Apat

12 1 0
                                    

At dahil ang aking apo na si Eleanor ang nagbabantay sa akin ay ipinagpatuloy parin niya ang ideyang makapuslit kami ng maayos dito sa hospital. Pinakiusapan lang niya iyong kakilala niyang staff sa kwarto ko para masigurong walang nakakaalam sa plano namin. Tandang-tanda ko pa noong kabataan ko, kasing likot ko rin ang batang ito ngunit disiplinado lalo na ang pagkakaroon ng respeto sa kapwa. Napapansin kong lagi nitong kinakalikot ang kanyang cellphone at pagkuwa'y may kakausapin sa kabilang linya.




Iba na talaga ang mundo ngayon. Ibang-iba na sa dati na kung saan aabutin pa ng ilang buwan o kung mamalasin ka ay taon pa na matanggap ang liham ng isang taong malayo sayo. Naalala ko si Eli---ang mga liham ko sakanya. Paano kaya kung nabuhay kami sa henerasyong ito? Paano kaya na sa isang pindot lang ng 'send' sa telepono ay mababasa na agad nito ang aking mensahe at agad-agad naman niya akong susulatan pabalik. Paano kaya kung sa isang pindot lang ay makikita ko na ang kinasasabikan kong mukha niya. O kaya nama'y sa isang bukas ko lang ng aking telepono ay malalaman ko na kung nasaan at ano ang kanyang ginagawa. Marahil ay nagkaroon ng katanungan ang aking mga kasagutan noon. Nakakalungkot isipin na nabuhay kami sa panahong puno ng pag-asa ngunit kakaunti lang ang pagkakataon naming magkita. Nabuhay kami noong panahong pinagkaitan kami ng oras at pagkakataon. Ngunit wala nang maitutulong pa ang pagsisisi ko. Masaya ako sa naging desisyon ko sa buhay ngunit hindi ibig sabihin ay buo na ako---si Eli parin ang kulang sa lahat ng ito.





"Buti nalang La maayos pa'tong kotse ni lolo." Tinapik tapik pa ni Eleanor ang manibela ng kotseng makaluma na at masaya itong nagmaneho papunta sa kinaroroonan ng isa sa mga importanteng tao sa amin---si Facundo.




Sementeryo. Isang lugar kung saan nahihimlay ang bawat tahimik na kaluluwa. Ang lugar na kung saan tayo ay muling ibabalik sa ating pinanggalingan---ang lupa at abo. Sa akin man, kung sakaling ako'y mamatay ay gusto kong maging abo. Mas nanaisin kong itapon ang bawat parte ng aking pulbos sa dagat upang ang dagat mismo ang magsisilbing himlayan ng kaluluwa kong payapa. Ang dagat na kung saan madalas kalmado na gaya ng nahimlay na ay nagiging payapa. Ang dagat na kung saan nagdurugtong sa bawat nawawalang lugar na maaaring gumabay sa nawawalang pagkatao. Ang dagat na siyang nagiging pag-asa sa bawat mangingisdang nakikipagsapalaran sa bawat alon ng buhay. Ang dagat, madalas man ito'y payapa ngunit minsan ito rin ay mapaminsala kapag naabuso ng sobra---gaya ko. Ang dagat ay ako.




Ipinatong ko ang dala kong bulaklak sa puntod ni Facundo. Limang taon narin simula ng kanyang pagpanaw. Madami ang nalungkot sa kanyang pagkawala dahil nawalan din ang mundo ng napakabuti at masayahing tao na kagaya niya. Tiningnan ko ang kanyang larawan sa puntod at hinaplos ito. Limang taon na Facundo, sapat na ba iyon para tayo ay magkita ulit? Marami na akong baong kwento sa'yo at nasasabik na akong makita kang nakangiti ulit. Pinunasan ko ang luhang pumatak sa aking mata.




Wala akong ibang hiling kundi ang sumaya ka, Facundo kagaya rin ng hiniling mo sa akin noon pa.



Nagpunta na kami sa pangalawa naming destinasyon, iyon ay ang puntahan ang tirahan nila Eli.




Nakarating kami sa dati nilang tirahan. Mukhang abandonado na ang kanilang lupain. Malawak ito ngunit sayang nga lang dahil halos mapuno na ng masukal na damo at puno ng acacia. Hindi na ako naipakilala noon ni Eli sakanyang magulang dahil kagaya ng aking mga magulang, ang gusto nila'y magpokus lang si Eli sakanyang pag-aaral ng abogasya. Kahit pa siguro naiharap ako nito ay tutol parin ang kanyang ama dahil mortal na magkaaway noon sa pulitiko ang aming angkan kung kaya't mas pinili naming ilihim nalang ang lahat kung anong mayroon sa amin.




Lihim. Sa lahat ng salita, ang lihim ang siyang kumakatok sa harapan ko ngayon. Nauungkat ang nakaraan dahil sa mga hindi ko inaasahang lihim ng aking buhay. Ang dating liham na puno ng pagsinta na halos ipagsigawan ko sa buong mundong mahal ko si Eleazar, ngayon ay naging lihim na tila bang kapag hindi pa naungkat ay mananatili itong tikom sa katotohanan.




"Kinakabahan ka ba, La?" Ngumiti lang ako nang may pag-aalinlangan. Hindi ko rin alam kung anong dapat kong maramdaman. Marahil ay nabasa na ni Facundo ang mga liham ko sakanya ngayon. Iisipin ko palang iyon ay parang mapupuno rin ang kanyang utak ng pagsisisi at panghihinayang. "Hindi ko alam, apo. Hindi ko alam."




May lumapit sa aming lalaki na nagpakilalang caretaker ng lupain ng pamilang ito at ang sabi niya'y matagal nang wala si Eleazar dito sa kanilang tahanan. Aaminin kong nalungkot at kinabahan ako sa sinabi ng lalaki ngunit inihanda ko na ang aking sarili sa kung anumang kahihinatnan nitong aming sadya.




"Tara po Ma'am sumunod po kayo sa akin at ihahatid ko kayo sa kinaroroonan ni Sir Eleazar." Kagaya ng sinabi niya'y sinundan namin ito gamit ang kanyang moto habang kami ay ang kotse ni Facundo. May kalayuan ang aming byahe ngunit nabuhayan ako ng loob. Mayroong sumisigaw parin sa puso kong buhay pa si Eli at may mumunting bumubulong rin na wala nang pag-asang magkita pa kami. Ngunit mas nananig iyong una, iyon ang importante.



Napahinto kami sa isang malaking bakuran. Inilibot ko ang aking paningin at may mga puting semento na may isang metro ang agwat. May mga pangalan ang mga puting semento ngunit halatang luma na ang lapida nito dahil hindi na mabasa ang buong pangalan ni Eleazar. Hindi ako nagkakamaling isa rin itong sementeryo. Hinawakan ng aking apo ang aking kamay na bahagyang nanginginig. Mahirap mang tanggapin ngunit nasa harapan ko na ngayon ang pangalan ni Eleazar sa puting semento.







"Matagal na pong patay si sir Eleazar." Sambit ng lalaki.





Sa ikalawang pagkakataon, tumigil ang mundo ko kasabay ng pagpigil nitong gumuho. Napatunayan ko na ang sementeryo ang huling hantungan ng pusong nagdurugo.












A/N: Itutuloy......

Mga Lihim na Liham para kay EliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon