mabuti at nakapaglinis na rin ako ng bahay.”

“Maraming salamat po, manang. Oo nga po pala, ang mama? Nag-almusal na ba?”

Malungkot na umiling si Manang Caridad. “Inakyatan ko kanina ng pagkain pero hindi man lang ginalaw. Kahit subuan ko ay ayaw. Napagalitan pa nga ako…” Napabuntung hininga pa ito.

“Nasaan po ang pagkain niya? Ako na lang ang mag-aakyat sa kaniya.”

“Nasa may komedor. Iyong may takip doon. Tama iyan, Alice. Baka kapag ikaw ang nag-akyat ng pagkain sa kaniya ay kumain siya. Naaawa na talaga ako sa kaniya.”

Tanging ngiti na lang ang isinagot ni Alice kay Manang Caridad. Kinuha na niya ang pagkain nito sa komedor na nakalagay sa tray. Meron doong isang baso ng gatas, mangkok ng sopas, tinapay, itlog at saging. Nagtimpla siya ng gatas dahil malamig na ang naroon. Matapos iyon ay umakyat na siya para ihatid iyon sa kaniyang ina.

Nasa itaas na siya nang makita niya iyong dalagita na nakatayo sa tapat ng pinto ng library. Bigla siyang kinilabutan dahil hindi rin nakasayad sa sahig ang mga paa nito. Nilakasan na lang niya ang loob niya at hinigpitan ang pagkakahawak sa tray at baka mabitiwan niya iyon.

“Sino ka?” tanong niya.

Tumalikod ito sa kaniya at binuksan ang pinto ng library.

“Sandali!” sigaw niya nang pumasok ito doon.

Susundan niya sana ito pero malakas na sumara ang pinto at may hangin na humampas sa mukha niya.

Ipinilig ni Alice ang kaniyang ulo. Pilit niyang iwinaksi ang nakita niya kani-kanina lang at dumiretso na lang siya sa silid ng kaniyang ina. Naabutan niya itong nakaupo sa gilid ng kama. Nakatulala sa kawalan. Magulo ang buhok nito. Kakaiba na rin ang amoy sa silid. Marahil ay dahil palaging nakasarado ang mga bintana kaya hindi nagci-circulate nang maayos ang hangin.

Inilapag niya sandali ang tray sa side table.

Binuksan niya ang bintana at hinawi ang kurtina. “Good morning, 'ma.” Humarap siya dito at pilit na pinaaliwalas ang mukha. Hindi man lang siya nito tinitingnan. “Ang sabi sa akin ni manang ay hindi ka pa kumakain.” Binalikan niya ang tray ng pagkain.

OminousTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon