PANGUNGULILA

242 3 1
                                    

Ano itong aking kinaroroonan
Tila ba laganap yaring kadiliman?
Ni sinag ay wala akong masilayan;
Parang bulag akong papala-palahaw.

Sa lugar na ito'y ni wala mang batis,
Wala ring tubig na aking maiigib.
Tigang na tigang pa ang buong paligid,
Wala nang makita't uhaw pa ang bibig.

Bigla kong naisip at aking natanto:
Ang lugar na ito'y ang kaluluwa ko.
Bumabalot dito'y karimlang totoo
At may pagkatigang na nag-iibayo.

Ang kaluluwa ko ay uhaw sa Poon;
Sabik sa liwanag Niyang mapag-ampon.
Siya ang batis na tuloy ang pagdaloy,
Siya ang ilaw na hindi nalilipol.

Nguni't bakit Siya'y hindi ko makita,
Di ko maaninag ilaw Niyang dala?
Hindi ko malasap yaong tubig Niya;
Ang kaluluwa ko'y lubhang natuyo na!

O Panginoon ko, Ikaw ay nasaan?
Hangad kitang lagi sa aba kong buhay.
Ikaw ay magbalik sa akin, O hirang!
Ikaw'y nasaan na, nasaan ka, mahal?

Mga Tula sa Ilalim ng LangitTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon