Chapter 11 (Final)

3.5K 137 5
                                    


NAGMULAT ng mga mata si Sandy. Puting kapaligiran ang kanyang nasilayan. Bahagya siyang umupo nang mapansin ang kanyang ina na nakatulog sa tabi niya habang nakaupo.

Nang maramdaman nitong gumalaw siya ay nagising na ito. Ganoon na lamang ang galak nito nang makita siyang nagkamalay na. Bigla na lamang itong napayakap sa kanya.

Matagal bago niya naalala ang mga nangyari. Naikuwento sa kanya ng kanyang ina ang nangyari sa kanya bago siya naisugod sa ospital ng Lipa.

"Dalawang araw ka na rito sa ospital, anak. Naisugod ka rito ng mga pulis. Mabuti na lang nakaligtas ka," humihikbing sabi ng ginang.

Noon lamang niya naalala si Lorene.

"Si Lorene po. Nasaan na siya?"

Bigla na lamang dumilim ang mukha ng ginang. "Nailibing na ang mga labi niya. Naiuwi na rin sa Maynila ang mga labi ng dalawa mo pang kaibigan. Kaya pala ako kinakabahan noong gabing tinatawagan kita pero hindi ka makontak. May nangyayari na palang masama sa inyo," anito

Sa kabila ng mga nangyari ay naisip pa rin niya si Ruel. "Ano po ang nangyari kay Ruel?" tanong niya.

"Ang kriminal na 'yon? Mabuti napatay siya ng mga pulis. May lalaki raw na tumulong at nagsumbong sa mga pulis. Leo ata ang pangalan."

May kung anong pumiga sa puso ni Sandy nang malamang patay na si Ruel. Sa kabila ng kasalanan ni Ruel, umiral pa rin ang awa niya para sa binata. Alam niya na hindi naman ganoong likas na masama si Ruel. Dahil sa pasakit at galit kaya ito nagkaganoon. Kung tutuusin pala ay malaki din ang kasalanan ng pamilya ni Lorene kay Ruel. Sa pagkakataong iyon ay wala na siyang pinapanigan. Naawa lamang siya sa mga biktima na wala namang kinalaman sa ugat ng lahat. Si Grego at Aiza, nadamay sa problema.

SA kabila ng mga pangyayari, magandang balita ang bumungad kay Sandy paglabas niya ng ospital. Pumasa siya sa Nursing exam. Noong tuluyan siyang gumaling ay nagsimula siyang nag-apply sa isang ospital sa bayan nila at kaagad siyang natanggap.

ISANG buwan ang lumipas. Kahit labag sa loob ng kanyang ina ay bumalik parin sa Lipa si Sandy upang dalawin ang puntod ni Lorene at ng pamilya nito. Doon din daw nailibing ang mga labi ni Ruel pero hiwalay sa pamilya ni Lorene. Doon sa sarili nitong lupain.

Nadatnan niya si Mang Leo sa tapat ng mga puntod. Naramdaman nito ang paglapit niya. Nasurpresa din ito sa biglaang pagdalaw niya. Doon din pala nito pinalibing ang mga labi ni Luis.

"Kumusta ka na, ineng?" masiglang tanong nito.

"Okay na po ako. Kayo po?"

"Maayos naman. Ako na lamang ang namamahala sa lupain ng mga Lazaro. Natutuwa ako at naisipan mo pang pumunta rito sa kabila ng mga sinapit mo sa kamay ni Sir Ruel."

Napatitig siya sa ginoo.

"Paano po nalaman ng mga pulis ang nangyari noon, Manong?" hindi natimping tanong niya.

"Ako ang humingi ng tulong sa mga pulis dahil alam ko na hindi ko mappigilang mag-isa si Sir Ruel. Hindi ko alam na nakalabas ng bahay si Luis at sinugod si Sir Ruel," kuwento nito.

"Paano n'yo po nalaman na may nangyayari na sa loob ng bahay?" usisa niya.

"Pupuntahan ko sana si Ma'am Lorene para ibigay ang pera na napagbentahan ng cacao. Kaso alas-sais pa lang pagdating ko sa bahay ay sarado na ang mga pinto. Nakakandado sa labas. Doon pa lang ay nagduda na ako. Bumalik ako noong alas-siyete kahit umuulan. Narinig kong may sumigaw. Tumakbo na ako sa mga pulis."

"Kailan n'yo pa alam na si Ruel ang pumatay sa pamilya ni Lorene?"

"Matagal na. Noong namatay ang papa ni Ma'am Lorene ay nagduda na ako kay sir Ruel. Hindi ko naman siya masisi dahil nakita ko rin kung paano siya tratuhin ng sarili niyang pamilya. Bata pa lang siya ay pinagtatrabaho na siya ng papa niya sa bukid. Awang-awa nga ako noon kay sir Ruel dahil madalas sa kuwadra ng mga kabayo siya pinapatulog ng papa niya. Palagi ko ring nakikitang sinasaktan siya ni Ma'am Mela. Galit kasi si Ma'am Mela sa nanay ni sir Ruel, magmula noong nalaman niyang nabuntis ito ni sir Anton. Kamuntik nang hindi matuloy ang kasal nila noon. Kaya noong nanganak ang nanay ni Sir Ruel, kinuha nila ang bata at pinadala ni Sir Anton si Rowena sa pinsan nitong taga-Maynila. Malapit pa sa akin noon si Rowena. Nagpapadala siya ng sulat sa akin at kinukumusta si Sir Ruel pero hindi ko siya sinasagot. Palihim ko lang binibigay kay Sir Ruel ang sulat ng nanay niya. Noong huling beses siyang nagpadala ng sulat na may litrato ay may pinadala diyang kuwintas kay Sir Ruel na may litrato niya sa loob ng pendant. Binigay ko lahat 'yon kay Sir Ruel. At noong nabalitaan niya na namatay si Rowena sa sakit na HIV ay nagdesisyon siya na doon mag-aral sa Maynila. Pumayag naman si Sir Anton. Ang kaso, nalulong sa masamang bisyo si Sir Ruel. Pina-rehab siya ni Sir Anton. Noong gumaling siya ay inuwi siya rito ni Sir. Doon ko napansin ang pagbabago ni Sir Ruel. Lumalaban na siya kay Sir Anton. Hinala ko nga noon, baka may kinalaman din si Sir Ruel sa pagkamatay ni Sir Anton kasi napansin ko noong inilibing si sir Anton, hindi siya umiyak," mahabang kuwento ni Mang Leo.

Naisip ni Sandy ang sinabi noon ni Ruel na nilason nito ang sariling ama na siyang isa sa dahilan ng kamatayan nito. Hindi na lamang niya iyon binaggit sa ginoo.

"Salamat po sa tulong ninyo manong. Kung hindi kayo nagtawag ng pulis ay baka namatay na rin ako," aniya.

"Walang anuman, ening. Natutuwa ako dahil nakaligtas ka."

Ngumiti siya. "Utang ko po sa inyo ang buhay ko. Nalulungkot lang ako dahil hindi ko nailigtas si Lorene at mga kasama namin," matamlay na sabi niya.

"Huwag mo nang isipin iyon. Kung tutuusin, hindi ka dapat nadamay sa nangyari. Alam ni Ma'am Lorene na ginawa mo ang lahat. Alam kong masaya na siya ngayon sa piling ng kaniyang pamilya."

"Salamat po. Nakikiramay din po ako sa pagkawala ni Luis. Utang ko rin sa kanya ang buhay ko."

"Walang anuman 'yon. Matagal ko ring pinipigilan si Luis sa gigil niya na patayin si Sir Ruel. Bumalik ang sakit niya sa pag-iisip dahil sa galit niya kay Sir Ruel. Unang inamin kasi sa kanya ni Sir Ruel na siya ang pumatay kay Ma'am Lessy. Pero pinagbantaan niya ang buhay naming mag-ama kaya pinipigil ko si Luis na magsumbong sa pulis."

Hindi siya nakakibo.

Pagkatapos niyang mag-alay ng dasal sa puntod ng mga namatay ay sinamahan naman siya ni Mang Leo sa puntod ni Ruel. Hindi niya napigil ang pagdaloy ng kanyang mga luha.

"Paano, mauuna na ako sa iyo, Sandy. May gagawin pa kasi ako," pagkuwa'y paalam ng ginoo.

"Sige ho. Mag-iingat po kayo."

"Ikaw din. Huwag kang magpapagabi rito."

"Opo."

Nang maiwan siyang mag-isa ay napahagulhol siya ng iyak. Hindi niya makapa ang galit para kay Ruel, sa halip ay umiiral ang kanyang awa at pagmamahal lalo pa't nag-iwan ng isang mahalagang alaala ang binata sa kanyang sinampupunan. Kahapon lamang niya nakompirma na isang buwan na siyang buntis.

"Sana mapatawad ka ng Diyos, Ruel. Patuloy kitang ipagdadasal. Hindi ko ituturing na masama ang alaalang iniwan mo sa akin. Pangakong alalagaan ko siya at mamahalin. Palalakihin ko siya na may takot sa Diyos," lumuluhang sabi niya.

Pagkatapos ay nag-alay siya ng taimtim na dasal habang mariing nakapikit ang kanyang mga mata. Mamaya'y nakadama siya ng malamig na hanging yumapos sa buo niyang katawan. Naamoy niya ang pamilyar na amoy ni Ruel. Nagmulat siya ng mga mata.

Lilinga-linga siya sa paligid. Wala naman siyang nakita. Mamaya ay nagpaalam na siya.

IPINAGTAPAT ni Sandy sa kanyang mga magulang ang tungkol sa pagbubuntis niya at inamin niya kung sino ang ama. Matagal din bago natanggap ng mga ito ang katotohanan. Hanggang sa nakilala niya si Jerom, ang katrabaho niyang nurse na tinanggap ang kanyang nakaraan. Pinakasalan siya nito at inakong tatayong ama sa kanyang anak na lalaki. Si Renz, ang anghel na magandang alaala ni Ruel.

WAKAS!

RHODSELDA

The Hidden Senses (Complete)Where stories live. Discover now