“IKAW, Ma’am Alice. Ang batang babae at dalagita ay ikaw. Matagal nang naninirahan dito ang aking asawa at trabahador din siya sa manggahan ng pamilya mo kaya sigurado siyang ikaw iyon. Nasaksihan niya ang iyon paglaki.” Iyon ang isinagot ni Mang Mario kay Alice na labis na ikinabigla niya. Hindi niya inaasahan iyon.
Tigalgal si Alice at hindi malaman kung ano ang sasabihin at paano siya magre-react sa sinabi ni Mang Mario. “S-sigurado po ba kayo? Ako ito?” aniya habang hawak na ang mga larawan. Isa-isa niya iyong tinitingnan ngunit wala talaga siyang maalala.
“Opo. Siguradong-sigurado po, ma’am. Wala pong dahilan ang asawa ko para hindi magsabi ng totoo. Bakit po? Hindi ninyo po ba maalala na kayo iyan?”
“H-hindi ko po alam, Mang Mario. Pero maraming salamat po at sinabi ninyo sa akin…” Naguguluhan pa rin talaga siya.
Matapos iyon ay nagpaalam na ang lalaki.
Pumasok na sila ni Lance sa loob upang sabihin kay Manang Caridad ang natuklasan. Kahit ito ay gulat na gulat.
“Kaya pala wala kang mga litrato dito noong ikaw ay bata pa dahil nakatago,” ani ng matanda.
“Ang ipinagtataka ko lang po, itong nasa picture ay iyong nakita ko na ginawan ng papa ng hindi maganda. Sigurado ako na sila ito. Ngunit paanong nangyari na tinwag ni papa na Andrea at Geneva ang mga babaeng iyon kung ako naman pala iyon? Ang gulo. Naguguluhan na po ako, Manang Caridad…”
Matagal na hindi umimik ang matanda. Tila nag-iisip ito nang malalim. “Teka, Alice. Hindi ba’t ang sabi mo noon ay may hula ka na nag-aanyong demonyo sina Andrea at Geneva? Sabihin mo nga sa akin kung ano ang hitsura nila kapag nagiging demonyo sila?”
Binalikan ni Alice ang araw nang makita niya ang demonyo upang malinaw niyang masabi kay Manang Caridad ang hitsura nito. “Mataas po siya, malaki ang katawan, parang kulay gray ang balat niya na itim na hindi ko maintindihan at--”
“May tatlo siyang sungay?” putol ng matanda.
Nagtatakang tumingin siya dito. “Paano ninyo nalaman?”
“Dahil minsan ko nang nakaharap ang demonyong iyan. Siya ang dahilan ng pagkamatay ng aking asawa! Halika kayo…”
Sinundan nila ni Lance si Manang Caridad sa kwarto nito. Doon ay may inilabas itong isang makapal na aklat. Binuklat nito iyon at may hinanap. Nagkakatinginan naman sila ni Lance dahil kapwa hindi nila alam ang nangyayari.
Huminto sa isang pahina si Manang Caridad. Isang litrato ng nakakatakot na nilalang ang naroon.
“Ito ba siya?” tanong ng matanda sa kaniya.
“Opo. Siya nga 'yan,” pagkumpirma niya. “Sino po ba iyan?”
“Siya si Balban. Isang deluding demon. Mapanlinlang siya at ginagamit niya ang negatibong enerhiya sa katawan ng isang tao para linlangin ito gaya ng galit, takot at makamundong pagnanasa. Hindi ba’t galit ka sa iyong ama? Nagamit niya iyon upang linlangin ka, Alice.”
“K-kung ganoon? Hindi totoo na sina Andrea at Geneva ang ginahasa ng tatay ko kundi… ako? O kaming tatlo ay…” Hindi na kinaya ni Alice na ituloy pa ang sasabihin niya. Naninikip ang dibdib niya at ayaw tanggapin ng utak niya ang nabubuo sa utak niya.
“Maaaring ganoon. Ngunit pwede rin na iniba ng kaunti ni Balban ang tunay na nangyari para malito ka. Ganoon katuso ang demonyong iyan! Minsan ko na siyang naitaboy at hindi ko alam na nagbalik na naman siya. At ngayon, pamilya mo ang pinepeste niya!”
“Ano po ba ang dapat naming gawin?” singit ni Lance.
“Kailangang maitaboy nating muli si Balban! Ngunit, kailangan natin siyang hulihin. Ang kailangan lang natin ay maghanap ng isang tao na may galit o poot ka, Alice. May kilala ka ba?”
BINABASA MO ANG
Ominous
TerrorMay mga nawalang alaala si Alice. At sa pagbabalik niya sa kinalakhang bahay dahil sa pagkamatay ng kaniyang ama ay dalawang kaluluwa ang gagambala sa kaniya. Sino ang dalawang kaluluwang ito at bakit nasa bahay nila ito? Parte ba ito ng alaala niya...