ANG MUNDO AY ISANG MALAKING ENTABLADO, NA KUNG SAAN LAHAT NG TAO AY HURADO

65 2 0
                                    

ANG MUNDO AY ISANG MALAKING ENTABLADO, NA KUNG SAAN LAHAT NG TAO AY HURADO"

By Fafa Juls

Bakit mo nga ba pinipiling manghusga ng iba?
Dahil ba sa nakikita ng iyong mata?
Dahil ba naiinggit ka sa kanila?
O dahil sa kagustuhan mo lang talaga?

'Yan ang mga katanungang sumisimbolo sa mapait na realidad,
Na may mga taong may mapanghusgang mentalidad,
'Di ka pa lubusang kilala, pero sisiraan ka na agad,
Ang laitin at husgahan ka, 'yan ang tangi nilang hangad,

Kapag bakla o tomboy , 'di tinatanggap nang lubusan,
Sa mga bulyawan at kantiyawan, sila ang madalas na pulutan,
Sila ang dahilan ng mga patagong tawanan at bulungan,
'Yan ang katotohanan sa isang mapanghusgang lipunan,

Kapag maikli ang shorts, mapula ang labi, mahalimuyak ang pabango,
Bayarang babae agad ang tingin sa'yo,
Kapag balot na balot ka naman, mukhang manang ang sasabihin sa'yo,
Kapag normal at pormal ang iyong pananamit,puro porma at paganda ang komento nila sa'yo,

Kapag maitim ka, sasabihan ka ng negro at negra,
Kapag maputi ka naman, " Maputi ka lang, 'di ka guwapo/'di ka maganda"
Kesyo puro lamon lang ang alam, kapag mataba ka,
"Magpataba ka naman!" , kapag payat ka,

Kapag puro tattoo ang iyong katawan,
Malarakista ang iyong kasuotan,
Sasabihin nila, " mag-ingat ka diyan, adik 'yan".
Adik agad? 'Di ba pwedeng " tattoo artist yan".

Hindi ka pa kumakanta, sasabihan ka na ng sintunado,
Hindi ka pa sumasayaw, parehong kaliwa agad ang paa mo,
Bakit may mga taong panghuhusga ang tanging talento,
Hindi ba sila marunong tumahimik at makuntento?

Sa iyong puting damit, pinakamaliit na mantsa ang kanilang makikita,
Sasabunin ka nila sa masasakit na kataga,
Ibababad ka nila sa pang-iinsulto't panghuhusga,
Kukusutin nila ang puso mo, sa sakit na dulot nila,
Sa mga dinudura nilang salita, ay babanlawan ka nila,
Ibibilad ka nila sa kahihiyan hanggang matuyo ang luha sa'yong mga mata,
Ganyan ang ating mundo, tila isa ring paglalaba.

Ang mundong ito ay isang malaking patimpalak,
Mga lait at insulto ang magsisilbing palakpak,
Tila ba nag-auaudition ka sa harap ng napakaraming taong gusto kang ibagsak,
Hawak mong mikropono, ang magsisilbi nila sa'yong panaksak,
Sa laylayan ng entablado handa ka nilang isadlak,

Husgahan ka,
Laitin ka,
Insultuhin ka,
Saktan ka,

Iyan ang kanilang talento bilang mga husgado,
Husgado ng kahinaan ng iyong pagkatao,
Sa Lipunan na sakit at pait ang magsisilbi mong premyo,
Kahit sa mga mata nila ay lagi kang talo,sana ay manatili ka paring positibong tao,
Dahil ang " Mundo ay isang malaking entablado, na kung saan lahat ng tao ay hurado".

*Spoken Poetry*Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon