CHAPTER TEN

9.1K 263 43
                                    

NAGTATAKANG tiningnan ni Lady ang nakapatong na blue envelope sa ibabaw ng mesa niya sa loob ng opisina niya. Kadarating lang niya galing sa isang meeting kasama ang advertising agency na gagawa ng commercial para sa latest make-up collection ng Lady's Cosmetics.

Tinawag niya si Karen gamit ang intercom.

"Kanino galing 'to?" tanong niya pagkapasok nito sa pribadong opisina niya.

Nagkibit-balikat ito. "Ewan. Basta inabot lang 'yan ng messenger." Sagot naman nito.

Tinignan niya ang harap at likod ng envelope. Ngunit wala ni isang letra ang nakasulat doon.

"Baka may secret admirer ka." anang sekretarya niya.

Pabirong iningusan lamang niya ito. "As if naman," sagot lang niya.

"Why not! Sa ganda mong 'yan. Dapat nga nakikipag-date ka na by this time." Sabi pa nito.

"Ayoko na. Na-phobia na yata akong magmahal."

"Ang layo naman ng narating ng isip mo. Ang sabi ko lang date."

Natawa siya. "Kapag nakagustuhan ang dalawang nagde-date, doon din ang punta n'on." katwiran niya.

"Ay bahala ka na nga,"

Pinilit niyang ngitian si Karen. Dinaan man niya sa biro ang sinabi niya dito, pero totoo ang lahat ng iyon. Ayaw na niyang umibig muli. Ayaw na niyang masaktan. Dalawang linggo na ang nakakalipas mula ng huli silang magkausap ni Humphrey. Ngunit hanggang ngayon ay nasasaktan pa rin siya. Sa gabi, sa kanyang pagtulog ay lumuluha pa rin siya. At hindi niya alam kung hanggang kailan siya magkakaganoon. Ang hirap kalimutan ng nararamdaman niya. Dahil hanggang sa mga oras na iyon. Si Humphrey pa rin ang nagmamay-ari ng puso niya.

"Open mo na kaya para malaman natin kung ano ang laman niyan." Suhestiyon ni Karen na ang tinutukoy ay ang kanina pa niya hawak na envelope. "Kesa naman titigan mo lang 'yan, 'di yan magbubukas ng kusa niya." Sabi pa nito.

Napakurap siya. Saka sinunod na lang ang sinabi nito. Nang inilabas niya ang papel sa loob ay labis siyang nagtaka. Walang ibang nakasulat doon kung hindi ang mga katagang:

May Photo Exhibit! Punta ka! Kapag hindi ka nagpakita, Pengkum ka!

Napangiti siya. Iisa lang ang kilala niyang may ganoong expression. Hindi nagtagal ay nag-ring ang cellphone niya. Numero lang ang rumehistro sa screen ng phone niya. Sinagot niya iyon ng hindi pa rin ito tumigil ng kaka-ring.

"Hello," bungad niya. "Who's this?"

"Mabuhay! Hoy Lady Castillo! Nakuha mo na ang pinadala ko?" walang prenong sabi ng nasa kabilang linya.

Napangiti siya ulit. Kilala na niya ang boses na iyon. Isa lang naman ang maingay sa Tanangco.

"Panyang," aniya.

"Wala ng iba." Sagot nito.

"Kailan ba 'to?" tanong niya.

"Mamayang alas-sais ng gabi."

"Saan? Puwede bang hindi ako pumunta?" tanong niya.

"Hindi puwede. Pupunta ka sa ayaw at sa gusto mo. Ipapasundo na lang kita ng karitela diyan na may naghihilang tuko sa unahan." Sagot naman nito.

Natawa siya ng tuluyan.

"Mamaya ka na tumawa diyan. Basta mag-ready ka, eksakto alas-sais ng gabi susunduin ka diyan." Bilin ulit nito.

The Tanangco Boys Series 8: Humphrey LombredasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon