PASADO alas-kuwatro na nang makauwi ang magkapatid mula sa bayan ng Boac.
Hindi pa sila nakakapasok sa bahay nang biglang lumabas si Kiko at ang ngumunguyang si Boging na may hawak na singkamas.
"Anong nangyari sa lakad n'yo?" sabik na salubong ng mga ito sa dalawa.
"Marami... marami," bulong ni Gino. "Si Mang Darius? Nandito na ba?"
"Kanina pa. Nasa kuwarto at magpapahinga raw," sagot ni Boging na ngumunguya-nguya.
"Si Daddy ?" tanong ni Jo.
"Wala pa rin sila ni Mang Efren. Bakit ba? Ano bang nangyari?" tanong naman ni Kiko.
"Huwag tayo dito mag-usap. Doon tayo sa kubo," babala ng binatilyo. "Teka, si Ricky, nasaan? Kailangan natin ang tulong niya."
"Nasa likod-bahay. Nagdidilig ng mga halaman," ani Boging na intrigang-intriga na.
"Ako na ang susundo sa kanya. Mauna na kayo sa kubo," bilin ni Gino.
Si Jo ang pinutakte ng mga tanong ng dalawa habang binabagtas nila ang daan patungo sa kubo.
Mabilis na nilakad ni Gino ang likod-bahay. Nakita niya si Ricky. Nakatalikod ito. May hawak na tabo at dinidiligan ang isang kapirasong halamanan ng mga rosal na nasa tabi mismo ng dingding ng bahay.
"Ricky," sabi ni Gino kasabay ng pagtapik sa kanang balikat nito.
"Gino!" bulalas ni Ricky. "Ginulat mo 'ko. Bakit?"
"May lead na tayo sa maskara ng tatay mo," mahinang sabi ni Gino.
"Nakita na ninyo ang maskara?" malakas na sabi ni Ricky na halos mabitawan ang tabo sa kasabikan.
"Shh...," saway agad ni Gino sa kausap na nakadampi ang kanang hintuturo sa labi. "Hindi pa pero may bago kaming nadiskubre."
"Ano?" nagtatakang tanong nito.
"Doon na tayo sa kubo mag-usap. Naghihintay sina Boging sa 'tin," pigil ni Gino.
Agad na ibinuhos ni Ricky sa halamanan ang tubig sa balde. Habang nilalakad nila ni Gino ang dako ng kubo ay ikinukuskos nito ang basang kamay sa puwitan ng pantalong maong.
Mabilis ang lakad ng dalawa kaya hindi nila narinig ang marahang pag-ingit ng bumubukas na pintuan ng banyo. Nakakunot-noong lumabas ng palikuran si Mang Darius.
Ang kasilyas nina Ricky ay nasa gawing likuran ng kabahayan. At maririnig ng sinumang nasa loob ang anumang ingay o pag-uusap sa likod-bahay mula sa bintana ng palikuran.
Walang kamalay-malay sina Gino na narinig ng lalaki ang buong pag-uusap nila ni Ricky!
"Ano naman kaya ang nadiskubre ng mga ito? Mabuti na ang nakakasiguro," sabi ni Mang Darius sa sarili habang tahimik at marahang sinusundan ang dalawang binatilyo upang manubok sa mga kabataan.
"Eto na sina Gino," sabi ni Kiko na nakadungaw sa bintana ng kubo.
"Mabuti naman at kanina pa 'ko naiinip," dagdag ni Boging na pinariringgan si Jo.
"Puwede ba! Kaya ka lang naiinip kasi ubos na ang singkamas mo," kantiyaw ni Jo sa kaibigan.
Nang makapasok sina Gino ay naupo nang nakapaikot sa sahig ang limang kabataan.
"May nakita ba kayo sa kuwarto ni Mang Darius?" panimulang tanong ni Gino kina Kiko at Boging.
Sabay na umiling ang dalawa. Ikinuwento ni Kiko kay Ricky ang ginawa nilang panglalansi habang naglilinis sila ng mga kuwarto kaninang umaga. Sinabi rin nito ang dahilan ng pagdududa nila kay Mang Darius.
BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.7: Maskara ni Longino
Teen FictionKahit semana santa ay hindi na iginalang ng mga masasamang-loob. May nagnakaw sa sinaunang maskara ni Longino! Paano na itutuloy ang Moriones Festival? Akala ng B1 Gang ay isang tahimik na bakasyon sa lalawigan ng Marinduque ang kanilang gagawin. P...