Bumalik ako sa dating gawi dahil hindi naman gano'n naging busy ang Pebrero kumpara sa Enero ko. Patapos na rin ang Pebrero at wala pa ring nangyayari.
Nagkikita kami ni Abrilata tuwing Sabado. Nanonood lang kami sa bahay. Minsan naman nagkakape kami kung saan namin gusto. Nakakatawa dahil alam kong lumalakas 'yong pakiramdam ko, at nabubuwisit ako dahil do'n. Gusto ko na lang siya itulak palabas ng bahay at sumigaw at tanungin na ano bang ginawa niya sa 'kin at hindi naman ako ganito dati. Pero anong karapatan ko?
Nakakaasar na.
Ang galing nga dahil 'yong Red na 'yon e umeekstra na lang na parang kabute kung kailan naman puporma ako. Pag pupunta ako sa college ni April, makikita ko na may sasakyan siyang dala at ihahatid na si April sa bahay nila. Ako naman, hindi na ako magpapakita dahil makikita ko sila. Hindi ako martir a. Nababadtrip lang ako bigla kaya nagkokomyut na ako pauwi.
Marso ang pinaka-impyerno sa lahat ng buwan ko ngayong taon dahil kailangan ko na tapusin 'yong mga dapat tapusin para makagradweyt na. Sa wakas at natapos na rin ako sa pag-aaral—ang ilang taong pag-aaral! Yeeeees! Pero alam ko naman na hindi gano'n kadali ang buhay pagkatapos nito.
Umentra ang Holy Week, pumunta silang probinsya. Kami naman, dito lang nag Holy Week. Eto kasing panahong 'to 'yong maaga 'yong Holy Week e.
Nag-umpisa na ang April, at malapit na ang aming pagtatapos. Nagpagulong-gulong lang ako sa kama habang hindi alam ang gagawin. Malapit na 'yong graduation, 'yong birthday niya, at malapit ko na rin tanungin si May kung puwede ko na ba siya maging girlfriend. Naisip ko nga kung itutuloy ko pa ba 'yon e alam ko namang busted din ako dahil wala naman akong ginawang katuwa-tuwa noong mga nakaraang buwan. Puro text lang kami tungkol sa mga nababasa niyang libro at nagchachat tungkol kay—sino pa? Kay Abril. E hindi naman ako tunge para hindi ko malaman na busted nga ako.
Hindi ko na 'to kaya.
April, puwede ka ba sa Sabado?
Ang bilis ng pagkaka-text ko. Ni hindi ko nga alam kung bakit ko 'yon sinabi. Tiningnan ko 'yong wallet ko, 'yong cabinet ko, at muli, ang cellphone ko.
Oo naman? Bakit?
Ako lang siguro ang lalaki na hindi makapagdesisyon nang mabilis kung gusto ko na ba 'tong kalabasang 'to o bespren pa rin. Anak naman kasi ng kamatis. Sa loob ng ilang taon e ngayon ko lang 'to naramdaman? Ang labo kaya!
Susunduin kita sa inyo. Mga 4:00 p.m. Magpaganda ka ha?
Bahala na nga. Litsugas.
***
Dumating ang Sabado at mas kabado pa ako na parang naririnig ko 'yong tibok ng puso na sound effect kapag nagtatanggalan na sa isang reality show. Humiram pa ko kay Dan ng damit, pero siyempre pantalon ko naman. Hiniram ko rin 'yong motor ni Papa noong araw na 'yon. Humingi ako kay Ate ng dagdag na pera para makabili ng bulaklak.
Habang nagbibihis ako noong hapong 'yon, hindi nila ako tinigilan ng mga tanong.
"Hoy," sabi ni Ate. "Aminin mo nga, anong meron?"
"Kahapon ka pa hindi mapakali," dagdag ni Dan. "Anong meron? Magde-date kayo ng kamukha ni Miaka?"
"Sinong Miaka?" tanong ulit ni Ate.
"Yung nasa Fushigi," kumpirma ni Dan.
"Hindi," sagot ko. "Hindi si May 'yong ilalabas ko."
Nakita kong nagtinginan si Dan at si Ate Natasha. Mga lintsa talaga 'to e, 'no?
"Si April?" tanong ni Dan na akala mo magkasing-edad lang sila ni April
"Hindi nga?" dagdag ni Ate. "May mutual understanding na kayo?"
BINABASA MO ANG
The 22nd of April
Teen FictionI was stuck in love, so I called her for help. But before she could pull me out completely, She also got stuck.