HINDI na nakita pa ni Alice iyong batang babae. Nagtataka talaga siya kung bakit parang ang bilis nitong nawala. Saan naman kaya ito nagpunta? Inisip na lang niya na nagtago ito sa likod ng isa sa mga puno ng mangga doon.
Umalis na siya sa bintana upang pagbuksan ang kumakatok. Patuloy kasi ang pagkataok at pabilis nang pabilis. Medyo naiirita siya dahil parang hindi makapaghintay kung sino man ang kumakatok.
Binuksan na niya ang pinto. “Bakit po--” Natigilan si Alice dahil wala siyang nakitang tao. Tumingin siya sa labas pero wala rin siyang nakita.
Kinilabutan siya dahil doon. Hindi siya nagkakamali. May kumakatok talaga kanina.
Isinara na lang niya ulit ang pinto. Epekto lang siguro iyon ng pagod niya sa biyahe. Halos Pitong oras din kasi ang ginugol niya sa biyahe bago nakapunta dito.
Nagpalit lang ng damit si Alice saka siya lumabas ng kaniyang silid upang puntahan na ang mga magulang niya sa kwarto ng mga ito.
Sa totoo lang, hindi pa siya handa na makaharap ang dalawa. Gusto niya sana munang malaman kung bakit siya naglayas noon. Galit ba siya sa mga ito at may nararamdaman siyang ganoon sa mga ito? Ngunit bakit? Saan nanggagaling ang galit na iyon? Hindi niya alam. Wala talaga siyang maalala kahit anong pilit niyang paghalukay sa kaniyang utak.
Pero magandang pagkakataon na rin ang pagbabalik niya sa bahay na kaniyang kinalakhan upang subukang ibalik ang nawalang parte ng alaala niya. Hahanapin niya ang piraso ng alaalang iyon dito sa bahay na ito para makumpleto na siya. Pakiramdam niya kasi habang hindi buo ang kaniyang nakaraan ay para siyang puzzle na may kulang na piraso. Hindi buo. Hindi kumpleto. Walang kwenta.
Nasa harapan na si Alice ng pinto ng master’s bedroom. Nagdadalawang-isip pa rin siya kung kakatok na ba siya. Wala na naman siyang pagpipilian. Magkikita at magkikita rin naman sila ng mga magulang niya dahil nasa iisang bahay na ulit sila.
Huminga siya nang malalim sabay katok.
“Bukas iyan…” Narinig niya ang boses ng kaniyang mama. Medyo mahina iyon at halata ang pagtanda sa pagsasalita nito.
Pinihit niya ang seradura at itinulak iyon. Sa paghakbang niya papasok ay nakita niya ang kaniyang mama na pinupunasan ng basang bimpo ang mukha ng kaniyang papa na nakahiga sa kama.
Sabay na napatingin ang dalawa sa kaniya. Binitawan ng mama niya ang bimpo at nangingilid ang luha na nilapitan siya. Hinawakan nito ang magkabila niyang balikat at tiningnan ang kaniyang kabuuan.
“Alice… Anak!” anito at tuluyan nang naglaglagan ang luha nito. Mahigpit siya nitong niyakap. Ramdam niya ang pagka-miss nito sa kaniya.
May panlalamig siyang naramdaman. Kinapa niya ang kaniyang puso kung namiss ba niya ang kaniyang ina pero wala talaga siyang makita.
Inalis niya ang pagkakayakap nito sa kaniya. “Kumusta po kayo?” tanong niya.
“Ayos lang ako. Pero ang iyong papa…” Hindi na nito naituloy ang sasabihin. Humagulhol na lang ito. Hinila siya nito palapit sa kaniyang ama na nakaratay sa higaan.
Gising ang kaniyang ama pero hindi gumagalaw. Nakatingin lang ito kisame. Payat na payat ito at tuyot ang balat. Bahagyang nakanganga ang bibig nito na para bang pati paghinga ay nahihirapan itong gawin.
“A-anong nangyari sa kaniya?”
“Na-stroke siya noong umalis ka. Hindi ko naman alam na may cancer pala sa colon ang papa mo, Alice. Kumalat na ang cancer sa katawan niya. Tinaningan na siya ng doktor. Hindi na daw magtatagal ang papa mo. Mabuti nga at naabutan mo pa siyang buhay.”
BINABASA MO ANG
Ominous
HorrorMay mga nawalang alaala si Alice. At sa pagbabalik niya sa kinalakhang bahay dahil sa pagkamatay ng kaniyang ama ay dalawang kaluluwa ang gagambala sa kaniya. Sino ang dalawang kaluluwang ito at bakit nasa bahay nila ito? Parte ba ito ng alaala niya...