WALANG ekspresiyon ang mukha ni Alice habang nakatingin siya sa amang nakaratay sa kama. Nasa may paanan siya ng kama at nakatayo lang doon. Sa totoo lang ay kaawa-awa ang kalagayan nito at hitsura. Payat na payat ito at talagang hitsurang malapit nang mamaalam sa mundo pero walang kahit isang awa siyang nararamdaman dito. May galit siya sa puso na hindi niya maalala kung bakit naroon. Galit na gusto niyang malaman kung saan ba nanggaling.
Kahit anong pilit niya kasing alalahanin ang nawala niyang alaala ay hindi siya nagtatagumpay.
Siguro nga, malaki ang maitutulong ng pagbabalik ko dito para maalala ko ang lahat, bulong ni Alice.
“Alice?” Napapitlag siya nang may biglang magsalita sa likuran niya. Lumingon siya at nakita niya ang kaniyang ina. May dala itong isang maliit na palanggana na may lamang tubig. Sa isang balikat nito ay may nakapatong na bimpo.
Hindi siya umimik. Parang hindi rin kasi maganda ang pakiramdam niya kapag nakikita niya ang kaniyang nanay. Palabas na sana siya ng silid na iyon nang muli siya nitong tawagin.
“Alice…” Napahinto tuloy siya kahit nasa bungad na siya ng pinto palabas. “Matagal ka naming hinintay ng papa mo. Sana ay ipakita mo sa papa mo na mahal mo siya bago man lang m-mamaalam.”
Napalunok si Alice. Hindi nga pala alam ng mga ito na naaksidente siya at dahil doon ay may alaala siyang nawala.
“Pwede ko ba kayong makausap?” aniya.
“Tungkol saan, anak?”
“May mga bagay lang ako na gustong malaman at maalala.”
“Sige. Doon tayo sa library. Lilinisan ko lang ang papa mo. Mauna ka na doon at susunod ako.”
Matapos iyon ay lumabas na siya nang tuluyan sa silid ng kaniyang mga magulang. Ito na siguro ang tamang panahon para maalala na niya ang mga pangyayari sa buhay niya na nawala.
-----ooo-----
MALINIS ang library. Naroon pa rin ang koleksyon na aklat ng papa niya. Naalala niya tuloy noong bata pa siya. Pumapasok na lang siya sa library kapag naroon ang papa niya at nagbabasa. Kinukulit niya ito na basahan siya ng aklat. Kaya naman nahawa siya sa pagiging bookworm nito. Nakahiligan na rin niya ang pagbabasa ng aklat. Palagi na siyang naroon sa library para magbasa. Iyon ang paboritong parte niya sa kanilang bahay.
Nilapitan ni Alice ang shelves ng mga aklat. Pinasadahan niya ng daliri niya ang mga librong naroon. Nang marinig niya ang pagbukas ng pinto ay humarap siya sa taong pumasok-- ang kaniyang ina.
“Ang bilis niyo naman. Akala ko ba ay lilinisan niyo ang papa?”
“Kay manang ko na pinatapos. Nararamdaman ko kasi na importante ang pag-uusapan natin. Ano ba iyon?”
Umupo siya sa upuang nasa gitna ng library. Sa harapan naman niya umupo si Celia.
“Hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa,” panimula ni Alice. “Nang maglayas ako dito ay naaksidente ako.”
Naitutop ni Celia ang mga kamay sa bibig. “Diyos ko! A-anong klaseng aksidente?”
“Hindi na mahalaga kung anong aksidente. At nang dahil sa aksindenteng iyon ay nagkaroon ako ng selective amnesia. May mga parte ng alaala ko ang hindi ko na maalala at isa na doon ay kung bakit ako naglagyas. Basta, ang nararamdaman ko lang ay galit kay papa. A-at sa iyo, parang galit dion ako. Hindi ko alam kung bakit ako nagagalit sa kaniya. Ang gusto ko sana ay malaman kung bakit ako naglayas noon.”
Sandaling natahimik si Celia. Siya naman ay naghihintay ng sagot nito. Maya maya ay napailing ito. “A-ang totoo niyan ay hindi ko rin alam. Nang araw na naglayas ka dito ay gusto mo akong kausapin pero hindi kita kinausap. Mas inuna ko kasi ang negosyo natin. Masyado akong abala sa manggahan natin noon dahil sa kalakasan nito. Ayokong humina ang business natin, anak, pero ikaw naman ang napabayaan ko. Marahil kaya may nararamdaman kang galit sa akin ay dahil sa pambabalewala ko noon sa iyo. Ngunit ang galit mo sa iyong papa ay hindi ko alam kung saan nanggagaling. Nagtataka ako dahil sa close na close kayong dalawa. Kaya nga sa pagbabalik mo dito, gusto kong bumawi sa iyo at sa lahat ng pagkukulang ko bilang ina mo…” Naluluhang sambit ni Celia.
BINABASA MO ANG
Ominous
TerrorMay mga nawalang alaala si Alice. At sa pagbabalik niya sa kinalakhang bahay dahil sa pagkamatay ng kaniyang ama ay dalawang kaluluwa ang gagambala sa kaniya. Sino ang dalawang kaluluwang ito at bakit nasa bahay nila ito? Parte ba ito ng alaala niya...