Ang bayan kong hirang ay nasisiphayo
Tulad ng alilang maghapong nahapo.
Yaring pagdurusa ng madla’y gugupo
Sa sikmurang walang lama’t kumukulo.Itong katarungan ay napakailap
Lalo na sa abang mga mahihirap
Katulad ng puro at itim na perlas
Na nagsisitago sa pusod ng dagat.Marami ang hindi na inaabutan
Ng muling pagsikat ng bukang-liwayway,
Buhay ay katumbas ng balang papatay
Sa sinumang nais ng poong bulaan.Ang mga pinuno’y pawang sinungaling,
Likong kaisipa’y sambit at gawain
Nguni’t taumbaya’y manhid at di gising,
Mahimbing ang tulog kahit bangungutin.O Diyos, dinggin Mo ang aking panaghoy –
Sa baya’y igawad ang tapang at dunong.
Ang katarungan Mo sa lupa’y isaboy
Upang ang lahat ay matutong bumangon.
BINABASA MO ANG
Mga Tula sa Ilalim ng Langit
PoetryAng aklat na ito ay koleksyon ng apatnapung tulang relihiyoso at naglalarawan ng espiritwal na karanasan ng makata at ng kaniyang ugnayan, pagmamahal at debosyon sa Diyos at sa Mahal na Birheng Maria. Ito ay binubuo ng 2 dalit, 10 awit, 10 tanaga at...