SABAY-SABAY na nagtayuan ang mga kabataan upang humabol din sa magnanakaw.
Puwera kay Boging na naiwan sa mesa. Sa pagkabigla ay nahirinan ito sa nginunguyang tatlong pirasong kutsinta.
"T-teka, hintayin n'yo k-ko!" hirap na sigaw ni taba habang umiinom ng tubig.
Sa gitna ng malawak na plasa huminto ang mga kabataan.
"Nasaan na si Mang Darius? Nakita n'yo ba kung saan niya hinabol ang magnanakaw?" humihingal na tanong ni Ricky.
"Hindi nga e," sagot ni Kiko na habol din ang hininga.
"Mabuti pa maghiwa-hiwalay tayo. Baka mapaano si Mang Darius kung sakaling may kasama ang snatcher," pag-aalala ni Gino na lumilinga-linga sa paligid.
"Teka, si Boging, nasaan?" tanong ni Jo. "E-Eto nah k-kho!" pulang-pula ang mukha sa pagod na sabi ni taba. "Narinig ko ang sinabi mo, Gino. Mabuti pa nga mag-split-up tayo. Pero maiwan na lang ako rito. Baka magkasali-salisi tayo kung walang maiiwan."
"Mas mabuti kung bumalik kayo ni Jo sa karinderya. Tiyak na doon tayo hahanapin ni Mang Darius," sabi ni Gino.
"Kuya naman e! Gusto ko ring makihabol," nakasimangot na reklamo ni Jo dahil hindi na naman siya kasali sa action scenes.
"Sige na, Jo. Alalayan mo si Bogs. Pero huwag kayong aalis sa karinderya hangga't hindi kami nakakabalik, ha?" pakiusap ni Gino. "Kiko, sa kanan ka. Ako sa kaliwa. Ricky, dumiretso ka. Paglipas ng sampung minuto magkita-kita uli tayo sa karinderya."
"Tena, Jo. Balik na tayo," yaya ni Boging nang makaalis na ang tatlo. Pagkaliko nila sa kalyeng pabalik sa palengke ay napatigil sa paglalakad si Boging.
"'Di ba si Mang Darius 'yon?" tanong ni taba na nakaturo sa isang grupo ng mga Morion na pawang nakamaskara.
"Oo nga. Sino kaya 'yung kausap niya? Masyado kasing marami ang grupong 'yon, iisa pa ang direksiyon ng tingin," sang-ayon ni Jo na tinutukoy ang mga nakamaskarang kalalakihan.
Palapit na sana ang dalawa nang mapalingon si Mang Darius sa kinatatayuan nila. Mabilis na naglakad patungo sa kanila ang lalaki.
"Nasaan na ang mga kasama n'yo?" tanong niya na madilim na madilim ang mukha.
"Hinahanap nga po kayo e. Inabutan ba ninyo ang magnanakaw?" tanong naman ni Boging.
"Hindi e. Mabilis ang loko. Nawala agad sa paningin ko sa dami ng nakamaskara't naka-costume ng Morion dito sa plasa!"
"E, sino po 'yong kausap n'yo?" tanong ni Jo.
"Nagtatanong ako kung kilala nila 'yong hinahabol ko pero hindi raw nila kasamahan."
"Paano na, Mang Darius? I-report na natin sa pulis ang ninakaw na kamera n'yo?" mungkahi ni Boging.
"Anong kame---" biglang napigilan ng lalaki ang sarili bago tuluyang madulas. "A, oo. Pero bahala na... Wala na namang magagawa ang mga pulis dito. Tena uli sa karinderya."
Tumaas ang kilay ni Jo pero pinilit niyon ang sariling tumahimik na muna.
Makalipas ang sampung minuto ay isa-isang nagsibalik ang tatlong binatilyo sa karindeya.
"Mabuti po at walang nangyari sa inyo, Mang Darius," sabi ni Kiko na hinahabol pa ang hininga.
Tumango lamang ang lalaki. Kitang-kita pa rin sa mukha ang galit ni Mang Darius. Pati gana niya sa pagkain ay nawala na rin.
BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.7: Maskara ni Longino
Teen FictionKahit semana santa ay hindi na iginalang ng mga masasamang-loob. May nagnakaw sa sinaunang maskara ni Longino! Paano na itutuloy ang Moriones Festival? Akala ng B1 Gang ay isang tahimik na bakasyon sa lalawigan ng Marinduque ang kanilang gagawin. P...