CHAPTER 5

10.5K 174 4
                                    

MAGAANG-MAGAAN ang pakiramdam ni Cavri nang magising siya. Parang ilang taon siyang hindi nakatikim ng pahinga kaya nag-enjoy ng husto ang buong katawan niya.
Iginala niya ang paningin sa paligid. Hindi gaanong maliwanag dahil nakasara ang makakapal na kurtina ng silid niya. Hindi rin gano’n kalamig ang hanging ibinubuga ng aircon.

Dahan-dahan siyang bumangon at tinungo ang bintana. Hinawi niya ang kurtina. Naitakip niya sa kanyang mga mata ang isang braso niya nang salubungin siya ng nakasisilaw na liwanag. Nang unti-unting nang masanay ang kanyang mga mata ay tuluyan na niyang hinawi ang kurtina.

Hindi niya napigilan ang pagsilay ng ngiti sa kanyang mga labi nang matanaw ang silid na katapat ng sa kanya. Naroon at nagwawalis ng silid nito si Enad. Naaalala pa niya nang gabing makita siya nito sa bus terminal. Hindi niya alam kung anong ginagawa nito roon but, what the heck?

He saved her and that was all that mattered.

Natatandaan pa niya nang buong ingat na inalalayan siya nito hanggang sa makauwi sila. He continued to hold her hand all throughout their travel home.
Itinukod niya ang mga braso sa bintana. Guwapo talaga ang ungas. Kahit naka-simpleng fatigue shorts lang ito at puting T-shirt ay hindi nababawasan ang kakisigan nito. He even looked cute wth that stupid bandana on his head.

Hindi siya nag-iwas ng tingin nang mapalingon ito sa gawi niya. Sa halip na mahiya ay buong tamis pa siyang nginitian nito. Ngiting-ngiting lumabas ito sa verandah ng silid nito.

“Well, good morning pretty lady. Kamusta naman ang tulog mo? Hindi na ba masama ang pakiramdam mo?” sunud-sunod na tanong nito.

Pilit niyang sinupil ang ngiti. “Para kang reporter. Ang dami mong tanong.”

Mahigpit na napahawak siya sa hamba ng bintana ng bigla itong humalakhak. Para kasi siyang kiniliti nang marinig ang pagtawa nito.

“Mukhang magaling ka na. Inaaway mo na ulit ako.” Ginaya siya nito. Ipinatong din nito ang mga braso sa bakal na hamba ng veranda. “Seriously, kamusta na ang pakiramdam mo? May masakit pa ba sa iyo?”

“Maliban sa kumakalam na sikmura ko? Wala na. Maayos na ang pakiramdam ko.”

Tumatangu-tangong nilaro nito ang walis-tambong hawak nito saka may kung anong sinilip sa ibabang bahagi ng bahay nila. “Nakita kong umalis kanina ang papa mo. Nasa barangay hall naman si Tita para makipag-meeting daw sa nalalapit na fiesta rito sa inyo.”

“Ahh.”

“Gusto mong lumipat muna rito at kumain?” sinipat nito ang suot na relo. “It’s almost lunch.”

Biglang tumalon ang puso niya. “Pwede naman akong kumain dito. Siguradong nakapagluto na si Mama.” Ay, pakipot ang ale!
“Malungkot kumain ng mag-isa. Magkakasakit ka lang ulit.”

Sandaling nag-isip siya. Tama ba ang gagawin niya? Hindi ba’t kahapon lang ay naiinis pa siya rito? Nagtatalo ang kalooban niya. A part of her wanted to be with him even for just a minute. Pero may isang malaking bahagi ng isip niya ang nagsasabing hindi siya dapat maglalapit dito ng husto.

Napalingon uli siya sa gawi nito nang mahinang mapamura ito. Nakita niya itong nakayuko sa veranda habang tinitingnan ang walis-tambo na ngayon ay nakahandusay na malapit sa mababang bakod ng unit nito. Bahagya siyang natawa. Alanganin ang ngiting tumuwid ito ng tayo.

Right there and then, nagkaisa na ng desisyon ang isip at puso niya. “Ano bang pagkain mo?”

Biglang umarangkada ang tibok ng puso niya nang lumapad ang ngiti nito kasabay ng pagkislap ng mga mata nito.

Napabuntong-hininga siya. Patay kang bata ka…

WHAT?”

Napakurap-kurap si Cavri nang nakangiting iwagayway ni Enad ang sandok na ginagamit nito sa mukha niya. Kanina pa siya nakaupo sa harap ng counter at pinagmamasdan ito habang nagkukutingting ito sa harap ng lababo.

Tumaas ang dalawang kilay niya saka siya umiling. “Wala. Nakaka-amaze lang panoorin ang isang lalaking gaya mo na ekspertong gumagalaw sa loob ng kusina.”

“Ngayon ka lang nakakita ng lalaking nagluluto?”

“Medyo.” Dumampot siya ng saging sa fruit basket sa gilid ng counter nito. “Wala kasing marunong magluto sa amin maliban sa Mama ko.”

“You don’t cook?”

“Hindi. Wala akong talent sa kusina, eh. Nagmana ako kay Papa.” Nginisihan niya ito nang kumunot ang noo nito. “Oo. Tamad ako pagdating sa mga gawaing-bahay kaya hindi mo na ako kailangan pang tingnan ng ganyan.”

Napangiti ito bago iiling-iling na binalikan ang ginagawa. She ended up staring at his broad shoulders and taut hips. Wala sa loob na naisubo niya ang saging na hawak niya nang mapagmasdan ang nagyayabang na puwit nito.

Hindi siya naniniwala sa sinasabi ng ibang mga nobelistang gaya niya na pwedeng maging sexy ang puwit ng isang lalaki. Pero nang mga sandaling ay parang gusto na niyang maniwala. Dahil nasa harap niya ang isang buhay na patunay niyon.

“Nasabi sa akin ni Tita na—“
Huli na para mag-iwas siya ng tingin nang biglaan itong humarap sa kanya. Dahil sa puwit nito naka-sentro ang atensiyon niya, sa gawing iyon pa rin siya nito nahuling nakatingin. Iyon nga lang, hindi na sa likurang bahagi ng katawan nito kundi iyong nasa harap. Nakabitin pa sa bibig niya ang nginangata niyang saging habang dilat na dilat ang kanyang mga mata.

Nahiling niyang sana ay bumuka ang lupa at lamunin na lang siya. Kahit hindi na uli siya isuka niyon ay ayos lang sa kanya.

Pakiramdam niya ay binalikan siya ng lagnat nang mag-init pati dulo ng mga kuko niya sa hiya. Sa sobrang pagkataranta niya ay wala sa loob na naisubo niya ng buo ang saging na kinakain niya. Bumara iyon sa lalamunan niya kaya sunud-sunod na napaubo siya.

“Are you alright?” tanong nito habang hinahagod ang likod niya. “Here. Drink this.” Anito nang abutan siya ng isang basong tubig.

Maluha-luha siya nang mahimasmasan. “Okay ka na?”

Parang gusto uli niyang mahirinan nang salubungin siya nang nangingislap na mga mata nito. Gusto niyang mangatwiran ngunit wala siyang maisip na sabihin. Paano niya ipapaliwanag dito na hindi “iyon” ang pinagnanasaan niya kundi ang puwit nito? Napangiwi siya.

“Dahan-dahan lang kasi. Hindi ka naman mauubusan… ng saging.”

Humalakhak ito nang sibatin niya ng isang matalim na tingin. Alam niyang mapulang-mapula na ang mukha niya sa sobrang hiya. Nang hindi na siya makatiis ay isinubsob na lang niya ang kanyang mukha sa counter. Lalo lamang itong humalakhak.

“Sige, tumawa ka pa.” naaasar na wika niya. “Kapag binalikan ako ng lagnat dahil sa pambu-bully mo, hinding-hindi kita mapapatawad.”

“I’m not bullying you.” Tatawa-tawang hinawakan siya nito sa magkabilang balikat saka siya itinayo mula sa pagkakayukyok. “Ano ba kasing ginagawa mo? Kapag may nakakitang ibang tao sa iyo, baka kung ano ang isipin nila.”

Umungol lang siya saka muling isinubsob ang mukha niya sa counter ngunit maagap na napigilan na siya nito. Tumatawa pa rin ito nang kunin sa kamay niya ang saging na napangalahati na niya.

“Sige na. Kalilimutan ko na ang nakita ko. Hindi ko rin naman mapapatawad ang sarili ko kapag binalikan ka ng sakit mo.” Dagling lumipad ang tingin niya sa mukha nito. His handsome, smiling face greeted her. “Stay put. Sandali na lang at makaka-kain na tayo.”

Wala sa loob na tumango siya. Sinundan lang niya ito ng tingin nang bumalik ito sa harap ng lababo. Bigla siyang nakaramdam ng pagkabagot ng tahimik na ipinagpatuloy nito ang ginagawa. She suddenly wanted to hear his voice.

Mabilis na pinagana niya ang pagiging writer niya. “Sabi mo, bakasyunista ka na lang. Saan ka ba nanggaling?” usisa niya.

“Sa Tokyo Metropolis.” Sagot nito habang hinuhugasan ang mga patatas at carrots. “Pero sa States ako nag-aral at nakapagtapos ng college.”

Kumunot ang kanyang noo. “Akala ko ba, sa SAU ka nag-college?”

“Oo. I took up B.S Chemistry bago ako ipinadala ng parents ko sa States. Doon na ako nag-medicine proper.”

“Doktor ka talaga?”

Kunot-noong binalingan siya nito. “You’re hurting my ego. Bakit parang hindi ka makapaniwalang isa akong alagad ng medisina?”

“Dahil mas mukha kang artista.” Napakagat-labi siya nang matanto ang sinabi niya.

Unti-unting umangat ang sulok ng mga labi nito. “Really? So you find me that handsome, huh?”

“Kapal nito. Hindi dahil mestiso ka, gano’n ka na ka-guwapo.”

“I’ll take that as a compliment.” Ngiting-ngiting wika nito. Kinuha nito ang kawali saka sinimulang mag-gisa.

“Kung sa States ka nag-aral bakit hindi ka na lang doon nagtrabaho? Mas maunlad ang medicine field doon.”

Hindi nakaligtas sa matalas niyang paningin nang matigilan ito. Kahit nakatalikod ito sa kanya ay nakikita at nararamdaman niya ang uneasiness na biglang lumukob sa pagkatao nito.

“I had… something in Japan.” Sagot nito maya-maya. “Doon naka-base ang main branch ng kumpanya ng pamilya ko.”

Tinitigan niya ang likod nito. Mukha namang nagsasabi ito ng totoo. Pero bakit pakiramdam niya ay may hindi ito sinasabi sa kanya? Something inside her was telling her to ask further. Writer siya kaya likas sa kanya ang ma-curious sa mga bagay-bagay. Pero, nang mga sandaling iyon ay nag-aatubili siya. Ano nga ba naman ang karapatan niyang magtanong?

“Ikaw?”

“Ha?” napatuwid siya ng upo.
“Anong ako?”

“Kanina mo pa ako ini-interview pero wala ka pang sinasabi sa aking kahit ano tungkol sa sarili mo.” Bahagya siyang nilingon nito. “I heard you’re a writer. Anong isinusulat mo?”

Siya naman ang natigilan. Hindi niya ugaling ikahiya ang trabaho niya ngunit nang mga sandaling iyon, bigla siyang inatake ng matinding insecurity na pilit niyang inaalis sa pagkatao niya. Nilingon niya ito. Sasabihin ba niya?

“I’m a romance novelist.” Tipid na sagot niya.

Hinintay niyang makita ang pagguhit ng disgusto o ng kahit na anong uri ng negatibong reaksiyon sa mukha nito ngunit wala siyang nakita. He even looked like he was… amazed?

“Talaga? Kaya naman pala lagi kang puyat.” Isa-isa nitong inilagay sa kawali ang mga karne at gulay. “But, you shouldn’t neglect your health. Kahit na gaano ka pa kagaling na manunulat, kapag bumigay ang katawan mo, mawawalan ng saysay ang lahat ng pinaghirapan at pinaghihirapan mo.” Sandaling nag-isip ito. “Hindi ba puwedeng sa araw ka magsulat sa halip na sa gabi?”

Napatitig siya sa mukha nito. Was he for real? Sa loob ng mahigit anim na taon na niyang nobelista, ngayon lang may isang taong hindi lumait sa trabaho niya. This was the first time that someone actually talked to her like she was his… equal. Na hindi siya inferior sa mga ito dahil lang hindi siya nagu-uniporme at pumapasok sa opisina.

Ironic. Pero isang estranghero pang kailan lang niya nakilala ang nagparamdam niyon sa kanya.

Lumobo ang puso niya. “Aminin man natin o hindi, mas active talaga ang imahinasyon ng tao sa gabi.” Aniya habang sinusubukang pakalmahin ang nagtatatalon sa tuwang puso niya. “Mahirap magsulat sa araw dahil maingay, maraming istorbo at well, maliwanag. Hadlang ang mga iyon sa mga pangarap ko.”

Napangisi rin siya nang ngumisi ito. “Kung gano’n, kailangan mong i-reinforce ang resistensiya mo para hindi bumibigay ang katawan mo sa puyat.” Nilagyan nito ng ilang pampalasa ang niluluto bago iyon tinakpan at lumapit sa kanya. “Since nandito na rin lang naman ako, hayaan mo na munang ako ang mag-alaga sa iyo habang tinutupad mo ang mga pangarap mo.”

Muling kumabog ang dibdib niya. Alam niyang hindi niya dapat bigyan ng ibang kahulugan ang sinabi nito ngunit hindi niya mapigilan ang puso niyang umasa. Bigla siyang nakaramdam ng kakaibang tuwa sa kaalamang handa itong tumayo sa tabi niya at alagaan siya habang pinatutunayan niya sa sarili niyang hindi siya nagkamali nang piliin niyang magsulat kaysa ipagpatuloy ang dating propesyon niya.

For the first time since she started her life as a simple writer, she felt proud and happy.

“Thank you.” Aniya sa kawalan ng masasabi.

“You’re welcome.” Anito bago inayos ang bangs niya. “You’ll always be.”

When he smiled, she knew her simple heart would never be hers and hers alone again.

IYON nga. The series is about the the greatest batch of volleyball players in the history of SAU. Alam mo naman, makasaysayan ang batch namin noon. So, ano na? Kailan na natin sisimulan ang brainstorming?”

Hindi man lang sinulyapan ni Cavri ang celphone niyang naka-loudspeaker sa tabi ng computer niya. Nakikinig lang siya sa mga sinasabi ng co-writer at kaibigan niyang si Haya.

Mag-i-isang oras na siyang sine-sales talk nitong makipag-collaborate rito para sa isang series na naisip nito.

“Hoy, Kabalyera, nandiyan ka pa ba?” untag nito.

Sandaling binasa muna niya ang mga huling katagang nai-type niya para sa bagong nobela niya bago dinampot ang celphone niya.

“Oo.” She sighed. “Haya, sinabi ko na sa iyong humanap ka na lang muna ng ibang makaka-partner mo.”

“Sa ikaw nga ang nakikita kong perfect na ka-team-up sa series na ito.”

“You know I’m not into sports. Wala akong alam pagdating sa sports. Ano namang isusulat ko?”

“Writer ka. Isang malaking insulto para sa mga writer iyang sinabi mo. Anong wala kang alam sa sports? Tayong mga writers, sagana sa kaalaman. Hindi pwedeng may hindi tayo alam. Tayo ang mga henyo sa mundong ibabaw.”

She chuckled. Minsan talaga, may pagka-OA ito. “Bakit kasi hindi na lang ikaw ang gumawa? Tutal, ideya mo naman iyan.”

“Hindi nga pwede.” Narinig niyang bumuntong-hininga ito bago may kung anong kinutingting sa kabilang linya. “Look, Cavri. Hindi ka pa ba nagsasawang ka-trabaho ang sarili mo? Ilang taon na ba tayong writer? Mula nang magkakilala tayo, maliban sa mga taga-accounting at mga mapang-trip na editor, wala ng iba pang nakakapasok sa ginagalawan nating mundo.”

Napaisip siya. Tama naman ito. Magmula nang magkabangga sila sa makipot na hagdan paakyat ng editorial noong bagu-bago pa lang silang pareho ay naging malapit na sila sa isa’t-isa. Kahit na sa Maynila ito nakabase ay hindi iyon naging hadlang upang maging magkaibigan sila.

Kahit noon pa, maliban sa mga tao sa publishing at warehouse na madalang pa nilang makita ay wala na silang nakakasalamuha pang iba. Lalo na siya dahil pumupunta lang naman talaga siya ng opisina kapag kumukuha ng cheke o kakausapin siya ng editor niya.

Wala sa loob na napalingon siya sa gawi ng bintana ni Enad. Nakapatay na ang mga ilaw nito kahit na bukas ang glass sliding door patungo sa veranda. Nasabi nito sa kanya kaninang nanananghalian sila na mas gusto nito ng sariwa at natural na hangin kaysa sa aircon.

Biglang lumitaw ang nakangiting mukha nito sa isip niya. Wala pa nga ba siyang ibang pinapapasok sa mundong ginawa niya para sa sarili niya?

“Ako, sawa na akong ka-trabaho ang sarili ko.” Patuloy na litanya nito. “Gusto ko namang maranasang may ka-share sa bawat ideyang pumapasok sa utak ko. Gusto ko namang maranasang may ka-debate sa pag-i-isip ng mga dapat at hindi ko dapat ilagay sa nobela ko. Gusto kong—“

“Haya.”

“O?”

“Sige na. Okay na.”

“Talaga?”

“Oo sabi.”

“Great! Tatawagan kita para sa brainstorming. Bye!” anito bago nawala sa kabilang linya.

Napapailing na tinitigan na lang niya ang celphone niya nang marinig ang pagkaputol ng linya saka napabuntong-hininga. Lumapit siya sa bintana at pinagmasdan ang pagsabay ng kurtina sa ihip ng hangin.

Tahimik na tahimik na ang paligid. Siya na nga lang yata ang namumukod-tanging gising sa buong village nila nang mga oras na iyon. Nakatitig pa rin siya sa madilim na verandang katapat ng kuwarto niya nang unti-unting mabuo ang pigura ng kaisa-isang taong nakakita at tumanggap sa totoong siya.

Humugot siya ng malalim na hininga nang makita ang nakangiting imahe ni Enad na nakadukwang sa hamba ng veranda at masuyong nakatingin sa kanya.

“You’re wrong, Haya.” Mahinang bulong niya sa hangin. “Hindi na ako nag-i-isa sa mundo ko ngayon.”

Dahil alam niya, sa kaibuturan ng puso niya, na may isang guwapong doktor na ang nakapasok hindi lamang sa kanyang mundo kundi maging sa puso niya.

Cavalry's Knight (as published by PHR - COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon