1984
“IBAGSAK SI MARCOS! IBAGSAK SI MARCOS!”
Puno ng hiyawan ang kalsada ng Maynila. Nagkalat ang mga raliyista kaliwa at kanan. Nakipagsiksikan ang mamamahayag na si Ramon kasama ang kanyang kameraman sa kumpol ng mga tao upang makakuha ng magandang anggulo.
“Lumipat tayo ng pwesto ‘pre. Masyadong maraming tao rito”, nag-aalalang sabi ni Ramon.
“Bakit? Huwag mong sabihing natatakot ka? Mas marami pang tao noong isang araw kesa ngayon”, sagot ng kanyang kasama.
“Gago! Ako matatakot, batikan yata ito”, sagot naman niya.
Iba ang pakiramdam ni Ramon, hindi takot na baka magkagulo ang mga tao, kundi takot na kung hiindi siya aalis sa lugar na iyon ay meron siyang isang bagay na mapapalampas. Hindi niya alam kung ano iyon pero alam niyang mahalaga iyon. Sabihan na lang na iyon ay intwisyon niya bilang isang reporter. Naramdaman niya lamang iyon kahapon. Nasa isang conference siya ng bigla ay parang tumalon ng isang pintig ang kaniyang puso. Nagpalinga-linga siya sa kaniyang paligid na animo’y may hinahanap. Wala naman siyang nakitang kakaiba maliban sa pigura ng isang babae na pumasok sa pintuan sa kaniyang tagiliran. At ngayon ay heto na naman.
“Putsa, may mangyayari atang masama sa akin at iba ang kutob ko,”anya sa kanyang isip.
Sa pagpupumilit ay napapapayag niya ang kanyang kasama na tumawid sa kabilang kanto at pumasok muna sa isang kainan upang magpahinga. Bago pumasok sa restawrant ay bigla siyang napahawak sa kanyang puso. Ayon na naman ang kakaibang pakiramdam na parang mayroong mangyayaring kakaiba. Nahulog tuloy ang kaniyang salamin. Aktong pupulutin na niya ito nang biglang bumukas ang pinto ng kainan at lumabas ang isang babae na may hawak na mga dyaryo. Nagliparan ang ilang papel at sabay silang natumba ng estranghera. Agad bumangon ang babae at inumpisang pulutin ang mga dyaryo.
“Anak ng! Ano ba ang ginagawa mo dyan sa pinto? Nag-aantay kang tirahin ng mga pulis ni Marcos?!”, sigaw ng babae sa kanya.
“Pa-pasensya…”
“Pasensya!?Reporter ka pa man din eh lalampa-lampa ka. Paano kung magkagulo sa rally? Eh di naaapakan ka na ng mga tao!?”
“Eto na nga Miss, tinutulungan ka naman eh, masyado namang mainit…”
Habang nagsasalita ay unti-unting itinaas ni Ramon ang kanyang mukha upang makita kung sino ang kanyang nakabungguan. Ngunit hindi na natapos ni Ramon ang kanyang sasabihin sapagkat napanganga na lamang siya ng makita ang kaharap. Sigurado siyang hindi niya ito kilala subalit sa pagtatama ng kanilang mata ay biglang naupos ang kanyang paghinga kasabay ng pagdagundong ng kaniyang puso. Hindi niya namalayan na sumasagot na pala ang babae.
“Mainit? Oo mainit ang panahon kaya pampasira ka talaga ng diskarte. Akina na nga yang mga papel”, sabay hablot sa bahagi ng dyaryo na hawak niya. Pareho na silang nakatayo subalit walang imik pa rin ang reporter.
“Wala ka bang sasabihin sa akin?”, tanong ng mainitin ang ulong babae.
“Ang puso ko…”, iyon lamang ang nasambit ng binata.
“Gago ka ba?! High ka ata eh!” sabay alis ng babae.
Nakipagsiksikan ito sa mga tao hanggang sa hindi na siya makita ni Ramon. Doon lamang bumalik sa normal ang tibok ng kaniyang puso. Wala sa oras na napauwi siya sa kaniyang apartment dahil sa nangyari. Ni minsan ay hindi niya naranasan ang ganoon sa harap ng isang babae. Hindi siya naniniwala sa love at first sight. Una dahil number one babaero siya at pangalawa 1984 na. Hindi na uso ang ganyan ngayon. Pero hindi pa rin niya maipaliwanag ang kaniyang nararamdaman para sa babaeng bukod sa siga na eh masungit pa.

BINABASA MO ANG
Thoughts With Unicorn Dusts
LosoweDedicated to all readers who would like to rediscover themselves and read something aside from novel-like stories. It is mainly about the author's perspective about anything and everything under the sun. The author's literary works (Stories, poems)...