ANG KWENTO NATING DALAWA

53 2 0
                                    

ANG KWENTO NATING DALAWA
ni Fiona Decano

Hindi ko alam kung paano ko sisimulan,
Matagal mo nang tinapos ang kwento,
Pero eto ako,
Naghahangad na mapakinggan,
Nagnanais balikan ang mga pinagdaanan,
Umaasang malilinawan sa kinahantungan,
Umaasang masagot ang mga katanungan,
Sa kwentong sa simula’y kay tamis pakinggan,
Na sa isang iglap ay natapos sa ganun-ganun na lamang.

Sisimulan ko ba ito sa kung paano tayo nagkakilala?
     sa kung paano mo ako ngingitian sa tuwing ako’y iyong nakikita?
     sa kung paano unti-unting nabuo ang kwentong tayo lamang ang bida?
Kwentong tayo lamang ang may alam,
Kwento mo, kwento ko, ang kwento nating dalawa.

Simulan ko na lang kaya ito sa gitna,
      kung saan pareho tayong nagising sa gitna ng isang magulong talata,
Walang kabuluhan, patutunguhan,
Di na makita ang isa’t-isa,
     ang halaga, ang dahilan, ang kasagutan,
Di na malaman kung bakit lumalaban at pinagpapatuloy pa,

O sa huli na lang kaya,
     kung saan sa bawat pagod, sakit, at pagsuko ay natapos nang tuluyan,
Ang kwentong sa una ay napakasarap pakinggan,
Ang kwentong natapos na lang sa iyakan at hiwalayan.

Para bang ang mga salitang ginamit sa bawat pangungusap ay tuluyang naligaw sa kawalan,
     nawalan ng halaga,
     nawalan ng patutunguhan,
     nawalan ng kabuluhan,
     nawala ang mga bida,
     nawala ang tayo.

Sa napakaiksing panahon ay kay bilis mong nagbukas muli ng aklat na iyong sinimulang mag-isa,
Habang ako ay naghahanap pa rin sa kawalan ng mga salitang maari kong gamitin upang makapagsimula din ng sarili kong istorya,
Nangapa ako sa gitna ng bagyong binuo ng parehong pait at pag-asa,
Samantalang ikaw ay nasa kabilang kabanata na.

Sa aking kalungkutan ay nabulag ako sa kagustuhang simulan muli ang kwento nating dalawa,
Hinanap kita hanggang sa natagpuan sa gitna ng panibago mong istorya,
Sa gitna ng mga talatang hindi na ako kasama,
Sabi ko tignan mo ako at kilalanin,
“Ako nga pala ang dating bida sa kwento mo”,
Pinilit kita kahit malinaw na ayaw mo na,
     na wala ng pag-asa,
     na wala ng halaga,
Kahit ako ay bahagi na lamang ng isang lumang kwentong nilimot mo na.

Nabulag ako,
Nabingi ako,
Namanhid ako,
Hindi ko nakitang wala na ako sa bagong kabanata ng buhay mo,
Hindi ko narinig na hindi na ako ang sinisigaw ng puso mo,
Hindi ko naramdamang wala nang kagustuhang ipagpatuloy pa,
     upang muling magkaroon ng matatawag kong tayo, natin, satin
Hindi na ako ang bida sa kwento mo, natin.

Ngayong narito na tayo,
Ikaw sa gitna ng panibagong yugto ng buhay mo,
Ako sa gitna ng delubyo ng mga salita’t talata na bubuo sana,
sa panibagong kwentong sana’y masimulan ko din ng solo,
sa panibagong yugto na ako lamang ang bida, at hindi na ang tayo.
Saan na tayo tutungo?

Noon pa man ay natanaw ko na ang dulo,
Nanatili akong matatag, di sumuko,
Pero akin ngayong napagtanto,
baka nga kelangan ko na ring tanggaping ako na’y nasa dulo,
Marapat lang na wakasan ko na rin siguro,

Sabi nila, minsan kelangang wakasan ang kwento,
Upang maging matibay at epektibo,
Upang mas maintindihan at makuha ang punto,

Walang kasiguraduhan ang susunod na kabanata,
Pero susubukan ko, pangako ko,
Na panatilihing bukas at malinaw ang mga pahina sa libro ko
Para kung sakali mang isang araw, mahal ko,
Ito’y magiging mas makabuluhan, buo at totoo,
Ang kwento mo,
Kwento ko,
Ang kwento nating dalawa.

*Spoken Poetry*Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon