Di lang minsan na ako'y niloko mo
Paulit-ulit, pero ano?
Nagtataingang kawali sa mga naririnig
Nagbubulag-bulagan, puno man ng ligalig.
May ilang ulit ko na ring tinangkang iwan ka
Pero bumabalik ako sa iyo, hindi ko kaya.
Di ko kayang sa iyo ay tuluyang lumayo
Kaya't nagtitiis, kahit iyong binibigo.
Martir na kung martir, mahal talaga kita
Wala akong pakialam sa sasabihin ng iba.
Sa iyo ko natagpuan ang kaligayahan
Na sa kanila ay hindi ko naramdaman.
Kapag nasa piling mo, lahat ay maganda
Para kang isang diyos na aking sinasamba.
Mistulang kanta ang bawat bigkasin mo
Isang napakagandang musika na bumibihag sa puso.
Bawat haplos mo ay nagpapahina sa akin
Bumibihag sa marupok kong damdamin.
At kung ako'y bilanggo ng mga yakap mo
Napapasunod mo ako, napapabigay sa tukso.
Kapag naghihinang ang mga labing kay tamis
Pag-ibig nga ay nag-uumapaw nang labis.
Nalulunod ako sa karagatan ng realidad
Puro panaginip na nawawala namang agad.
Maging mga kaibigan ay tinalikuran na ako
Sawa na daw sila sa patuloy na pagpapayo.
Payo nila na ikaw ay lisanin
SIyang payo rin namang ayaw kong sundin.
Ikaw ang hangin na kailangan ko
Dugong dumadaloy, nagpapatibok sa puso.
Kapag nawala ka, mawawalang saysay
Ang lahat ng bagay, ang aking buhay.
Siguro nga ay di na ako makakawala sa iyo
Pagkat sa pag-ibig mo ako'y bilanggo.
Dasal ko lang sa Maykapal ay kayanin ko pa
Lahat ng panlilinlang mo dahil mahal kita.
BINABASA MO ANG
Pulang Pluma (Filipino Poetry)
PoetryAng mga pangunahing tema ng mga sumusunod na tula ay pag-ibig, pagkabigo at pagsisimulang-muli. Ngayon palang sinasabi ko na Ang mga tulang mababasa mo Ay tagos sa kaluluwa At sagad hanggang buto Nagmamahal, Eve --- Cover image credit: pixgood.com