DALAWANG ARAW na lang ika-fourty days na ng mama ni Lorene. Habang papalapit ang takdang araw ay tila napapadalas na rin ang pagpaparamdam ng mga kaluluwa kay Sandy, sa panaginip man o sa oras na gising siya.
Nang hapong iyon ay isinama siya ni Lorene sa puntod ng mga yumao nitong kaanak. May sariling lupain ang mga ito para sa mga yumao kapamilya. Magkakatabi lamang ang puntod ng mga magulang nito at kapatid.
Naging emosyonal si Lorene habang nag-aalay ng dasal sa puntod ng mga yumao nitong kaanak.
"Kung hindi ako sumama sa 'yo rito, hindi ko malalaman na napakasaklap pala talaga ang nangyari sa buhay mo. Sa kabila pala ng pagiging masayahin mo ay merong pait sa puso mo," sabi niya habang nakatayo siya sa tabi ni Lorene sa gawing kaliwa.
"Pinipilit kong maging matatag dahil kung magpapadala ako sa emosyon ko, lalo lang akong mahihirapan. Pero minsan, parang gusto ko na ring sumuko. Parang gusto ko na ring sumunod sa kanila," humihikbing sabi niya.
Hinagod niya ang likod nito. "Huwag kang magsalita ng ganyan. Alam kong matapang ka. Manalig ka lang sa Diyos. Hindi ka niya pababayaan," aniya.
"Kaya nga minsan parang ayaw ko nang umuwi rito. Kapag nandito kasi ako ay nagiging mahina ako. Naisip ko, ibebenta ko na lang ang ilang parte ng sakahan at ititira na lang ang lupang tinitirikan ng bahay namin. Gusto kong bumili ng lupa sa Maynila."
"Nakapag-usap na ba kayo ni Ruel?"
"Oo. Hindi siya pumayag na hatiin ang lupa."
"Bakit?"
"Sinabi ko kasi na balak kong ibenta ang lupang parte ko. Nagalit siya. Kung ganoon lang din daw ang plano ko, ibigay ko na lang daw sa kanya ang lahat ng farm land. Bibigyan ko na lang daw niya ako ng share ng income sa farm land."
"E ano'ng desisyon mo?"
"Hindi ako pumayag sa gusto niya. Ang suwerte naman niya kung sa kanya lang mapupunta lahat."
"E 'di huwag mo na lang ibenta ang parte mong lupa. Ipasaka mo na lang kay Mang Leo."
"Wala na akong tiwala kay Mang Leo."
"Bakit naman?"
"Ang sabi kasi ni kuya, hindi lahat ng income ng farm land na pinapasaka ko sa kanya ay napupunta sa akin. Napansin ko rin na nagpapatayo ng bahay na bato si Mang Leo sa loob ng farm land. Hindi ko iyon alam noon."
"Pero 'di ba may titulo na itong lupain ninyo? Kanino ba ito talaga nakapangalan?"
"Kay papa lahat ito dahil namatay ang kapatid niyang lalaki na walang pamilya."
"Kung gano'n huwag kang matakot na aangkinin ni Mang Leo ang farm land. Wala nang karapatan ang tatay niya."
"Si kuya Ruel ang inaalala ko. Ramdam ko na hindi bukal sa loob niya ang desisyon kong hatiin ang lupa. Idinahilan lang niya ang sinabi ko na ibebenta ko ang parte ko."
"Puwede namang huwag mo nang ibenta ang parte mo. Ipaliwanag mo na lang sa kanya kung bakit gusto mong ipahati ang lupain ninyo."
"Ipinaliwanag ko na sa kanya. Sumang-ayon naman siya."
"Okay naman pala. Huwag mo na lang ibenta ang parte mo para wala akong pag-awayan. Mukhang madali namang kausap ang kuya mo."
Hindi na kumibo si Lorene.
Pagkatapos nilang naglinis sa puntod ay dumeretso na sila sa police station. May nakausap na palang investigator si Lorene. Naibigay na rin nito ang kuwintas na nakita nito sa kuwarto ng kapatid nito.