BIYERNES SANTO.
Pasado ala-sais pa lamang ay nag-aalmusal na ang B1 Gang. Sinigurado ng mga kabataan na maaga silang nagising at nakapag-ayos. Ayaw nilang masalisihan uli ni Mang Darius.
Dalawang araw na lamang ay Pasko na ng Pagkabuhay. Dalawang araw na rin lamang ang nalalabi upang mabawi ang maskara kundi'y masisira ang panata ni Mang Efren.
Ngayo'y kasabay nila sa hapag-kainan sina Ricky at Mang Efren na hindi ginagalaw ang pagkaing nakahatag sa harapan ng mga ito.
Awang-awa sila sa tatay ni Ricky. Hindi maipinta ang hitsura ng lalaki. Depressed na depressed ito. Kumbaga, talagang Biyernes Santo ang mukha.
Idagdag pang ni hindi makakalabas ng bahay ngayon si Mang Efren upang hanapin ang maskara. Magtataka ang mga kababayan nito kung makikita sa labas na hindi gumaganap bilang si Longino. Kaya sa bahay lamang ito dahil ang palusot nga nito'y nagpapalakas upang maayos at masiglang makaganap sa Linggo.
Si Ricky man ay nawalan na rin ng gana. Tila nahawa sa ama. Paano'y hindi rin ito makakalabas dahil sa paang na-sprain. Kaya ayun ang mag-ama. Kapwa nakapangalumbaba at parang tulalang nakatingin sa kawalan.
Sinenyasan ni Gino ang tatlong kabarkada na magtungo sa salas ng bahay. Doon na sila mag-uusap. Igagalang nila ang kalungkutan ng mag-ama.
"Kiko, sigurado ka bang nasa kuwarto pa si Mang Darius?" paniniyak ni Gino.
"Oo, humihilik pa nga. Mukhang napagod talaga kahapon," sagot ni Kiko.
"Anong oras ba ang lakad natin, Gino?" tanong ni Boging. Nagpasabi kasi si Mang Mike kagabi na ang dalawang binatilyo muna ang sumama sa paghahanap sa maskara.
"Hinihintay lang nating bumaba si Daddy," anito.
Napagpasiyahan na rin ng grupo na maiwan sina Jo at Kiko upang sila ang manmanan sa kaisa-isang lead nila: si Mang Darius.
"KIKO, malapit nang mag-alas-onse," naiinip na puna ni Jo sa katabi matapos silipin ang kanyang relo. Hindi pa rin bumababa si Mang Darius.
"Teka't i-tse-check ko uli," naiinip na ring sabi ni Kiko kasunod ng marahang pagpanhik sa hagdan.
Sandali pa at umiiling na bumaba si Kiko. "Tulog pa rin si Mang Darius," balita niyon sa mga kasama.
"O, ano, Ricky? Isang laro pa?" yaya ni Kiko na inaayos ang mga itim na piyesa ng chess. Iyon lamang ang maaari nilang gawin dahil walang kahit anong palabas sa T.V. o kaya'y marinig sa radyo dahil Biyernes Santo nga. Nakikiluksa sa sambayanang Kristiyano ang kapaligiran. Lalong nakadagdag iyon sa pagkabagot ng mga kabataan.
Si Jo ay kanina pa pinaglalaruan ang maliit na tape recorder niya upang maaliw ang sarili. Naroong i-record ang boses na iniiba ang tono o kaya'y tumula.
"Hindi ba kayo manonood ng mga Morion sa bayan?" tanong ni Aling Maria nang mapadaan ito sa salas. May dala palanggana ng maligamgam na tubig at trapo kara ang babae.
"Mamaya na ho siguro pag hindi na masyadong mainit," sagot ni Kiko.
Si Mang Efren ay nakahiga sa kuwarto na siyang inaasikaso ni Aling Maria. Sanhi na rin marahil ng pagod, pagkabalisa at labis na kalungkutan ay nagkaroon nga ito ng lagnat.
Sina Mang Mike, Gino at Boging ay kanina pa nakaalis patungo sa piyer ng Sta. Cruz. Aalalayan nila ang mga pulis doon sa pagsisiyasat sa gamit ng mga paalis.
BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.7: Maskara ni Longino
Teen FictionKahit semana santa ay hindi na iginalang ng mga masasamang-loob. May nagnakaw sa sinaunang maskara ni Longino! Paano na itutuloy ang Moriones Festival? Akala ng B1 Gang ay isang tahimik na bakasyon sa lalawigan ng Marinduque ang kanilang gagawin. P...