“L-LANCE? Anong ginagawa mo dito?” Nagulat si Alice nang magising siya at nakita niya ang nobyo na nakaupo sa gilid ng kama niya. Nakatingin ito sa kaniya at parang kanina pa ito doon. Walang ekspresiyon ang mukha nito. Titig na titig sa kaniya.
Bumangon siya at bahagya siyang nakaramdam ng takot. May kakaiba kasi sa titig nito sa kaniya. Hindi niya maintindihan pero parang may gagawin itong hindi maganda.
“Hindi ka ba makatulog? Namamahay ka ba--” Biglang dumukwang si Lance sa kaniya at mahigpit na hinawakan ang magkabila niyang braso. “L-lance, nasasaktan ako. Bitiwan mo ako, please…”
“Matagal na tayo, Alice, pero hindi mo pa rin ibinibigay ang gusto ko. Masyado kang maarte! Kaya kung hindi mo ibibigay ang gusto ko, pupwersahin na kitang puta ka!” anito at ngumiti ito nang napakalaki. Litaw ang mapuputi nitong ngipin at puno ng pagnanasa ang mata.
Kitang-kita niya sa mukha nito ang pagkauhaw nito sa makamundong pagnanasa!
Ngunit bakit ganoon? Bakit pakiramdam ni Alice ay hindi si Lance ang kaharap niya kahit na taglay nito ang mukha ng kaniyang nobyo?
Lumipat ang isang kamay nito sa leeg niya at sinakal siya. Pilit siya nitong inihiga sa kama at pumaibabaw ito sa kaniya. Gusto sana niyang sumigaw ngunit hindi niya magawa dahil sa higpit ng pagkakasakal ni Lance sa kaniya.
“Akin ka lang, Alice!” anito at unti-unting lumapit ang mukha ni Lance. At paglapit ng mukha nito sa kaniya ay biglang nagbago ang mukha nito.
Ganoon na lang ang kilabot na bumalot sa kaniya dahil naging mukha ng tatay niya ang mukha ni Lance. Hindi niya alam kung saan siya kumuha ng lakas para maitulak ito. Sa lakas ng pagkakatulak niya ay nahulog ito sa kama at malakas na humampas ang katawan sa sahig. Dinig na dinig niya ang pagtama ng katawan nito doon.
Nanginginig ang buong katawan na sinilip ni Alice ang pinaglaglagan nito ngunit wala na ito doon. Pati ang ilalim ng kama ay sinilip niya pero wala rin siyang nakitang tao doon.
Nagtaasan ang balahibo niya. Binuksan niya ang ilaw. Isiniksik niya ang sarili sa headboard ng kama habang malikot na iginagala ang paningin.
Ano ba itong nararanasan niya sa bahay nila? Bakit may mga pangyayaring hindi niya kayang ipaliwanag? Una iyong bata babae at dalagita na nito lang niya napagtantong mga multo pala. Tapos ngayon, may nagtangka sa kaniya na ang akala niya ay si Lance tapos nagpalit ng mukha at naging tatay niya.
Ang daling sabihin na panaginip lamang ang lahat pero hindi. Totoo ito. Hindi siya tulog. Gising na gising siya.
Napahawak siya sa kaniyang ulo. “H-hindi naman kaya nasisiraan na ako ng ulo?” Kahit ang sariling katinuan ay pinagdududahan na niya. Hindi na talaga niya alam ang gagawin niya. Nasa ganoon siyang pag-iisip nang may marinig siyang sumigaw. Mukhang nanggagaling iyon sa silid na tinutuluyan ni Karla.
“Karla!” bulalas niya. Walang pagdadalawang-isip na lumabas siya ng kaniyang silid para puntahan ito at alamin ang dahilan ng pagsigaw ng kaniyang kaibigan.
-----ooo-----
ISANG malakas na sigaw ang kumawala sa lalamunan ni Karla nang makita niya ang kahindik-hindik na nilalang na ang akala niya ay si Lance. Nagtatakbo siya palabas ng banyo at lakas-loob na nilampasan ang nilalang. Kahit wala siyang kahit na anong saplot sa katawan ay tinakbo pa rin niya ang pinto palabas ng kwarto. Wala na siyang pakialam. Ang tanging nasa isip lang niya ay ang makalabas!
Hahawakan na sana niya ang door knob pero may malakas na puwersang humila sa kaniya palayo sa pinto. Sumadsad siya sa sahig hanggang sa tumama ang likod niya sa gilid ng kama.
BINABASA MO ANG
Ominous
HorrorMay mga nawalang alaala si Alice. At sa pagbabalik niya sa kinalakhang bahay dahil sa pagkamatay ng kaniyang ama ay dalawang kaluluwa ang gagambala sa kaniya. Sino ang dalawang kaluluwang ito at bakit nasa bahay nila ito? Parte ba ito ng alaala niya...