LUNES SANTO.
Hindi pa tumitilaok ang manok ay gising na ang mga taga-Sumangga.
Masarap ang pagkakatulog ng barkada. Maging si Mang Darius ay nakipagpaligsahan sa himbing ng tulog.
Nang magising si Mang Mike ay dinatnan niya sa kusina ang pamilya ni Efren.
"O! Ba't nakabihis ka na, Mike?" bati ng lalaki.
"Sasaglit kasi ako sa bayan. Kailangang makatawag ako sa bahay at baka may mensahe sa 'kin," paliwanag nito.
"Magkape ka muna," anyaya ni Aling Maria. "Ricky, ikuha mo nga ng tasa si Mang Mike mo."
Mabilis na hinigop ng lalaki ang iniabot na mainit na kape saka ito nagpunta sa kotse.
Nagliliwanag na ang kapaligiran nang bumangon si Jo. Sila ng ama ang magkasama sa silid.
"Hoy, Kuya, Kiko, Boging! Bangon na!" bungad ni Jo na nakasilip sa pintuan ng kuwarto ni Ricky. Magkakatabing nakahiga ang tatlo sa sleeping bags na nakalatag sa sahig.
"Maaga pa a! Mamaya na at mag-iinin muna kami nang husto," reklamo ni taba sa dalagita na hindi man lamang idinilat ang mga singkit na mata.
"Oy, mahiya ka. Lalo kang lumolobo sa katutulog."
Wala tuloy magawa ang tatlo kundi ang dumilat. Nang magkatinginan ay tahimik at agad na nakaisip ng kapilyuhan.
"Ano ba? Nagpunta ba tayo dito para lang maiba ang matutulu---" naputol ang litanya ni Jo dahil sabay-sabay na binato ito ng unan ng mga binatilyo. Sapol sa mukha si Jo.
Tawanan ang tatlo na lalong ikinainis ni Jo. Pero wala naman itong magawa dahil hindi nito kayang lusubin ang tatlong unggoy. Nag-isip si Jo ng pangganti. Saglit pa'y napangiti ito.
"Aling Maria! Mang Efren! Sabi nina Kuya hindi pa sila nagugutom. Mauna na raw tayo at hindi na raw po sila mag-aalmusal." buong lakas na sigaw nito kasabay ng pagbelat bago umalis.
Napabalikwas sa pagkakahiga ang tatlo. Lalo na si Boging. Wala pang sampung segundo ay nakarolyo na ang sleeping bag niya at papunta na sa banyo upang maghilamos. Baka nga naman maubusan siya ng pagkain.
"Nakahanda na ho pala ang almusal?" kunwari'y gulat na sabi ni Boging na naunang dumating sa komedor. Kasunod niya sina Gino at Kiko.
"O, upo na kayo," yaya ni Mang Efren. Nasa mesa na ang nakangising si Jo at si Mang Darius.
Pinutol ni Mang Efren ang masayang pagsasalu-salo upang mag-ayos ng katawan at magbihis na ng kasuotan bilang kawal Romano na si Longino. Nauna na iyong tumayo.
"Ricky, hindi ba mabigat ang costume ng sundalong Romano?" tanong ni Gino.
"Hindi pero mainit sa katawan dahil balot na balot mula ulo hangang paa ang nagsusuot. Kasama na rin sa panata ang pagtitiis sa matinding init," sagot ni Ricky.
"E 'yung maskara? Hindi ba mahirap isuot?" Si Kiko.
"'Yon ang mabigat at mainit dahil solid na kahoy. Bago nga isuot ni Itay 'yon, nagtatali muna siya ng panyo sa ulo para doon kumapit ang pawis," paliwanag ni Ricky.
Hindi nagtagal at bumalik si Mang Efren sa kusina. Kasunod niyon si Aling Maria na bakas sa mukha ang pagmamalaki sa papel na gagampan ng asawa sa Moriones.
Hindi napigilan ni Jo ang mapapalakpak sa paghanga. "Mega-cool! No match si Demetrius and the Gladiators sa porma n'yo, Mang Efren!"
Bukod sa pulang kapa na bitbit niyon, nakasuot pa ng kulay abong baluting bakal si Mang Efren. Nakabalot iyon sa katawan; magmula leeg hanggang baywang. Abot sa magkabilang balikat ang hangganan ng manipis na baluting bakal.
Sa ilalim ng baluti ay may suot na kamiseta si Mang Efren. Ang mga karaniwang kulay daw niyon ay pula o puti.
Sa baywang mismo naman ay may paikot na nakabalabal na pahabang hiniwa-hiwang telang makapal. Iisa ang sukat ng lapad ng mga hiwa at patulis ang dulo nito.
At saka tinernuhan ng espadang kahoy na dalawang talampakan ang haba. Nakasukbit ito sa kaliwang gilid ng baywang ni Mang Efren.
Iniabot ni Mang Efren ang pulang kapa sa asawa. Umupo iyon upang maitali nang ayos ang sandalyas na papulupot mula sakong hanggang sa tuhod.
"Ang maskara, Mang Efren. Kunin n'yo na po para kompleto na ang costume n'yo," sabi ni Kiko.
Napangiti ang lalaki. "Sandali ha." "Wala na 'kong masabi sa Moriones, Ricky. Realistic talaga ang dating. Kulang na lang ang maskara at parang sundalong Romano na ang tatay mo," puri ni Gino sa katabi.
Pagkaalis ni Mang Efren ay agad na nagprisintang magligpit ng kinanan ang mga kabataan. Sa limang pares ng kamay ay mabilis na nalinis ang mesa at mga pinagkainan.
Nang matapos ay agad na tinungo ng mga ito ang salas kung saan naghihintay ang iba sa pagbabalik ni Mang Efren.
"Teka, kukunin ko ang kamera ko para may picture tayo ni Longino," sabi ni Gino na mabilis na pumanhik sa silid.
Natahimik ang lahat nang makita nilang pumasok ng bahay si Mang Efren na salubong ang kilay at madilim ang pagmumukha.
"Mang Efren, bakit ho?" masama ang kutob na tanong ni Jo. Sunud-sunod na pag-iling ang tanging sagot ng lalaki.
"'Tay, nasaan ang maskara n'yo?" tanong ni Ricky nang mapansing walang hawak ang ama.
BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.7: Maskara ni Longino
Teen FictionKahit semana santa ay hindi na iginalang ng mga masasamang-loob. May nagnakaw sa sinaunang maskara ni Longino! Paano na itutuloy ang Moriones Festival? Akala ng B1 Gang ay isang tahimik na bakasyon sa lalawigan ng Marinduque ang kanilang gagawin. P...