(A/N: Sa mga nagtataka po ng pronounciation ng Enr, Ener po ang basa doon. Happy reading)
ENR
Nanginginig ang buong katawan ko sa kaba nang pumasok na ako sa classroom para sa first subject ko, ang Filipino 1. Pagkapasok ko sa loob, napansin ko na namamayani ang katahimikan na parang simbahan at nagpapakiramdaman pa kung sino ang unang makikipagkilala o kung sino ang unang magsasalita.
Napansin ko na walang nakaupo sa harap, kaya doon na ako pumwesto at sinundan na lamang ako ni Igo.
"Bakit ka tumabi sa 'kin?" tanong ko sa kanya habang sinusukbit ang bag sa likod ng upuan.
"Gusto lang kitang tabihan," sagot niya habang may kinukuha siya sa loob ng kanyang sling bag na nakasukbit sa kanyang katawan.
Hindi na ako sumagot pa. Patuloy na kumakabog pa rin ang dibdib ko sa kaba sa posibleng mangyari ngayon. Kinakapa ko pa nang mabuti kung paano ako makakapag-adjust sa bagong eskwelahan na kahit ni isa man lang ay wala akong kilala.
Buong buhay estudyante ko, may kilala ako kapag sumasapit ang unang araw ng klase dahil simula elementarya hanggang hayskul ay naging mga kaklase ko na. Hindi ako sanay na kahit isa, wala akong kilala. Siguro, si Igo lang ang kilala ko sa loob pero di ko pa siya ganoon kakilalang tunay. Totoo nga siguro na wala talagang permanente sa mundo kundi pagbabago lamang.
Narinig ko ang pagbukas ng pinto at mapansin ko ang pagpasok ng isang lalaki na nakasalamin na mukhang nasa tantsang bente-singko hanggang trenta'y anyos na. Nakasuot ito ng asul na long sleeve at itim na baston cut na slacks na may dalang laptop. Sa tingin ko, ito yata ang magiging prof namin sa subject na ito.
Mukhang strikto yata siya dahil sa kanyang straight and resting bitch face at ang kanyang aura na palalabasin ka kapag may nagawa kang mali sa klase niya. Parang kakainin na yata ako nang buhay nito sa sobrang seryoso ng tindig at titig niya sa amin.
Ipinatong niya ang kanyang mga gamit sa mesa at sabay umupo. Nang magsitayuan kami para bumati sa kanya ay sumenyas siya na huwag gawin iyon.
"Ano, elementary at high school ang peg? Itigil niyo yan at nakakatanda masyado 'yan," paunang sermon nito habang hinahampas ang ruler na kinuha niya sa kanyang bag.
Natameme ang lahat sa sinabi niya. "Charot lang! Magandang umaga sa inyong lahat," masayang pagbati niya.
Tumayo siya sa kanyang silya at kinuha ang kanyang pentel pen sa kanyang bulsa. Sinulat niya ang kanyang buong pangalan sa white board bilang panimula ng pagpapakilala niya sa klase -- ang kaniyang pangalan ay G. Arnulfo Medina, pero tawagin daw namin siya bilang Sir Arnee dahil mas nakakabata sa kanya at masyado daw pang-matanda ang Arnulfo at medyo mabantot pakinggan. Nagtatawanan kami sa loob ng klase sa sobrang kwela ang paraan ng pagpapakilala niya sa amin sa klase. 'Yong tipong binabakla niya lang kami katulad ng may konting gay lingo siyang sinasabi na medyo hindi na namin maintindihan.
Pagkatapos ng kanyang introduksyon sa kanyang sarili, kami naman ang magpapakilala sa harap. Nagulantang ako nang itinuro ako bigla ni Sir Arnee. "Ikaw mestisong lalaking na nakaputi sa harap, panahon na para magpasikat sa Showtime," utos niya na may halong pabirong banat.
Naghalakhalan ang buong klase sa banat niyang niyon. Agad akong tumayo at lumakad patungo sa harap. Huminga ako nang malalim at ngumiti sa kanila at sinumulan ang pagpapakilala sa kanila.
"Ako nga pala si Enrico Rojo Serra, Enr na lang po for short. I graduated sa isang school sa Makati and lumipat kami dito sa ng family ko dahil sa trabaho ng daddy namin bilang Branch Manager ng isang Manufacturing Company malapit dito sa school. Mahilig akong magsulat ng maikling kwento at dagli, mag-sound trip kapag walang ginagawa sa bahay, at mag-cover sa Soundcloud ng mga kanta pero hindi ko sineshare sa social media," may pagkautal-utal pag pagpapakilala ko sa harap.
BINABASA MO ANG
Dito Ka Lang (BxB)
General FictionHindi inaasahan ni Enr ang kanilang paglipat sa panibagong lugar kasama ang kanyang pamilya. Sa kanilang pag-lipat ay hindi niya akalain na iiwanan na lang siya bigla ng kanyang pinakamamahal na siyang parang bagyo sa kanyang buhay. Dahil doon, di n...