Chapter Four

2.6K 95 3
                                    


MAGMULA no'ng sa kuwarto na ni Lorene natutulog si Sandy ay wala nang nagpapakita at nagpaparamdam sa kanya. Pero madalas pa rin siyang nanaginip ng masama na may kinalaman sa pamamahay na iyon.

Linggo ng hapon, kagagaling lang nilang apat sa simbahan sabay namalengke na rin sila para sa hapunan. Nakaisip si Grego na mag-picnic sila sa labas ng bahay sa gabing iyon. Namili si Lorene ng karne ng baboy para sa barbecue. Bumili din ito ng dalawang bote ng red wine.

Maaga silang nagluto. Inimbita nila si Ruel na sumama sa picnic pero tumanggi. Doon daw ito matutulog sa farm. Hindi manlang ito kumain bago umalis.

Pagsapit ng alas-sais ng gabi ay nasa likod na sila ng bahay. Si Aiza ang nag-iihaw ng barbecue. Sa loob ng cottage sila pumuwesto. Nakalatag lahat ng pagkain nila sa bilog na mesa.

"Ngayon alam ko na kung gaano kanakakabagot manirahan sa probinsiya," sabi ni Grego habang nagbabalat ito ng pipino.

"Hindi ka lang sanay, bakla!" sabat ni Aiza, na abala sa pag-iihaw.

"Hindi naman nakakainip sa probinsiya kung marami kang pinagkakaabalahan," sagot ni Lorene. Naghihiwa ito ng kamatis.

Tahimik lang si Sandy habang hinihiwa ng maliliit ang karne na naluto ni Aiza. Hindi niya maintindihan bakit siya matamlay. Nagsimba naman siya. Naalala niya bigla ang nanay niya. Nami-miss na niya ito.

Nang naisip niya itong tawagan ay saka niya napansing wala ang kanyang cellphone sa bulsa ng pantalon niya. Naiwan ata niya sa kuwarto ni Lorene.

Nagpaalam siya sa mga kasama saka siya pumasok sa kabahayan. Nakakabingi ang katahimikan. Pagpasok niya sa kuwarto ni Lorene ay kaagad niyang kinuha ang kanyang cellphone na nakapatong lang sa kama. Mayroong missed calls mula sa nanay niya.

Lumabas siya. Pababa na siya nang hagdan nang mamataan niya ang babaeng nakita din niya sa kuwarto na gumagapang paakyat ng hagdan. Duguan ito at magulo ang mahabang buhok. Kamuntik na niyang mabitawan ang hawak niyang cell phone dahil sa labis na kaba. Ngunit sa pagkakataong iyon ay hindi na siya natataranta. Ilang araw niyang pinag-aralan ang mga nangyayari at na-realize niya na maaring isa lamang iyong pangitain at isang bahagi ng nakaraan ng pamamahay na iyon.

Nag-sign of the cross siya at taimtim na nagdasal. Kaagad ding naglaho sa paningin niya ang babae. Patakbong bumaba siya ng hagdan at bumalik sa cottage.

"Bakit ka namumutla, Sandy?" puna sa kanya ni Aiza. Ito na ang nagtuloy sa ginagawa niya.

"Ahm, w-wala," aniya. Umupo na siya sa tabi ni Lorene.

Nagsimula na rin silang kumain. Panay ang kuwento ni Grego ng mga nakakatawa pero hindi makasabay si Sandy dahil sa kakaisip niya sa mga nakikita niya sa loob ng bahay. Alam niya may ibig sabihin ang mga iyon.

Pagkatapos ng hapunan ay tinawagan niya ang kanyang ina.

"Anak, nariyan ka pa rin ba sa lugar ng kaibigan mo?" tanong ng nanay niya.

"Opo," tipid niyang sagot.

"Kumusta naman ang paglalagi n'yo riyan?"

"Okay naman po. Kayo po, kumuta na?" aniya.

"Heto, busy sa tindahan. Kailan ka ba babalik ng Maynila?"

"Next Sunday po."

"Sana makauwi ka rito sa atin bago ang birthday ng tatay mo."

"Opo, uuwi po ako."

"O sige, mag-ingat kayo riyan. Pupunta pa akong palengke."

"Okay po. Bye."

The Hidden Senses (Complete)Where stories live. Discover now