Ikalawa

30 1 6
                                    


Setyembre 23, 1952



Pinakamamahal kong Eli,



Tingnan mo nga naman ang napakagandang buwan ngayong napakatahimik na gabi. Tila ba nagsasabing titigan ko siya at alalahanin ang pangako mong pakakasalan ako kasama ang buwan, mga bituin at mga alitaptap. Na kahit tutol ang ama at ina ko sa ating pag-iibigan ay hindi ka matatakot na iharap ako sa buong kalawakan--ngunit hindi ko alam kung ito'y matutupad mo pa. Hindi sa sinusumbatan kita sa iyong mga pagkukulang at desisyon dahil lahat ng pagkatao mo'y tanggap ko at kahit nawala ka man ay patuloy parin akong umaasa na magbabalik ka pa. Nawala kalang ngunit nandito lahat sa aking paligid ang bawat alaalang kasama ka. Hinding-hindi ko malilimutan ang una nating pagkikita. Isang hiwaga nang nasilayan ko ang iyong mukhang natutulog sa isang puno malapit sa batis ng aming bakuran. Papalubog na noon ang araw ngunit ikaw parin ay naghihilik. Ang mukha mo'y isang estranghero--hindi nakatira dito sa bayan. Napansin ko rin ang mga libro sa tabi mo at ang unipormeng suot mo. Isa kang estudyanteng nag-aaral ng abogasya. Alam ko iyon dahil magkalapit lang ang ating unibersidad. Nagising ka sa pagtawag ni ama sa aking pangalan dahil maggagabi na. Napabalikwas ka ngunit napatigil nang nagtama ang ating mata. Masarap magpakalunod mula sa pagkakatitig mo dahil nakita ko ang mga mata mong nagbukas at idinadala ako sa kakaibang mundong tayo lang ang nakakaalam ngunit bumalik ako sa aking ulirat nang tinawag ulit ni ama sa aking pangalan. Agad-agad akong tumakbo gayunpaman, nagulat ako sa ikinilos mo---tumakbo karin kagaya ko. Nagtaka ako kung kaya't tinanong ko kung ano ang iyong ginagawa at ang sagot mo nama'y gusto mong makilala sina ama at ina. Sinamaan kita ng tingin dahil sa oras na malaman nilang nakikipagkita ako sa lalaki ay malalagot ako. Ang gusto kasi nila'y magtapos ako at makapagturo rin sa isang unibersidad. Tumigil karin at napatawa. Isinigaw mo pa ang aking pangalan at sinabi mong natutuwa kang makita ako. Doon ako nawalan ng hangin sa kauna-unahang pagkakataon kasabay ng oras kung saan una rin akong nabighani sa iyong mga mata. Ayaw na ayaw ko sa aking totoong pangalan ngunit noong sinambit mo ang ito, para bang ang boses mo ang nagsilbing tinig para mahalin ko ang sarili kong pagkatao. Isang nahihiyang ngiti lamang ang naisukli ko mula sayo at humakbang na ako palayo sa kinaroroonan mo. Hindi ako palakaibigan gaya ng mga dilag dito sa aming bayan kung kaya't natutuwa akong may isang kagaya mo na naglakas-loob upang ako'y kausapin--kahit saglit lang. Iyon ang araw kung saan una akong humanga sa isang lalaki at aaminin kong gusto kitang maging kaibigan.



Maiisip ko palang ang ating simula ay mas lalo kitang namimiss. Ako'y naiinggit sa buwan dahil sigurado akong ikaw ay kanyang nasisilayan. 



Maghihintay parin ako sayo.






Laging nagmamahal,


Lolita Cuevas

Mga Lihim na Liham para kay EliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon