CHAPTER 3

11.2K 175 3
                                    

KUNG pwede lang sigurong bumaba at maglakad hanggang Tarlac ay ginawa na ni Cavri. Nakukulili na ang kanyang mga tainga sa matinis na tinig ng Tita niya na mula pa kaninang nasa airport sila ay wala ng tigil sa pagbibida ng kung anu-anong “escapades” daw nito sa Paris.

Napapailing na itinuon na lamang niya ang tingin sa labas ng bintana. Mukhang matagal-tagal pa siyang magtitiis sa nakakangilong mga kuwento nito dahil ayon sa mga signage na nadaanan nila, kapapasok pa lang nila ng Concepcion, Tarlac. Kung bakit kasi hindi man lang niya naisipang magdala ng MP3 man lang. Hindi sana nagdurugo ang kanyang mga tainga sa pakikinig dito.

“You’re aunt is cool.”

Impit siyang napasinghap kasabay ng pananayo ng kanyang mga balahibo nang maramdaman ang mainit na hininga ng katabi niya kasunod ng suwabeng tinig na iyon.

Marahas na nilingon niya ito. “Lumayo ka nga sa akin.” She hissed.

“Is that the way to treat the guy who gave you your first kiss?”

Kamuntik na siyang masamid sa sinabi nito. She felt her cheeks flare up as her heart started to do it’s thing again. Pilit niyang itinago ang pagkapahiya nang balingan ito.

“At paano ka naman nakakasigurong ikaw nga ang first kiss ko?” mariing bulong niya. Nunca niyang aaminin dito ang isang bagay na kahit siya ay hindi maamin sa sarili niya. “Ako ang puyat sa ating dalawa kaya ako lang ang may karapatang mag-hallucinate.”

Pa-simpleng inilagay nito ang isang daliri sa ibabaw ng mga labi nito. Awtomatikong sumunod ang kanyang tingin doon. Napalunok siya nang tila nang-a-akit na humaplos ang daliri nito sa mamula-mulang mga labi nito.

He grinned. “Believe me. I have my own simple ways of knowing.”

Nag-init ang mga pisngi niya. Huling-huli siya nitong pinagnanasaan ang mga labi nito!

Hindi na siya nagsalita pa. Tama nang ipinahiya na niya ang sarili niya sa harap nito mula pa kaninang nasa airport sila.

Hindi pa rin niya maintindihan kung paanong ang isang estrangherong ngayon lang nila nakita sa buong buhay nila ay naroon sa likuran ng van—katabi niya—at kasama nilang uuwi sa kanila. Worse, ito pa ang magiging bagong tenant nila.

Naniningkit ang mga matang binalingan niya ang Tita niyang nasa gawing harapan ng van. Medyo nahirapan pa siya dahil sa laki ng katawan ng mga Kuya niya na siyang nasa upuan sa harap nila.

“Umamin ka nga,” aniya nang balingan ang lalaki. “Sindikato ka ba?”

“Mukha ba akong sindikato?”

Pinasadahan niya ito ng tingin. Infairness to the guy, wala talaga siyang maipipintas dito physically. He was tall, lean and had a face she knew every girl would love to have for a hero. Hindi na rin siguro masama na ito ang naging first kiss niya.

She unconsciously bit her lower lip.

So, you’re admiring him now? Napakunot-noo siya. Was she?

“Oo.”

“Talaga?”

Napakagat-labi siya nang matanto kung para saan ang isinagot niya. Gusto niyang kutusan ang sarili sa mga pinag-i-iisip niya. Sa inis niya, ito na lang ang pinagbalingan niya.

“Mukha kang hindi gagawa ng maganda. Kung hindi ka sindikato o miyembro ng mga dugu-dugu gang, bakit nandito ka ngayon sa loob ng van namin at kasama naming uuwi?”

Her breathing seemed to have stopped for a while nang umangat ang sulok ng mga labi nito. Amusement was written all over his cute face.

“Last I remember, you’re aunt offered me your apartment.” Bumaba ang tingin niya sa mga labi nito nang inguso nito ang mga nasa harap nila. “And your family agreed.”

Napasimangot na naman siya. Tama naman ito. Walang katutol-tutol na tinanggap ito ng mga magulang niya. Nang mag-alok pa nga ito ng bayad ay hindi pumayag ang mga ito na animo isa itong kamag-anak na matagal na nawala.

Asar na humalukipkip na lang siya saka muling itinuon ang mga mata sa labas ng bintana.
Kahit hindi siya nakatingin ay alam niyang nakatingin ito sa kanya. Ramdam niyang tumatagos sa balat niya ang mga titig nito. Wala sana siyang planong lingunin o i-acknowledge ang presensiya nito kung hindi lang niya naramdaman ang marahang pag-isod nito palapit sa kanya.

“What are you doing?” halos isiksik na niya sa bintana ang sarili nang makitang ilang pulgada na lang ang layo nito sa kanya.

“I’m just shifting on my seat.”

Nanlaki ang kanyang mga mata nang maramdaman ang pagdikit ng binti nito sa binti niya. Kasunod na lumapat sa tagiliran niya ang braso at balikat nito nang bahagya pa itong dumukwang sa gawi niya. Biglang nag-panic ang buong sistema niya. Binalingan niya ito. Only to find him grinning from ear to ear. Saka lang niya na-realize na pinagti-trip-an siya nito.

Sa halip na maasar ay ubod-tamis na nginitian niya ito.

Dagling napalis ang ngiti nito saka maang na napatitig sa kanya. For a while there, he looked like he was in awe of something. Hindi na niya pinalagpas pa ang pagkakataon. Ini-angat niya ang isang paa saka mariing tinapakan ang paa nito.
She smiled victoriously nang ngumiwi at mapa-atras ito pabalik sa upuan nito.

“WELL, this is it. I hope you like it here.”

Bagut na bagot na si Cavri habang nakasunod sa Tita niya na itinu-tour ang “bisita” raw nila sa apartment unit na pinauupahan ng pamilya niya. Gusto na sana niyang matulog at magpahinga kahit sandali pagdating nila kanina. Sa malas nga lang, naka-mood na naman ang Tita niya na gawin siyang isang dakilang alalay nito.
Huminto siya sa labas ng nag-iisang silid sa second floor saka sumandal sa hamba ng pinto. Wala sa plano niyang asikasuhin man lang ang magaling na lalaki na mukhang tuwang-tuwa sa ipinakikitang pagkagiliw dito ni Tita Gammy.
Naghihikab na ipinikit niya ang mga mata.

“This place is great, Tita.”

Nabitin ang paghihikab niya nang marinig ang sinabi ng lalaki. Kitang-kita ang kislap ng paghanga sa mga mata nito habang inililibot ang paningin sa kabuuan ng silid. Nilapitan nito ang built-in bed na nakadikit sa dingding. Parang kuweba ang design niyon na pininturahan ng grayish-green para magmistulang lime stones.

Sunod na binuksan nito ang glass sliding door na malapit sa kama saka lumabas sa maliit na verandah. Tanaw na tanaw ang silid niya sa tapat mula roon.

“Are you sure it’s okay for me to stay here? Pwede naman po akong magbayad tutal isang buwan lang naman po ang bakasyon ko.”

Her aunt waved her hand dismissively. “Nonsense. Para saan pa’t naging bisita ka namin?” Poised na poised na nilingon siya ng Tita niya. “O, paano? Ikaw na muna ang bahala sa kanya, Cavri.”

“What?”

“You know, you should really drop that ‘what’ habit of yours, child. It’s not very charming.”

Pinigilan niya ang sariling mapasimangot. “Uuwi na ba kayo sa bahay? Pakisabi na lang po kay Mama na buksan iyong aircon sa kuwarto ko.”

“Oh, no dear. Hinihintay na ako nila Kuya sa ibaba.” Binalingan nito ang bisita nila. “I won’t be staying here. Doon ako sa bahay ko sa Camiling mag-i-stay. ‘Wag kang mahihiya. Just make yourself at-home. Kung may kailangan ka, sabihin mo na lang kina Kuya or better yet, dito na lang kay Cavri.”

“It’s okay, Tita. I can manage.” Nakangiting lumapit ito sa Tita niya. “Salamat po ulit.”

“I have to go.”

“Ihahatid na po namin kayo sa ibaba.” Prisinta nito.

“No need. Magpahinga ka na lang. Let Cavri here help you with your things.” Tinapik pa siya nito sa pisngi bago siya pinukol ng isang makahulugang tingin. “Be nice, Cavalry.” Mariing bulong nito bago tuluyang lumabas.

Lukot ang mukhang sinundan niya ito ng tingin pababa ng hagdan hanggang sa mawala ito sa kanyang paningin.

“So, it’s just us again, huh?”

Walang kagana-ganang nilingon niya ito. Prenteng-prenteng nakapamulsa ito habang nakamasid sa kanya. Kakatwang isipin na dadalawa lang naman sila sa maluwang na silid na iyon pero parang napasikip niyon para sa kanila.

“May kailangan ka pa ba? Kasi kung wala na, gusto ko na sanang umuwi at matulog na.”

“You don’t really like me, do you?”

Umangat ang isang kilay niya. “Does it matter? Nandito ka na sa lugar namin. Ni hindi ko nga alam kung talaga bang taga-rito ka o nagpapalusot ka lang kanina kay Tita pero napasubo ka na.”

His forehead knotted before he took a step towards her. “Taga-rito talaga ako. I grew up at St. Mary’s Subdivision. I graduated elementary at Don Bosco, high school and college at, well, St. Alphonse University.”

Natahimik siya. Mukhang alam na alam nga nito ang mga sinasabi nito. Still…

“Nasa pinakataas na shelf ng walk-in cabinet iyong mga extra bedsheets. Naglalagay din diyan si Mama ng mga basic na gamit like tuwalya, shampoo, sabon, toothpaste at extrang toothbrush. Kung may kailangan ka pa, kumatok ka na lang diyan sa tapat.” Aniyang iminuwestra ang bahay nilang katapat lang ng unit nito.

Hinintay niyang magsalita pa ito ngunit nanatili lamang itong nakamasid sa kanya. Tila ba may pilit itong hinahanap sa mukha niya. When his eyes met hers, her knees suddenly felt weak.
Sa ikalawang pagkakataon ay pumalya ang mga tuhod niya. Kamuntik na siyang mapasalampak sa tiled floor kung hindi lamang siya maagap na naalalayan nito. Buong ingat na isinandal uli siya nito sa hamba ng pinto habang nakapulupot ang mga braso nito sa baywang niya.

“Okay ka lang ba? Are you sick?” inilapat nito ang palad sa noo niya.

Iniiwas niya ang mukha. “Wala akong sakit. Medyo puyat lang ako kaya ako nahihilo.” Sinubukan niyang umalis mula sa pagkakaipit sa pagitan nito at ng pinto ngunit mas lalo lamang siyang hinapit nito. “Bitaw.”

“We’re going to be neighbors now. Don’t you think it’s just right that we start to get to know each other?”

“I am not—“ Napasinghap siya nang ilapit nito ang mukha sa mukha niya. “A-anong ginagawa mo?”

Sa halip na sagutin siya ay lalo lamang nitong inilapit ang mukha sa kanya. He was so close that she could already smell his mint-fresh breath fanning her face. Mariing ipinikit niya ang kanyang mga mata nang umangat ang isang palad nito at diretsong sumapo sa pisngi niya.

Was he really going to… Against the door frame?

“This isn’t a good place.” Anito sa namamaos na tinig.

Her eyes flew open when he suddenly grabbed her by the wrist and pulled her to the bed. Walang kahirap-hirap na napaupo siya nito roon nang hindi binibitiwan ang pulsuhan niya.

“I—y-you—“ natatarantang nilingon niya ang kanyang silid mula sa nakabukas na glass door. “U-uuwi na ako—“

“Shhh. This will only take a minute. Ni hindi ka makakaramdam ng sakit.”

“What?!” Sinasabi na nga ba niya at hindi gagawa ng mabuti ang mestisong bangus na ito!

Sinubukan niyang bawiin ang kamay niyang hawak nito ngunit ayaw sumunod ng katawan niya. Masakit mang aminin, may isang bahagi ng pagkatao niya ang traidor at nagsasabing nae-excite siya sa nangyayari.

Nang dumukwang ito at muling ilapit sa mukha niya ang mukha nito ay awtomatikong napapikit siya. Hindi siya tiyak kung ano ang hinihintay niyang mangyari. Basta ang alam niya, sumusunod lamang siya dominanteng dikta ng buong pagkatao niya.

“Your pulse is a little low. Mabilis din ang heartbeat mo.” Nang mapamulat siya ay hinawakan nito sa ilalim ang magkabilang mata niya at hinatak pababa. “Maputla rin ang mga mata mo. You don’t get enough sleep, do you?”

Napakurap-kurap siya. Sa isang iglap kasi ay parang ibang tao na ang kaharap niya. Wala na ang pa-cute at mapang-asar na ngiti nito. All of a sudden, he seemed… intimidating. Bagay na pinaka-a-ayawan niya sa isang tao.

Tinabig niya ang kamay nitong nag-i-inspeksiyon sa leeg at lalamunan niya. “Hindi ka doktor kaya ‘wag mo akong pangaralan.”

“I was just concerned—“

“Well, salamat na lang sa concern. Kailangan ko na talagang umuwi.”

Matamang pinagmasdan muna siya nito. Mukhang may gusto pa itong sabihin ngunit sa huli ay bumuntong-hininga na lang ito. Tumuwid ito ng tayo. Siya naman ay mabilis na tinipon ang lahat ng lakas na natitira sa kanya saka mabilis na tumayo.

Bago pa siya takasan uli ng lakas ay naglakad na siya palapit sa pinto. “Katukin mo na lang si mama sa bahay kapag may kailangan ka.” Aniya nang hindi ito nililingon.

Akmang hahakbang na siya palapit sa hagdan nang muling magsalita ito. Dahan-dahang nilingon niya ito. “Bakit?”
Sa halip na sagutin siya ay inilahad lang nito ang isang kamay sa kanya. “I’m Enad Sychang. You are?”

Tiningnan lamang niya ang nakalahad na kamay nito bago ang mukha nito. Hayun na naman ang tila nangungusap na mga mata nito. Nabagbag kaagad ang inis niya nang ngumiti ito. Bigla ay parang gusto rin niyang ngumiti.

Mabilis na tumalikod siya upang maitago ang gumuhit na ngiti sa mga labi niya. “Cavalry Samaniego.”

“Cavalry?”

“Cavri would be fine, thank you.” Aniya bago tinungo ang hagdan.
Ramdam pa rin niya ang mabilis na pagtibok ng puso niya habang pababa siya ng hagdan. Maging ang kakaibang damdaming iyon na inakala niyang ang mga bidang babae lamang sa mga nobela niya ang nakakaramdam ay hindi niya mapigilan.

Mariing napapikit siya.

No.

Inaantok lang siya kaya ganoon ang pakiramdam niya. Kailangan lang niyang bumawi ng tulog upang maglinaw ang inaagiw na utak niya.

Malapit na siya sa dulo ng hagdan nang lingunin niya ang kinaroroonan nito. Gano’n na lang ang pagtalon ng puso niya nang makita ito sa puno ng hagdan at titig na titig sa kanya.

Sinimangutan lang niya ito nang nakangiting kinawayan pa siya nito.

Erase, erase!

Cavalry's Knight (as published by PHR - COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon