Mundo ko ay gumuho, mga pangarap ay nawasak,
Nang sabihin mo sa akin ang katagang "paalam."
Isang malaking dagok ang sa akin ay bumagsak
At tanging ikaw ang kailangan upang mga luha'y maparam.Sansaglit nating pag-ibig ang siyang naging buhay ko,
Ikaw ang dugong dumadaloy sa bawat himaymay ng katawan.
Ikaw ang hanging nagbibigay-buhay sa aking pagkatao,
Kaya't ang wala ka na'y di matatanggap kailanman.Bawat segundong pumapatak, ako ay nagdurusa
Minamalas sa isipan mga sandaling pinagsaluhan.
Luha kong siyang dumidilig sa pusong nanghihina,
Tanong kong "bakit" pilit hinahanapan ng kasagutan.Buhay ko ngayon ay mistulang madilim na silid,
Nakapanlulumo, kay lamig, namamayani ang sakit.
Hanggang kalian ba ito mananatiling nakapinid?
Gaano katagal paghaharian ng hinanakit?Kailangan ba talagang humantong sa ganito
Ang pagmamahalan nating pinangarap at inasam?
Marahil nga ay ito na ang katapusan ng ating yugto,
Aking sinta, winakasan mo, nang sabihin mong paalam...
BINABASA MO ANG
Pulang Pluma (Filipino Poetry)
PoetryAng mga pangunahing tema ng mga sumusunod na tula ay pag-ibig, pagkabigo at pagsisimulang-muli. Ngayon palang sinasabi ko na Ang mga tulang mababasa mo Ay tagos sa kaluluwa At sagad hanggang buto Nagmamahal, Eve --- Cover image credit: pixgood.com