Una

32 2 10
                                    


Marso 1, 1952


Mahal kong Eli,


Ang distansya ay kahit kailanman hindi naging hadlang para mabuo at ipagpatuloy ang pag-ibig. Nakakatawang isipin dahil sa distansya tayo mismo pinagtagpo ngunit ang distansya rin ang magiging dahilan upang tayo rin ay magkalayo ng loob. Ikaw na unang nagbigay ng motibo, ikaw na unang nagsabi ng mga pangako ngunit ngayo'y ikaw nadin mismo ang tumapos sa lahat ng pinakaunang nangyari sa buhay ko. Oo, ikaw ang una ko. Gusto ko man itong maging perpekto gaya ng mga nababasa ko sa libro, o kaya nama'y napapanuod sa teatro ngunit masakit isipin dahil lahat ng ito ay kabaliktaran lamang. Ngayo'y napagtanto kong ang kalakip ng pag-ibig ay hinagpis ng puso. Sa bawat araw na wala ka ay unti-unti akong nalulusaw. Nawawalan ng pag-asang wala na talagang paraan para maibalik ang dati nating pinagsamahan. Malinaw na sa akin iyon, nang oras na mas pinili mong abutin ang iyong pangarap—ang pagsusundalo ay doon ako naliwanagan na hindi pala sapat ang pag-ibig para punan ang kahit anumang pagkukulang dahil pag-ibig man mismo ay may kakapusan rin. Mas pinili mo pagsilbihan ang ating bayan gayunpaman wala na akong karapatan pang tumutol dahil mas madami kang mapagsisilbihan. Masakit ngunit kailangan kong pakawalan ka upang ako narin ay makalaya. Pinanghawakan ko ang isang bagay na hindi ko alam kung bakit mo naman ito binitawan agad-agad. Sumugal ako sa isang laro na hindi ko din alam kung bakit sa una palang ay ipinamukha mo na saking ako'y matatalo. Oo nga pala, wala kasi tayong maayos na wakas. Pasensya kana kung nakakalimutan ko. Pasensya kana dahil masyado akong nabulag sa iyo. Na kahit hanggang ngayon, ikaw parin ang laman nitong madayang puso. Na kahit hanggang ngayon ikaw parin ang nasa panaginip ko. Nakakatulog man na laging basa ang unan, nagigising man na halos wala nang ganang bumangon pero tandaan mong ni isang araw ay wala akong pinalagpas na isipin ka. Mahal kita, mahal mo ako--ngunit ang sabi mo nga'y hindi sapat iyon para ipagpatuloy ang ating nasimulan. Hindi ko alam kung tayo'y tapos na pero sana----sana bumalik ka at ako'y mahalin mo pa dahil naghihintay ako kahit ilang milya man ang layo mo mula sa akin. Mag-ingat ka lagi aking Eli.



Nagmamahal,


Lolita Cuevas



Mga Lihim na Liham para kay EliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon