Kabanata 5: ANG ALAMAT NI LONGINO

321 9 5
                                    

NAGBUKAS ang pintuan ng bahay ni Mang Efren at maliksing lumabas ang isang binatilyo.

"'Tay!" masayang bati nito kasunod ng pagmano sa ama nang mapansin ang grupo. "May kasama ho pala kayo."

"Ito ang nag-iisang anak ko; si Ricky," pakilala ni Mang Efren na masuyong umakbay sa balikat ng binatilyo.

Hindi kalakihan si Ricky, hanggang balikat lamang ito ni Gino. Ipinakilala ni Gino ang grupo sa bagong kaibigan.

"Anak, patuluyin mo muna sila para makapagpahinga at meryenda," awat ni Mang Efren sa mga nagkukuwentuhang kabataan.

Sinalubong sila sa pintuan ni Aling Maria, ang maybahay ni Mang Efren. "Magpahinga muna kayo sa salas at maghahanda lang ako ng palamig," sabi niyon sa mga bagong dating.

"Mang Efren, sino po ba si Longino?" panimulang tanong ni Kiko nang makaupo na sila.

"Ayon sa nakagisnan kong tradisyon, si Longino ay ang sundalong Romano na sumibat sa tagiliran ng Panginoong Hesus noong nakapako Siya sa krus. Pero sa bandang huli'y naniwala rin ito na si Hesus nga ang tunay na anak ng Diyos," maikling paliwanag ni Mang Efren.

Ngunit halatang hindi kuntento sa kasagutan si Kiko. Napansin iyon ng buong barkada, ngunit minabuti na lamang nilang huwag sundan ang pagtatanong. Pagod pa siguro si Mang Efren.

Tamang-tama namang bumalik si Aling Maria na may dalang isang tray ng mga kakanin at basong may laman na gulaman at sago.

Habang nagkakainan ay panay ang kuwento ni Mang Efren ng mga kalokohan nila ni Mang Mike noong nag-aaral pa sila sa high school.

Nahalata naman ni Ricky na hindi masyadong interesado ang mga bagong kaibigan sa usapan ng mga matatanda. Hindi kasi mapakali sa upuan ang mga iyon.

"Excuse, po. Puwede ko ho bang ipasyal muna sila sa labas?" paalam ni Ricky. Hindi naman nagdalawang isip ang mga ama at pinayagan ang mga ito.

"Boging, sasama ka ba?" tanong ni Jo dahil patuloy pa rin si taba sa pagsubo ng mga kakanin. Iniabot ni Ricky ang isang baso kay Boging para malunok ang nasa bibig.

"Oo! 'Wag n'yo kong iwan," nahihirinang sabi nito.

Masayang namasyal ang mga kabataan sa baryo ng Sumangga. Tapos ay nagtuloy sila sa maliit na kubong ginawa mismo ni Ricky. Doon nila itinuloy ang naantalang kuwentuhan tungkol sa itinanong ni Kiko kanina.

"Okey 'tong club house mo," puri ni Jo na iginagala ang paningin sa kabuuan ng kubo.

"Teka, Ricky, ano ba talaga ang Moriones Festival?" panimulang tanong ni Gino.

"Isama mo na rin ang tungkol kay Longino at kung bakit siya pinupugutan ng ulo," habol ni Jo.

Bago nagsalita ay umayos ng upo si Ricky. Mukhang mapapatagal ang kuwentuhan nila.

"Ayon sa kasaysayan ng Moriones, unang ginanap ito noon pang taong 1884. Ang naunang gumanap bilang Longino ay pitong kalalakihan; bawat bayan kasi ng lalawigan ng Marinduque ay may isang kinakatawan bilang si Longino.

"Si Longino ay sundalong Romano na naitalagang gumawa ng pako na gagamitin sa Kalbaryo. Pero noong ginagawa niya ang pako ay may maliit na piraso nito ang tumalsik at tumama sa kaliwang mata niya. 'Yon ang naging dahilan ng kanyang pagkakabulag."

"'Yon din ang dahilan kung bakit ang inilalarawan ng maskara ni Longino ay bulag ang kaliwang mata.

"At sa pagkakabulag niyang iyon, naibunton niya sa Panginoon ang kanyang inis. Sa galit nga ni Longino ay hindi niya napigilan ang sarili na sibatin ang tagiliran ni Hesus nang nakapako ito sa krus.

B1 GANG MYSTERIES Case File No.7: Maskara ni LonginoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon