NALIGO na si Sandy pagkatapos ng almusal. Hindi pa rin mawaglit sa isip niya ang mga nakakakilabot na karanasan niya sa pamamahay na iyon. Pangalawang araw pa lamang ng pananatili nila roon ay hindi na siya komportable. Walang sariling banyo ang inukupa niyang kuwarto kaya sa banyo sa labas siya naligo, doon din sa second floor. Masyadong malaki ang bahay. Apat ang kuwarto sa itaas at nasa gitna ang pasilyo. Parang hotel ang desinyo nito. Maluwag ang banyo lalo na ang shower room.
Pagkatapos maligo ay pumasok siya sa kuwarto. Inalis niya ang puting tela na nakatakip sa malaking salamin na oval. Halatang antic din ang salamin dahil sa desinyo nito. Kahoy lamang ang frame nito at maging mga paa. Kitang-kita niya ang kanyang kabuoan sa salamin. Binalot lamang niya ng tuwalya ang katawan niya. Sinusuklay niya ang ga-baywang niyang buhok habang nakaharap sa salamin. Nakikita rin buhat sa salamin ang kama na nasa likuran niya.
Habang nakatitig siya sa kanyang imahe sa salamin ay napansin niya na parang may nakahiga sa kama. Marahas siyang lumingon sa kama. Wala namang taong nakahiga roon. Nang ibalik niya ang tingin sa salamin ay pumitlag siya nang biglang ibang mukha ang nakita niya sa salamin. Mukha ng babaeng maputla at nangingilim ang paligid ng mga mata.
Nabitawan niya ang suklay at bigla siyang napaatras. Biglang tumulin ang tibok ng puso niya. Kumurap-kurap siya. Imahe na niya ang kanyang nakikita. Kinuha niya muli ang puting tela saka isinaklob sa salamin. Inikot din niya ito patalikod sa kanya. Nagmadali siyang nagbihis at lumabas ng kuwarto.
Sumama siya kay Lorene sa palengke para maaliw naman siya. Bumili din siya ng mga personal niyang pangangailangan.
PAGKAGAT NG DILIM, kahit maraming ilaw ay madilim parin ang ambiance ng bahay. Naliligiran kasi ng matatayog na punong kahoy sa labas at bulubundukin ang kalapit na lupain.
Naghahain na ng hapunan si Ruel nang mga oras na iyon. Katuwang ni Ruel sa pagluluto sina Grego at Aiza. Kinukulit ng dalawa ang seryosong binata. Samantalang si Lorene ay abala sa pagbabasa ng pocketbook habang nakahilata sa sofa sa sala. Kahit papano'y may napapanood na telebisyon si Sandy kaya naibsan ang pagkabagot niya.
Mahilig siya manood ng balita kaya nakatutok siya ng husto sa pinapanood. Umaabot sa sala ang ingay ng nasa kusina kaya nilakasan niya ang volume ng telebisyon. Kung wala si Grego at Aiza ay baka lalong kainip-inip ang pananatili niya sa lugar na iyon. Matagal siyang nakatitig lang sa telebisyon nang makaramdam siya ng antok. Unti-unti'y nakakapikit ang mga mata niya na hindi niya namamalayan. Pero naririnig pa niya ang ingay sa kusina at telebisyon.
Nagulantang si Sandy nang marinig niya si Lorene na sumisigaw. Nagilalas siya nang makita itong duguan at nangingisay sa kinaluklukan nitong sofa.
"Lorene!" Sigaw niya.
Nilapitan niya ito at pinulsuhan. Hindi na niya maramdaman ang pulso nito. Napansin niya ang bakas ng saksak ng patalim sa dibdib at puson nito.
"Lorene! Sino'ng may gawan nito?" natatarantang tanong niya. Binalot ng takot ang buong sistema niya.
Hindi niya maintindihan ang nangyayari, kanina lang ay maayos pa silang nakapuwesto sa sofa. Masyadong mabilis ang pangyayari at hindi man lang niya namalayan.Hindi rin niya alam kung sino ang may gawa niyon kay Lorene.
Akmang hahawakan niya ang mga kamay ni Lorene ngunit kumislot siya nang bigla namang may humawak sa balikat niya.
"Ruel!" bulalas niya nang mamataan si Reul sa tabi niya.
Nanlaki ang mga mata niya nang mapansing namumutakti sa dugo ang puting T-shirt ni Ruel. Duguan din ang mga kamay nito.
"R-Ruel. A-Anong nangyari sa 'yo?" nag-alalang tanong niya.