CHAPTER I

178 7 2
                                    

 

“Naku, Ate!  Ikakasal na si Monique.  Paano na tayo?  Mauunahan pa tayo ni bunso mag-asawa.  Hmp!  Baka tuluyan na tayong mapag-iwanan ng panahon,” bungad ni Demi sa nakakatandang kapatid na si Donna pagkapasok nila sa kuwartong itinalaga sa kanila ni Abram Razhed Al-Khubar, ang Arabong mapapangasawa ng bunsong kapatid nila na babae.

“So?”  Ang walang-pakialam na balik-tanong ni Donna sa kapatid.  Alam niyang inaasar lang siya nito dahil sa ugali niyang mambuska ng manliligaw, wala nang nagkalakas-loob uling umakyat pa ng ligaw sa kaniya.

Noon pa mang maliliit pa sila, madalas na siyang balaan ng ina na tatandang dalaga kapag hindi siya magbabago ng ugali.  Noon pa man kasi sinasabi na niya sa lahat na hindi siya mag-aasawa at narating na nga niya ang dalawampu’t walong taong gulang na wala pa ring kasintahan kahit na pasado na siya sa bar exam at nagtatrabaho na siya sa isang magandang law firm.

“Dedma ka talaga kapag pag-aasawa na ang pag-uusapan, ‘no?”  Pangungulit pa rin ng kapatid.

“E, kahit nga boyfriend wala ako, magiging asawa pa kaya.  Hindi naman magugunaw ang mundo kung hindi ako makapag-asawa, hindi ba?  Ikaw lang naman itong nadismaya kasi wala pa yatang planong magpatali ang nobyo mo sa ‘yo.  Sinasabi ko na kasing talian mo na ng kadena sa beywang mo, nag-pa-cool off, cool off ka pa.  Baka nga masanay na ‘yon sa pagkakawala sa ‘yo at hindi na talaga makipagbalikan.”  Bwelta niya sa makulit na kapatid.

“Okay lang, ‘te!  Maraming isda sa dagat!  Marami akong mabibingwit kung saka-sakali.  E, ikaw kasi itong wala namang planong mamingwit,” ang pangiti-ngiti namang sagot ni Demi.

“Hello!  Nag-aral kaya ako ng abogasya!  Wala akong balak maging mangingisda kaya sa ‘yong sa ‘yo na ang pamimingwit na ‘yan!”

“Ooops!  Mukang napipikon na ah!  Careful. ‘te!  Umuusok na agad ang ilong mo, e, nag-uusap lang naman tayo,” ang natatawang paalala ni Demi sa kapatid.

Napabuga ng hangin si Donna.  Bakit ba kasi ang bilis niyang mapikon sa pangalawa nila?  Kahit pa man noong maliliit pa sila, madalas na silang mag-alaskaran nito.  Hanggang ngayon, ang dali pa rin niyang mag-react sa anumang sabihin nito sa kaniya.

Masasabing may sibling rivalry sa kanila ni Demi.  Noong maliliit pa sila, madalas kasi niyang marinig na maganda si Demi noong baby pa ito, habang siya naman daw ay napakapangit.  Mula nang mapanganak si Demi para siyang naitsapwera.  Si Demi na ang apple of the eye ng lahat.  Buti na lang, nanatili siyang favourite apo ng Mama Edz niya, na ina ng ama niya.  Noong nag-aaral pa sila, proud na proud siyang nasama siya sa honor’s list pero nang maging sikat naman ang kapatid sa mga curricular activities sa school tulad ng pagsasayaw, lalo na siyang nakadama ng pagka-insecure.

Hindi naman nagpakita ang mga magulang niya na mas pinapaboran si Demi kaysa sa kaniya.  Ini-encourage naman sila lahat na pagbutihin ang pag-aaral.  Likas na siguro siyang competitive kaya’t bawat kislot at galaw niya, gusto niya, siya ang nakaaangat.  Pinili niya ang abogasya, na sinang-ayunan naman ng mga magulang kahit na ito ay nangangahulugan ng mas matagal na panahong gugugulin sap ag-aaral.

Hindi naman napunta sa wala ang sakripisyo niya at ng mga magulang.  Nakapagtapos siya, nakapasa ng bar at nagtatrabaho na sa isang magandang law firm.

Pero dahil naituon niya ang buong panahon sap ag-abot ng kaniyang pangarap, naging manhid siya sa sinumang nagtangkang manligaw sa kaniya.  Hindi naman niya alintana ang pagiging zero ng love life niya noon.  Pero hindi niya maiwasang manibugho rin nang makita niya kanina ang mapapangasawa ng bunsong kapatid nilang babae.

Alam niyang hindi nga problema ni Demi ang love.  Ilang beses na nga naman itong na fall-in and out of love.  Ilang beses na rin itong nagkaroon ng marriage proposals pero ewan niya kung ano ang hinahanap nito sa lalaki at nanatili pa rin itong dalaga hanggang ngayon.

Samantalang siya “NBSB” o “no boyfriend since birth”.  Hindi naman sa hindi siya ligawin.  In fact, nasa grade five pa lang siya, may nagpapalipad-hangin na sa kaniya.  Naranasan na rin niyang magkaroon ng stalker noong high school pa lang siya.  Siya lang talaga itong allergic kapag ligawan na ang pag-uusapan.

Hindi naman siya ilag sa mga kalalakihan.  Ang totoo nga niyan, mas nakaka-vibes ang mga kalalakihan sa subdibisyon nila pati ang mga pinsang lalaki.  Huwag lang talaga may magkamali sa mga kalalakihang kabarkada na manligaw dahil hindi siya mangingiming awayin ang mga ito.  Hindi na nga mabilang ang nakaranas na mga kaibigang lalaki na maibalya niya kapag sa tingin niya ay nananantsing na ang mga ito o hindi kaya ay biruin siyang liligawan ng mga ito.  Sayang lang ang kaalamang itinuro sa kanilang magkakapatid ng kanilang tae-kwon-do master na ama kung hindi rin lang niya kayang ipagtanggol ang sarili laban sa sinumang  lalaking naglipana sa paligid.

Ewan ba niya kung bakit tingin niya sa mga kalalakihang nakikilala ay pang-barkada material lang.  Hindi naman siya tomboy.  Sa puntong iyon, sigurado siya sa kaniyang sariling kasarian.  Hindi pa lang talaga siguro niya natatagpuan ang lalaking magpapadagundong sa dibdib niya sa paghanga.  Mabuti na nga rin siguro ang ganoon kasi baka hindi pa siya nakapagtapos ng abogasya kung may dumating na asungot sa buhay niya nang nag-aaral pa lamang siya.

Naniniwala siyang may kani-kaniyang panahon ang lahat.  Kung kalian darating ang tamang lalaki para sa kaniya, ipagpapasa-Diyos na lamang niya ang lahat.  Sa ngayon, ang makapagpundar para sa sarili at sa mga magulang ang kaniyang pagtutuunan ng pansin.  Hindi naman kakulangan sa buhay niya ang hindi niya pagkakaroon ng kasintahan.  Bata pa siya.  I-enjoy na muna niya ang pagdadalaga.  Wika nga ng ina niya, “ang pag-ibig kapag dumating, parang ulan na hindi kayang pigilin.”

With that in mind, nakangiti nang hinarap niya si Demi na abala naman sa pangangalikot ng mga toiletries na nasa isang maliit na cabinet malapit sa dresser.  Kahit kailan talaga, basta pampaganda at pabango, ang kapatid niya, naloloka.

“Ate, tingnan mo, o!  Ang daming pampaganda!  Mamahalin tiyak ang mga ito.  At ang mga pabango, naku, ang bango-bango lahat,” ang tuwang-tuwang sambit nito na parang bata.

“Oo nga!  Pero sa ginagawa mong ‘yan, mangangamoy na mamaya ang buong kuwarto ng hindi mo na malaman kung anong amoy,” saway niya sa kapatid.

“Ate naman!  Minsan lang tayong magkaroon ng ganitong chance na mamiling perfume na gagamitin for free at ang dami pa ng pagpipilian, o!”

“E, alam mo namang allergic ako sa mga ganiyan.  At paano mo pa ma-identify ngayon ang amoy na gusto mo, e, halos lahat tinesting mo na,” ang natatawa na lamang niyang puna sa kapatid na halos hindi magkandamayaw sa katuwaan sa mga nadiskubreng laman ng cabinet.

Hanggang sa makatulog siya, naririnig pa rin niya ang excited na boses ni Demi.

Ilang araw pa ang lumipas at nakabalik na ang mag-anak sa Pilipinas at sa kani-kanilang sariling mga trabaho at buhay.  Ilang araw ding ang kasal lang ni Monique ang topiko ng usapan nilang mag-anak.

Engrande nga naman kasi ang naging kasal ni “Liit”.  Parang gusto niyang mag-wish tuloy na maging ganoon din siya kasuwerte.  Pero hanggang wish na lang yata iyon, kasi kahit pa nga lang isipin niya kung sino sa mga kasalukuyang aali-aligid sa kaniya ang i-consider niya, parang sasakit na ang ulo niya.

My American SpyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon