"Huwaaaag!" Muling sigaw ni Sandy. Naalimpungatan siya. Hinahapong umupo siya. Inakala niyang totoo na ang nangyari. Isa nanamang masamang panaginip. Nakatulog pala siya sa sofa.
Naaamoy niya ang inihaw na isda na nagmumula sa kusina. Gusto niyang sumilip sa kusina upang makita kung sino ang nagluluto ngunit naroroon ang takot niya na baka mangyari ang kanyang panaginip.
Napansin niyang tahimik. Wala rin siyang naririnig na ingay mula sa ikalawang palapag.
"Pumunta sa bayan si Lorene kasama ang dalawa n'yong kaibigan."
Kumislot siya nang marinig ang tinig na iyon ni Ruel. Awtomatiko siyang tumingin sa pinto ng kusina. Nakatayo roon si Ruel na nakasuot ng itim na apron at may hawak na tong.
"Matagal ka ring nakatulog. Napagod ka ba sa pamimingwit natin?" anito.
Matagal bago niya naibuka ang kanyang bibig. "Siguro. Kanina pa ba sia umalis?" pagkuwan ay tanong niya.
"Oo. May kakausapin lang daw silang pari na magmemisa para sa ika-fourty days ni Tita Mela. Siguro'y pauwi na ang mga iyon."
Hindi na lamang siya umimik. Napuna niya ang malalim na pagtitig sa kanya ni Ruel. Bigla siyang kinabahan nang maisip na silang dalawa lamang ang naiwan sa bahay. Hindi niya maipaliwanag ang ipinapahiwatig ng kabang iyon.
"Nagugutom ka na ba?" mamaya'y tanong nito.
"Ah, h-hindi pa naman."
"Malapit nang maluto ang inihaw kong isda. 'Yong nahuli mo kanina, dinagdagan ko ng dalawa na malalaki rin. Nanguha din ako ng sariwang gulay na maipares sa inihaw."
Sa isang iglap ay napawi ang pangamba niya. "Puwede ba kitang tulungan sa paghahain ng hapunan? Nahihiya na kasi ako sa iyo," aniya.
"Sige na nga. Pero sana huwag kang mailang sa akin. Ligaya kong may napagsisilbihan akong katulad mo. Bisita ka ng kapatid ko kaya kailangan kitang asikasuhin nang maayos."
"Salamat, Ruel," aniya.
Sumunod siya rito nang pumasok sa kusina upang ipagpatuloy ang pagluluto. Tumulong siya sa paghihiwa ng mga gulay.
Sinusulyapan niya si Ruel habang nag-iihaw. Naisip niya ang tungkol sa pagkamatay ng mama at kapatid ni Lorene. Natukso siyang tanungin si Ruel tungkol doon.
"Ahm, Ruel, naniniwala ka ba na aksidente lang ang pagkamatay ng mama ni Lorene at kapatid?" tanong niya.
Natigilan si Ruel. Tiningnan siya nito. "Bakit mo naman natanong 'yan?" anito.
"Ang weird lang kasi. Magkasunod silang namatay na pareho ang sanhi."
"May ganoon naman talagang pangyayari."
"Hindi ka ba nagdududa o nag-isip na baka meron talagang sadyang pumatay sa kanila?"
Marahas na humarap sa kanya si Ruel. "Sino naman ang gagawa niyon?" seryosong tanong nito.
"Baka kasi mayroong galit sa pamilya ninyo. Sa totoo lang, nararamdaman ko ang mga kaluluwang humihingi ng hustisya sa bahay na ito."
Tumawa ng pagak si Ruel. "Huwag mo nang pansinin 'yon, pinaglaaruan ka lang ng imahenasyon mo," sabi nito.
"Hindi lang iyon imahenasyon. May mga nakikita akong pangyayari sa bahay na ito."
"May third eye ka ba?"
"Hindi ko alam. Gusto ko lang makatulong sa inyo. Kung merong gustong sirain ang pamilya ninyo, posibleng pati kayo ni Lorene ay mapapahamak."
"Imposible 'yan."