Kabanata 2: PAANYAYA

426 13 0
                                    

NOSTALGIA ANTIQUE SHOP.  Iyan ang pangalan ng tindahan sa Mabini, Ermita na pinagtatrabahuhan ng magkasamang Efren at Darius. Maraming taon na rin ang itinagal nila rito bilang ahente ng mga antigong kasangkapan at mga sinaunang bagay-bagay.

"Matanong nga kita, pare. Hindi ka pa ba nagsasawa sa trabaho natin?" kaswal na tanong ni Darius. Nakaupo ito sa gilid ng mesa habang marahang pinipilipit ang isang dulo ng makapal nitong bigote.

"Bakit mo naman biglang naitanong 'yan?" takang sabi ni Efren na kasalukuyang nagtitimpla ng kape.

"Matagal na kasi tayong nagtatrabaho rito. Nag-aalala lang ako na baka balang araw eh matulad tayo sa mga antigong nakapaligid sa 'tin," anito na ngayo'y hinihimas naman ang bigote.

"O, pare. Magkape ka muna at nang maalis kung ano man 'yang nasa isip mo," alok ni Efren. Inabot ni Darius ang kape. Marahang humigop ito. Parang may malalim na iniisip.

"Pare, may problema ka ba?" tanong uli ni Efren.

"Wala. Naiinip lang siguro ako sa trabaho," pailing-iling na tumayo si Darius. "Hay naku! Ano kayang maaaring gawin para maiba naman ang takbo ng buhay natin?"

"Pare, naninibago ako sa mga kinikilos mo ngayon a. Bakit ba talaga?"

"Mukha bang may inililihim ako sa 'yo?" natigilang tanong ni Darius. "Pasensiya ka na, pare. Kailangan ko lang siguro ng pahinga," bawi agad nito.

"'Yon lang ba? Sige, magpahinga ka muna rito at ako na ang haharap sa mga kostumer."

"Hindi ba nakakahiya sa 'yo?"

"Hindi. Saka, ngayon lang naman 'to, 'di ba?" Kapwa sila nagkangitian sa sinabing iyon ni Efren.

Mag-i-ika-6:30 na ng gabi nang lumabas ang huling kostumer sa Nostalgia Antique Shop. Tulad nang dati, magkasabay na nilakad ng dalawa ang kahabaan ng U.N. Ave. patungo sa Taft. Doon sila sasakay ng LRT. Magkaibang panig lamang nga. Si Efren ay patungong Baclaran habang si Darius ay pa-Kalookan.

"Pare, nagugutom na 'ko. Magmeryenda muna kaya tayo? Ako ang taya," pag-aanyaya ni Efren.

"'Ba, ayos 'yan," mabilis na sagot ni Darius.

Habang kumakain ng choco-cream donut ay patuloy ang kanilang kuwentuhan. "Ang hina naman ng aircon dito," puna ni Darius habang nagpupunas ng mumunting pawis sa noo.

"Summer na talaga. Kahit gabi matindi pa rin ang init."

"Oo nga. Ang sarap sigurong mag-swimming ngayon, 'no? Lalo na sa White Rock, sa Olongapo. Ano, pare? Punta tayo sa Holy Week?" yaya ni Darius.

"Pare naman. Nakalimutan mo bang may panata akong tinutupad tuwing Semana Santa?"

"Oo nga pala. Ilang taon ka na nga palang gumaganap bilang Longino?"

"Apat na, pare," sagot ni Efren. "Ilang taon ba ang panata mo?"

"Lima. Aba, huling taon ko na pala bilang Longino ngayong darating na Mahal na Araw!"

Magtatanong pa sana si Darius nang mamataan ni Efren ang dating kaklase na naglalakad malapit sa kanilang mesa.

"Mike? Mike Rodrigo!" Napalingon naman ang tinawag.

"Efren? Ikaw nga!" Nagkatawanan at nagkamayan ang mga ito.

"O, ano, kumusta na?" tanong ni Mike habang ang kamay nila ay hindi pa rin nagbibitiw.

B1 GANG MYSTERIES Case File No.7: Maskara ni LonginoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon