NAPAWI ang kaba ni Sandy nang paglingon niya sa kanyang likuran ay si Ruel pala ang humawak sa balikat niya. Sinundan siya nito sa labas.
"Luto na ang almusal, puwede na kayong kumain," sabi nito.
"Tulog pa si Lorene at ibang kasama namin," aniya.
"Tanghali nang nagigising si Lorene kapag narito siya. Mauna ka na baka gutumin ka sa kakahintay sa mga kasama mo."
"E ikaw, hindi ka ba kakain?" pagkuwan ay tanong niya.
"Busog pa ako. Nagkape kasi ako kanina at kumain ng pandesal. Mauna ka na. May gagawin pa ako sa palaisdaan," sabi nito saka siya iniwan.
Pumasok na lamang siya sa kabahayan at nauna nang nag-almusal. Scrambled egg at daing na bangus ang ulam na niluto ni Ruel. Nagustuhan niya ang sinangag na kanin kaya hindi niya napigil ang sarili na naparami ang kain. Magandang klase din kasi ang bigas. May sariling sakahan sila Lorene na pinapasaka sa caretaker ng mga ito kaya hindi binibili ang bigas roon.
Iilang subo na lang ay matatapos nang kumain si Sandy pero habang naka-focus siya sa pagkain ay ginulat siya nang biglang pagsara ng pinto sa kusina. Napalingon siya sa likuran niya kung saan ang pinto. Imposibleng isinara iyon ng hangin. Hindi niya iyon pinansin. Nagpatuloy siya sa pagsubo.
Pagkatapos niyang nag-almusal ay naglakad-lakad siya sa paligid. Malawak ang lupaing nasasakupan ng pamilya ni Lorene. Noon lamang niya napansin na walang malapit na kapit-bahay sila Lorene. Napakatahimik ng paligid ngunit hindi niya maikakaila ang bigat na nararamdaman niya sa ambiance ng paligid lalo na sa loob ng pamamahay ng pamilya ng kanyang kaibigan. May pakiramdam siya na mayroong misteryo sa lugar na iyon.
Alas-nuwebe na ng umaga nagising si Lorene at ang dalawa pa nilang kasama. Nagyaya kaagad si Aiza na mag-explore sa lupain nila Lorene. Pagkatapos din ng almusal ng mga ito ay nagtungo sila sa lupang sakahan na pag-aari din ng pamilya ni Lorene. Maraming prutas na nakatanim at mayroong isang ektaryang lupa na pulos palay ang nakatanim. Mayroon ding area para sa mga prutas at gulay.
"Wow! Haciendera ka pala, girl," sabi ni Grego, habang namimitas sila ng bunga ng kalamansi.
"Kung sana'y sa akin mapupunta lahat ng lupaing ito, walang problema," ani Lorene.
"Bakit, hindi pa ba nailipat sa pangalan mo ang titulo ng lupa?" tanong ni Aiza.
"Namatay si papa na hindi naayos ang papeles ng lupa. Biglaan kasi ang pagkamatay niya," si Lorene.
"Ikaw ang anak, dapat awtomatiko nang mapunta sa 'yo ang ari-arian ng papa mo," sabi ni Grego.
"Greg, paano ang stepbrother niya? May karapatan din siya," sabad ni Aiza.
Napansin ni Sandy ang biglang pananahimik ni Lorene. Umiwas ito sa kanila. Nagtungo ito sa taniman ng mga kamatis. Doon naisip ni Sandy na may something sa pamilya ni Lorene.
Pagkatapos mamitas ng prutas at gulay ay bumalik na sila sa bahay. Nagpadakip ng native na manok si Lorene sa katiwala ng mga ito. Sila na ang nagluto ng tanghalian. Tinolang manok ang niluto nila. Ginawa nilang juice ang kalamansing nakuha nila. Bigla namang dumating si Ruel at may dalang anim na malalaking isdang tilapia. Siya na ang nagptrito ng isda.
Hindi sumasabay sa kanilang kumain si Ruel. Palagi itong nagpapahuli. Pagtapos ng tanghalian ay tumambay sila sa likod ng bahay kung saan mayroong cottage na gawa sa kawayan. Pinakilala sila ni Lorene sa matandang lalaki na matagal nang tagasaka ng lupain ng mga ito. Si Mang Leo, na nakatira din sa lupain nila. Nakilala din nila ang anak nitong lalaki na si Luis. Si Luis ang lalaking nakita ni Sandy sa hardin. Napakatahimik nito at mahiyain.