Chapter 12

2.8K 70 0
                                    

HINDI ALAM ni Ethan ang ikikilos sa tabi ni Janelle. Ramdam niya ang inis ng dalaga sa kanya dahil sa nangyari sa clinic ni Isaac. Nasa biyahe na sila pauwi ng bahay. Magkatabi sila ni Janelle sa back seat, actually, halos idikit ng dalaga ang sarili sa pinto ng sasakyan. Samantalang si Ninong Julio niya ang nagda-drive. Nasa passenger's seat naman si Julianne.

"Susunduin ako ni Joseph sa bahay. Kailangan niya lang bumalik sa office kanina dahil sa isang meeting," ani Julianne nang magtanong ang ama nito kung paano ito uuwi ng condo unit nilang mag-asawa.

Napatingin naman siya kay Janelle nang isandal nito ang ulo sa head rest ng sasakyan. Nakita pa niyang hinilot nito ang sentido.

"Nahihilo ka pa rin?" wala sa sariling natanong niya.

"Wala kang pake," bakas ang inis sa boses ni Janelle.

"Janelle," tawag ng ama nito. "Matulog ka na lang muna. Medyo matagal pa biyahe natin. Traffic pa."

"Okay lang po ako," sagot naman ni Janelle sa ama.

"Magpahinga ka na lang muna ng ilang araw bago ka bumalik sa opisina," ang Ate Julianne nito.

Pero nakapikit na si Janelle nang pagtuunan niya ito ng tingin. Mukhang nakatulog na ito sa sobrang pagod.

"Salamat sa pagsugod mo kay Janelle sa ospital."

Nabigla naman siya sa sinabing iyon ni Julianne. Napangiti lang siya at tumungo sa sinabi nito. "Salamat din kay Joseph."

"Bakit kaya na-over fatigue ang batang iyan? Madami ba siyang ginagawa sa opisina?" tanong ng ama ng dalawang babae.

"Hindi naman," sagot ni Julianne. "Baka may iniisip lang."

Bigla siyang napatingin sa natutulog na si Janelle. Naalala niya ang naging eksena nila sa clinic ni Isaac.

Iniisip niya kaya ang batang lalaking 'yon?

"Ano naman iisipin niyan?" ang Ninong Julio niya.

"Baka gusto nang mag-asawa," pabiro namang sagot ni Julianne.

"Narinig ko 'yon."

Sabay-sabay pa silang tatlo na napatingin kay Janelle nang magsalita ito kahit nakapikit pa ang mga mata.

"Walang hiya ka. Akala ko natutulog ka," natatawang sabi ni Julianne.

"Patulog na," saad ni Janelle.

Lumipas ang mahabang oras ay tinatahak na nila ang Commonwealth Avenue. Napansin niyang mahimbing na rin ang tulog ni Janelle sa kanyang tabi. Wala nang nagsalita kina Julianne at Ninong Julio niya. Nakuntento na lamang siya sa pagtanaw sa bintana ng sasakyan.

Nagulat naman siya nang biglang may sumagi sa balikat niya. Bigla siyang napatingin kay Janelle na napasandal na pala sa balikat niya. Naghintay siya ng ilang minuto kung gigising ito ngunit mukhang mahimbing talaga ang tulog. Inayos na lang niya ang kanyang upo at marahang inayos ang pagkakasandal ng ulo ni Janelle sa kanyang balikat.

Hindi niya alam kung bakit bigla siyang napatingin sa harapan ng sasakyan. Nakita niyang nakangiti si Julianne habang nakatingin sa puwesto nila ni Janelle. Wala naman siyang nakitang reaksyon sa mukha ng Ninong Julio niya.

Saglit niya pang sinilayan ang maamong mukha ng natutulog na Janelle. Hindi naman niya alam kung para saan ang kabang nararamdman niya. Mukhang nagugustuhan naman niya ang nangyari.

Buti na lang tulog siya.

BOOK 3: Janelle, The Brave Princess [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon