"KUMUSTA ka na riyan, anak?" tanong ng nanay ni Lorene habang kausap niya ito sa cellphone.
"Ayos lang po ako, 'Nay. Hihintayin ko na lang po ang mga credentials ko," sagot niya. Nauna nang umuwi sa probinsiya nila ang nanay niya pagkatapos ng graduation nila sa kursong nursing.
"Sige. Mag-iingat ka riyan, anak."
"Opo, 'Nay. Sasama po pala ako kay Lorene sa probinsiya nila. Doon po muna ako maglalagi," pagkuwan ay paalam niya sa kanyang ina.
"E okay lang ba sa pamilya niya?" Nahimigan niya ang nag-aalalang tinig ng kanyang ina.
"Ulila na po si Lorene, 'Nay. May ilang kamag-anak na lang siyang natitira."
"Ganun ba? O sige, basta mag-iingat kayo."
"Opo. Kasama din namin ang ibang kaklase namin."
"Ganun ba? E 'di mabuti."
"Sige po, tatawag na lang po ako ulit."
"Oo, anak. Bye."
"Bye."
Naputol na ang linya.
KASAMA ni Sandy sa apartment ang kaklase at kaibigan niyang si Lorene. Pareho sila ng kusrong tinapos. Pareho silang voluntary nurse sa health center. Kumukuha kasi ng intern ang health center sa siyudad ng Pasig. Magaaan lang naman ang trabaho nila at hindi pa sila sumasabak sa maseselang trabaho. Allowance lamang ang natatanggap nila.
"Nakapag-impake ka na ba, Sandy?" tanong ni Lorene. Katatapos lang nitong naligo.
"Oo. Anong oras ba tayo bibiyahe?" aniya.
"Mamayang nine ng gabi. May duty pa kasi ako sa health center ng six to eight."
"Sige. Hindi ba mapanganib bumiyahe ng gabi sa inyo?" nababahalang tanong niya.
"Hindi no. Mas delikado pa nga sa inyo sa Infanta Quezon. Sa labas na pala tayo mananghalian. Sagot ko," anito pagkuwan.
"Okay. Maliligo lang ako."
"Natawagan ko si Aiza at Grego, nakapag-impake na rin daw sila. Magkita-kita na lang tayo mamaya sa bus terminal," sabi nito.
"Okay." Pumasok na siya sa banyo. Kaklase rin nila sa nursing si Aiza at baklang si Grego.
Pumasok na siya sa banyo.
Kinagabihan ay pasado alas-nuwebe nang nakauwi si Lorene. Natatakot na siyang bumiyahe pero mapilit ang kaibigan niya. Bumiyahe pa rin sila kahit masama ang panahon. Nauna na sa bus terminal sina Aiza at Grego.
"Ang tagal n'yo girls," reklamo ni Grego.
"Oo nga, nakailang snacks at drinks na kami ni Grego," dugtong ni Aiza.
"Sorry guys, marami kasing pasiyente sa health center, eh," sagot naman ni Lorene.
Sumakay na sila sa bus biyaheng Batangas.
MALAKAS ang buhos ng ulan; walang direksiyon ang ihip ng hangin. Pakiramdam ni Sandy ay liliparin na ang sinasakyan nilang Bus papuntang Batangas. Si Aiza at Grego ay abala sa panonood ng video sa cellphone habang magkatabing nakaupo sa likuran nila.
"Malayo pa ba ang bahay ninyo, Lorene?" tanong niya sa kabila ng pananahimik ng kaibigan sa tabi niya.
"Huwag kang mag-alala, malapit na tayo. Natatakot ka ba?" nakangiting sagot nito.
"Medyo. Hindi kasi ako sanay bumiyahe ng gabi. Kapag ganitong gabi na ay hindi na ako pinapayagan ni nanay na bumiyahe kahit malapit lang ang pupuntahan ko," sabi niya.