Chapter 21

2.8K 72 0
                                    

"HUWAG MONG sabihin sa kanya na sinabi ko sa'yo."

Hinatid niya hanggang sa main door ng bahay si Isaac. Bago ito tuluyang makasakay ng kotse ay sinabi nito ang mga katagang iyon. Naglabanan sila ng tingin ng doktor pero mukhang determinado itong kalabanin siya kaya siya na rin ang bumigay.

"Oo na. Hindi ko sasabihin."

"Good. Mabuti na 'yung nagkakaintindihan tayo. Don't forget to contact me once na magising na siya."

Tumango-tango siya. Pinagmasdan niya lang na mawala sa paningin niya ang sasakyan nito. Nagawa pa niyang irapan ito sa hangin bago bumalik sa loob ng bahay.

Napabuntong-hininga na lamang siya nang mapasandal siya sa sinarado niyang pinto. Dumireto siya sa kanyang kwarto. Napaupo siya sa gilid ng kanyang kama. Napatingin siya sa kanyang pinto. Kahit na gusto niyang puntahan si Ethan sa kwarto nito ay pinigilan na lang niya ang sarili.

Kailan ka ba gigising?

Lumapit siya sa kanyang study table. Napasulyap siya sa kanyang orasan. Alas otso na pala ng gabi. Abala na ang ama niya sa kwarto nito. Isang linggo na pala ang lumipas pero wala pa rin silang nape-present sa ama para sa project nila. Naiintindihan naman ng ama niya kaya hindi sila nakatapos.

Binuksan niya ang kanyang bedside drawer. Kagat-labing kinuha niya roon ang laminated white rose. Parang bumalik sa kanyang alaala ang lahat ng nangyari labinlimang taon na ang lumipas.

Tinabi pa naman kita tapos kakalimutan lang ako?

Napasubsob na lamang siya sa kanyang study table. Hindi naman niya alam kung may karapatan siyang sumbatan si Ethan. May pinagdadaanan ang binata kaya hindi na siguro nito naalala ang pinangako nito sa kanya. Naguguluhan na rin siya sa mga nakikita niya sa panaginip. Nitong mga nakaraang araw, nakikita na niya ng malinaw ang mukha ng batang lalaki pero unti-unti itong naglalaho sa harap niya.

Napasabunot naman siya sa kanyang buhok. Pakiramdam niya ay naiipit siya sa nakaraan nila at sa nangyayari ngayon. Dapat na ba niyang kalimutan ang pangako ni Ethan sa kanya?

Bigla naman niyang naiangat ang ulo nang may narinig siyang pagbukas-sara ng pinto. Napatingin siya sa kanyang pinto.

Ethan?

Mabilis na napatakbo siya sa kanyang pinto. Pagbukas niya ay tumambad sa kanya ang saradong pinto naman ng kwarto ni Ethan.

Gising na kaya siya?

Lumabas siya at napatingin siya sa dulo ng pasilyo. Hindi siya puwedeng magkamali, si Ethan ang nakita niyang bumaba ng hagdan. Mabilis na tumakbo siya sa dulo. Hinanap ng mga mata niya ang binata nang marating niya ang hagdan pero wala siyang nakita. Bumaba siya. Napatingin siya sa main door. Sarado.

"Ethan?"

Naagaw ang pansin niya ng bukas na ilaw sa kusina. Mabilis na tinakbo niya iyon. Laking pasalamat niya nang masulyapan ang binatang kanina pa nagpapakaba sa kanya. Binuksan nito ang fridge at naglabas ng isang pitsel ng tubig. Mabilis naman siyang kumilos at kumuha ng baso sa cabinet. Siya na ang nagsalin ng tubig sa baso at inabot iyon kay Ethan.

Hindi naman niya alam kung bakit bigla siyang kinabahan nang magdikit ang mga kamay nila nang tanggapin ni Ethan ang baso ng tubig. Napatitig siya sa kamao nitong may balot ng benda.

"Salamat," ani Ethan pagkatapos uminom. Binaba nito ang baso sa lababo.

"O-Okay ka na?" Nilakasan niya ang loob para lang hindi mailang sa presensya nilang dalawa.

Tumango naman si Ethan. "Med'yo. Salamat."

Nataranta naman siya nang lagpasan siya nito at lumabas ng kusina. Kusa namang naglakad ang mga paa niya at sinundan ang binata. Inabot sila hanggang sa pasilyo kung nasaan ang kanilang kwarto.

"Ethan!" tawag niya nang makita niyang papasok na ito sa kwarto nito. Huminto naman ang binata. Lumapit siya at humarap dito.

"Bakit?"

Hindi naman niya alam kung anong sasabihin. Wala siyang mabuong salita na puwedeng sabihin. Basta ang gusto niya lang ay makasama niya ang binata ng mas matagal pa.

"Okay ka lang?" tanong ulit ni Ethan.

Nagulat naman siya nang biglang humakbang ito palapit sa kanya. Ramdam niya ang kaba sa dibdib nang idampi ni Ethan ang mga saliri sa gilid ng kanyang labi. Dinama nito ang sugat na gumuhit sa gilid ng kanyang labi.

"O-Okay lang ako," napaatras siya para hindi na nito damdamin ang sugat niya sa labi. "Malayo 'yan sa bituka."

"Matulog ka na," anito sabay talikod sa kanya at akmang papasok na sa loob ng kwarto nito.

"Wait!" sigaw niya. Natataranta na siya kung paano niya mapapanatili ang binata. Nandoon ang takot na baka hindi na siya nito pansinin. Ayaw niyang mawala agad ang binata sa harap niya. Gusto niya itong makasama ng mas matagal. Natigagal siya nang humarap ulit ito sa kanya na naghihintay ng sasabihin niya pero wala siyang masabi. Bigla niyang nabawi ng tingin dito. "S-Sorry. Sige. G-Good night."

Tumalikod na siya at binuksan niya ang pinto ng kanyang kwarto. Nagulat naman siya nang biglang bumukas maigi ang pinto. Napatingin siya sa kanyang likuran. Laking gulat niya nang biglang pumasok si Ethan sa loob ng kanyang kwarto. Nganga pa siya nang biglang dumiretso ito sa kanyang study table. Naisara niya ang kanyang pinto at mabilis na tinakbo ang kanyang study table. Kukunin na sana niya ang laminated white rose nang mabilis na nakuha iyon ni Ethan.

"Ethan! Akin na 'yan!"

Pero imbes naibigay ay tinaas pa iyon ng binata at tinitigan ang hawak na laminated white rose. Dahil matangkad ang binata, kahit talunin ay hindi niya magawang agawin iyon.

"Ethan!"

Napasalamat na lamang siya nang bitawan na iyon ng binata at binalik sa kanyang study table. Sinimangutan naman niya ito nang makita niyang may nakakalokong ngiti ito. Mabilis na kinuha niya iyon at tinago sa kanyang drawer.

"Hindi mo dapat pinakialaman 'yon!"

"Bakit? Ako naman nagbigay sa'yo n'un, ah!"

Natulala naman siya sa sinabi ni Ethan. It means... naaalala na niya? Natuod naman siya nang bigla itong lumapit sa kanya. Dahil mas matangkad ay nagawa niya itong tingalain. Napalunok naman siya nang magtama ang mga mata nila. Ayaw man niyang pangalanan pero gusto niyang tawaging pananabik ang nakita niya sa mga mata ni Ethan.

Napangiti naman siya nang kinulong ni Ethan ang mukha niya sa mga palad nito. "Okay ka lang?"

Pero imbes na sagutin ng binata ang tanong niya ay nanlaki ang mga mata niyang nang mapansin niyang unti-unti nitong nilalapit ang mukha sa kanya. And she just found out that he cut the distance and claimed her lips.

BOOK 3: Janelle, The Brave Princess [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon