Kabanata 11: HULI KAYO!!

205 8 1
                                    

NAIWAN lumabas ng karinderya si Boging na naghihintay ng sukli mula sa tindera.

Sa labas ay napangiwi si Jo dahil nagsisimula nang uminit ang araw. Kahit naka-T-shirt at shorts silang lahat ay hindi sapat iyon na labanan ang init ng panahon.

"Paano ba natin malalaman kung sino ang kumuha sa maskara ni itay?" tanong ni Ricky dahil hindi maliwanag sa kanya ang layunin ng gagawin nilang pagmamatyag.

"Sa totoo lang, Ricky, may kahirapan ang gagawin natin dahil wala tayong kahit anong lead," pag-amin ni Gino.

"Basta't talasan natin ang ating mga mata at pandinig. Makipag-usap tayo. Makinig sa mga nagkukuwentuhan. Baka sakaling makatisod tayo ng impormasyon. At ang cover natin ay tulad ng dati: high school journalists," bilin ni Gino sa mga kasama nang biglang manlaki ang mga mata nito. Nakatitig ito sa dako ng karinderya.

Takang naglingunan ang iba at sila man ay nagulat sa nakita. Si Boging. Palabas ng karinderya. May bitbit na isang bungkos ng suman.

"May take-out ka pa?" mataray na salubong ni Jo na napasapo sa noo.

"'Di ba't magmamanman tayo? Nakakagutom 'yon a," sagot ni taba.

Si Gino ang umawat sa usapan. "Magdalawang grupo tayo. Kami ni Boging at kayong tatlo. Magkita uli tayo rito mamayang tanghalian."

"Do'n kami sa may eskuwelahan," ani Kiko.

"Sige, sa simbahan naman kami ni Bogs. Maraming tao ngayon do'n," sagot ni Gino.


LUMIPAS ang mahigit isang oras at anim na suman ay wala man lamang nakita sina Boging at Gino na taong kahina-hinala ang kilos.

"Kanina pa tayo lakad nang lakad. Maupo muna tayo r'on sa damuhan sa may lilim ng punong mangga," mungkahi ni Boging na pawisan na ang suot na damit.

Dahil na rin sa pinaghalong pagod at tindi ng init ng panahon ay pumayag si Gino. Hindi pa sumasayad ang puwit ni Gino sa damuhan ay inalok na agad siya ni Boging ng pagkain.

"Mahihirapan tayo sa kasong 'to, Bogs," sabi ni Gino sa katabing binabalatan na ang isa sa apat na dalang suman. "Sana naman ay may resulta ang lakad ni Daddy."

Hindi makasagot si taba dahil puno pa ang bibig. Tumangu-tango na lamang muna iyon. Nang magsalita ay iba naman ang sinabi. "Gino, gusto mo ba ng palamig? Bili ka naman. Ako uli ang magbabayad."

Natatawang tumayo si Gino. Inabot ang pera ni Boging at pinuntahan ang nagtitinda ng sago't gulaman.

Bago makabalik si Gino ay naubos na ni Boging ang huling suman niyon. Natira na lang ang mga pinagbalatan. Luminga-linga si taba para maghanap ng basurahan. Nakakita iyon ng isang tumpok sa dakong likuran ng simbahan.

Parang bolang tumatalbug-talbog na tinungo niyon ang basurahan. Ibinato ni taba ang mga pinagbalatan ng suman ngunit parang nanunuksong umihip ang hangin. Inilipad ang itinapon ni Boging. Bumagsak sa tagiliran at napahiwalay sa tumpok ng mga basura.

Kahit wala namang ibang nakakita sa nangyari ay minabuti pa rin ni Boging na pulutin uli ang inilipad na balat ng suman at itapon iyon sa tamang lugar.

Hirap na yumuko si taba dahil naiipit ang mga bilbil sa tiyan. Ngunit nang yumuko ay hindi sinasadyang matawag ang pansin niyon sa isang bagay na halos natatabunan ng basura.

Tinitigan ito ni Boging. Nilapitan. Sinipa-sipa ang ilang piraso ng basura sa ibabaw nito.

Nang malantad ang kabuuan ng bagay ay napakunut-noo si taba. Mukhang tela. Kulay pula. Kakulay ng... ng kapa ng Morion. Ganoon ang kulay ng kapa ng nagnakaw sa bag ni Mang Darius! sigaw ng isipan ni Boging.

Ngayon ay walang kiming inalis ni taba ang mga nakatakip na basura upang matiyak ang hinala. Tama siya. Kapa nga ng Morion.

"Bogs, kung akala mo'y mapapagkamalan kang isa sa mga street children at lilimusan ng mga nagsisimba e nagkakamali ka," tukso ni Gino sa nakatalikod na kaibigang nagkakalkal sa basurahan.

Ngunit nang humarap si Boging na hawak ang nakaladlad na pulang kapa ay halos mabitiwan ni Gino ang dalang gulaman at sago sa gulat.

"Gino, baka ito na ang lead na hinahanap natin?"

Mabilis na tinungga ni Gino ang palamig na hawak. Tapos ay iniabot naman niya ang sago't gulaman ni Boging upang makuha ang kapa.

"Natatabunan 'yan ng basura. Tsamba lang ang pagkadiskubre ko," paliwanag ni Boging.

Pinag-aaralan ni Gino ang kapa. Wala iyong sira upang itapon na. Ni wala ngang punit.

"Bakit kaya itinapon 'to?" tanong ni Gino nang may mapansin siya. Maraming maiikling buhok na itim ang kapa. "Balahibo ng hayop 'to, Bogs. Parang balahibo ng... aso."

"Ha? E baka asong kalye lang ang nagbaon n'yan dito sa basurahan? Nahirapan pa 'ko."

Nagkibit-balikat ang binatilyo. "Pero kung sadyang itinago ito sa basurahan..," malakas na pag-iisip ni Gino. Nagkatinginan ang dalawa. Kung iyon nga ang kapa ng magnanakaw, baka naroon din sa basurahan ang iba pang gamit nito.

Kahit sabik na sabik ay dahan-dahan pa rin silang naghalukay sa basurahan. Tinitiyak nilang walang makakawala sa kanilang paghahanap. At nagbunga ang kanilang pagtitiyaga nang may makita silang maskarang kahoy.

Si Gino ang dumampot sa maskara at napasinghap sila. "Eto ang maskara ng snatcher. Tandang-tanda ko pa."

Naghalukay pa sila ngunit wala na silang nakita. "Siguro'y dinala niya ang bag ni Mang Darius," pagod na sabi ni Boging.

"Pero bakit?" kontra ni Gino na pawisan na rin. "'Yun nga ang dapat na inuna niyang itapon dahil mas makikilala iyon."

"Anong gagawin natin d'yan, Gino?" "Dalhin natin sa presinto. 'Di ba't i-re-report ni Mang Darius ang nakawan. Makakatulong ito sa mga pulis para mabawi ang kamera."

"Hindi ba muna tayo mag-aayos? Tingnan mo naman ang hitsura natin. Madumi na, amoy basura pa!" napasimangot na sabi ni Boging matapos amuyin ang sarili.

"Wala na tayong oras kung uuwi pa tayo." Ganoon nga ang ginawa ng dalawa. Kahit mukhang mga batang yagit ay masaya naman sila dahil may pag-asang malutas ang isa sa kanilang mga problema.

At lalong lumapad ang kanilang ngiti nang matanaw ang gusali ng munisipyo ng bayan ng Mogpog kung saan ay naroon din ang himpilan ng pulisya.

"Kawawa naman sina Kiko at Jo," umiiling na sabi ni Boging habang palapit na sila sa presinto.

"Bakit?" takang tanong ni Gino.

"Hindi kasi sila mapapasama sa awarding ceremonies sa pagtulong natin sa mga pulis na makahuli ng isang pusakal na kriminal."

Sa sinabing iyon ni taba ay hindi napigilan ng dalawa ang mapatawa nang malakas kaya ang laking gulat nila nang may biglang humiyaw.

"Ayun ang maskara at kapa ko! 'Yung dala nila, tsip!" sigaw ng isang lalaking nakaturo kina Gino at Boging. May kasama itong dalawang pulis at naglalakad din papunta sa presinto.

"Hoy, kayong dalawa! Tigil!" malakas na sigaw ng isang pulis kasabay nang mabilis na pagkilos ng kasama nito. Pinitsarahan agad nito ang mga gitlang binatilyo.

"Ang lakas talaga ng loob ng mga magnanakaw ngayon. Dito pa kayo sa harap ng presinto namin dumaan," galit na sabi nito.

"Ngiii!" gitlang bulalas ni taba na napatingin kay Gino.

B1 GANG MYSTERIES Case File No.7: Maskara ni LonginoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon