Isa

14 1 0
                                    

Makalipas ang animnapu't-pitong taon....






Napangiti ako sa napakagandang tanawin na nakikita ko ngayon. Maswerte ako dahil hanggang ngayon ay binigyan ako ng Panginoon para masilayan ang kanyang mga likha. Boluntaryong kumukumpas ang aking mga daliri sa bawat tugtugin ng mga kantang aking pinapakinggan na para bang ibinabalik na naman ako sa aking nakaraan. Tila bang isa itong musika na inihehele ako na kapag napakinggan ko na ang bawat salita at kumpas nito'y isinasauli kung saan ako noon nagsimula. Sa bawat panahon at pagkakataon ng aking buhay, lahat ng iyon ay nagkaroon ng saysay dahil sa tamang desisyon na nagawa ko. Napapikit ako dahil sa naaaninag kong sikat ng paglubog ng araw. Unti-unting sumilay ang aking mga ngiti sa aking pagpikit. Tunay ngang napakahiwaga ng mundong ginagalawan ng tao at gaya ng sabi nila'y saka mo lang mabibigyan ng halaga ang buhay kung dumating ka sa puntong ikaw na mismo ang maghahabol sa oras mo sa mundong iyong kinagisnan.




Alas-singko y medya na kaya't natutuwa ako dahil papalubog na naman ang araw. Isang araw na naman ang natapos at masaya akong nakasama ko na naman ulit ang mga taong tunay na nagmamahal at hindi ako pinapabayaan. Isang araw na naman ang lumipas ngunit mukha niya'y hindi ko parin limot, mukha niya'y sariwa parin sa aking memorya na kung tutuusin nga'y nagiging makakalimutin narin ako sa edad kong ito. Lumipas na ang ilang araw, buwan, taon at dekada ngunit tandang-tanda ko pa lahat ng alaala na kahit nagdulot man sa akin ng sakit ay patuloy ko itong babaunin kahit man sa aking hukay.




"La, sabihan niyo lang ako kung gusto niyo nang pumasok sa loob." Bahagya akong napadilat at nawala sa pagbabalik tanaw dahil sa boses na aking narinig. Hindi nga talaga ako nagkamali sa bawat desisyon na aking pinili. Inabot ko ang kanyang kamay at ako'y tumango na alam na niya ang ibig sabihin nito. Tumabi siya sa aking kinauupuan at sabay naming pinagmasdan ang papalubog na araw. Napakaganda ng araw kagaya ni Eleanor, ang aking apo. Napakapayapa kagaya ng araw na ito sapagkat wala akong ibang nais kundi ang makipagkaibigan sa kalikasan. Napakabinditado na ihahalintulad ko sa aking buhay. Pinagpala. Wala nang ibang hihilingin pa.


"Lola, naaalala mo pa ba kung paano kayo nagkakilala ng aking Lolo Facundo?" Puno ng pagkagulat at pagtataka na napatingin ako kay Eleanor ngunit napalitan rin ito ng ngiti. Kagaya ng ginagawa ko noong bata pa siya ay hinagod ko ang kanyang buhok.



At sa walang pagdadalawang-isip ay sinagot ko ang tanong niya na puno ng pagsinta. "Siya ang pinakamamahal at pinakamatalik kong naging kaibigan. " Bahagya itong tumagilid at pinunasan ang luhang tumutulo sa kanyang mata. Marahil ay namimiss na nito ang kanyang lolo.



"Hinding-hindi ko makakalimutan ang mga araw na kasama ko siya. Siya ang nagbigay indayog sa kantang aking tinutugtog. Binigyan niya ng masasayang kulay ang bawat litratong aking ipinipinta." Tiningnan ko siya, "Matanda na ako anak pero hindi ako malilimutin." Bahagya itong napatawa.




"Ngunit wala na siya. Nauna na." Sambit ko at mapait akong napangiti.

Mga Lihim na Liham para kay EliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon