1945
Sa isang liblib na pook sa Laguna, isang dalaga na mahimbing na natutulog ang muling dinalaw ng isang panaginip. Hindi pangkaraniwan ang kanyang panaginip sa nakalipas na mga araw. Katulad ng dati, naroroon daw siya sa isang napakalawak na parang. Napapaligiran ang lugar ng iba’t-ibang bulaklak. Maganda ang panahon at kay payapa ng simoy ng hangin.
“Mahal”, tawag ng isang boses mula sa kanyang likuran.
Kumislot ang kanyang puso sa narinig. Umikot siya at sinundan ang boses. Nagtataka kung sino ang tumatawag at nais tingnan kung saan ito nagmumula. Isang pigura ng lalaki ang sumalubong sa kanya, at ito ay papalapit at may hawak na bungkos ng bulaklak. Hindi niya makita ang hitsura sapagkat ito ay nababalutan ng sikat ng araw.
Patuloy ang paglapit sa kanya ng lalaki, hindi siya umalis sa kinatatayuan bagkus ay hinintay niya itong lumapit sa kanya. Hindi mawari ng dalaga, subalit sa bawat hakbang ng misteryosong lalaki ay pabilis nang pabilis ang tibok ng kanyang puso. Na sa wari ba ay parang matagal na niya itong hinihintay.
Subalit biglang nagbago ang paligid. Ang parang ay napalitan ng mga kubong nasusunog at ang maliwanag na sikat ng araw ay napalitan ng malalam na liwanag ng buwan. Maingay na rin ang paligid hindi katulad kanina na tahimik at payapa.
At sa kanyang paglingon, ang lalaking nagmamay-ari ng mahiwagang boses ay napalitan ng isang lalaking nakabihis sundalo. At ang bungkos ng bulaklak at napilitan ng isang bayoneta na may matulis na kutsilyo sa dulo. Sa takot ng dalaga’y siya ay napaatras. Sumigaw hindi lamang dahil sa takot sa sundalo ngunit sa waring kurot sa kanyang puso na para bang sinasabi na huwag katakutan ang taong nasa harap niya.
“Ahhhhhhhhhhh! Huwag!”, sigaw ni Marietta kasabay ng pagbangon niya mula sa papag na kinahihigaan.
Ilang malalalim na paghinga ang kanyang pinakawalan bago tuluyang kumalma.
“Anak, parehong panaginip na naman ba?”, tanong ng kanyang ina.
“Opo, Inay”, sagot ng dalaga.
“Lalo akong naniniwala na iyan ay isang premonisyon. Tama nga marahil ang aming desisyon ng iyong ama na hindi ka muna pababain sa bayan at papasukin sa escuela. Ayon sa ating mga kabaryong lalaki ay naparami raw ng umaaligid na mga sundalong Hapon ngayon doon. Sige, uminom ka ng tubig sa banga, at magpahinga ka na ulit. Maaga pa tayo bukas.”
“Sige po Inay.”
Ngunit hindi na siya nakatulog ng gabing iyon. Pabiling-biling siya sa papag habang patuloy na iniisip kung ano ang ibig ipahiwatig ng kanyang mga panaginip.
Katulad ng dati, bago sumikat ang araw, naghanda na si Marietta para sa muling pagpunta nila sa bukid ng kanyang ama. Nagluto ng almusal at inihanda ito sa munting sisidlan na kanyang nilala at inadornohan bilang regalo sa kanyang amang si Mang Imo.
Nang makarating sa bukid ay tumuloy siya sa kanilang munting pahingahan habang ang kanyang ama ay dumeretso na sa palayan upang maghasik ng mga punla. Habang inaantay ang tanghalian, kinuha ni Marietta ang kanyang munting libro ng mga tula. Walang anu-ano’y nakarinig siya ng mahinang kaluskos mula sa kanyang likuran. Matataas na talahib ang bumungad sa kanya. Nag-aalangan man ay lumapit siya sa pinanggagalingan ng tunog. Dahan-dahang hinawi ang nagtataasang damo at doon niya nakita ang isang tao. Isang lalaki ang nakadapa sa lupa. Sugatan ito. May tuyong dugo na namuo sa gilid ng noo nito, punit-punit ang pang-itaas na damit at makikita sa mga awang ang mga pasa, galos at sugat. Hindi na gumagalaw ang lalaki kaya naglakas-loob na si Marietta na lapitan ito. Dahan-dahan niyang inihiga ang binata, at nang masilayan ang mukha nito ay parang tumigil ang kanyang paghinga.
![](https://img.wattpad.com/cover/21966023-288-k836392.jpg)
BINABASA MO ANG
Thoughts With Unicorn Dusts
RandomDedicated to all readers who would like to rediscover themselves and read something aside from novel-like stories. It is mainly about the author's perspective about anything and everything under the sun. The author's literary works (Stories, poems)...