Maagang pumasok ang dalaga sa trabaho ng umagang iyon. May weekly meeting sila tuwing Biyernes para pag-usapan ang mga kaganapan sa mga kasong hawak nila at kung may mga bago silang kasong hahawakan, doon na rin sinasabi ng mga superiors nila kung sino-sino ang magkakasama sa research. Pero kung may dumadating namang kaso na nangangailangan ng maagap na aksiyon, kahit anong oras, kahit weekends ipapatawag sila ng mga superiors.
Wala namang kaso iyon sa dalaga, kahit ang magdamagang puyatan. Iyon ang advantage ng walang asawa o karelasyon, hawak niya ang kaniyang oras. Wala siyang pangangambahang may magtatampo kung hindi niya mabigyang-atensiyon.
Naiintindihan naman siya ng mga magulang kapag lagi siyang nakakulong sa kuwarto niya at subsob sa mga research niya lalo na ng kaniyang ina na adik pa rin sa pagbabasa ng pocketbooks at abala rin sa pagsusulat ng mga nobela na nailathala rin pagkatapos ng ilang taong pagtatago nito sa cabinet ng mga naunang natapos nito nang nasa elementarya pa lamang silang magkakapatid.
Pagbungad pa lamang ng dalaga sa pintuan, napansin na niya ang mga kakaibang tinging ipinupukol sa kaniya ng mga kasamahang mas nauna pa sa kaniya.
Napaisip ang dalaga pero hindi na niya ito gaanong pinansin. Nakasabay niya si Gabe sa paglalakad patungo sa cubicles nila na magkatabi lang naman.
Si Gabe ang pumuna sa mga ikinikilos ng mga kasamahan. “Something is up! Nakakapanibago yata ang mga tingin nila sa ‘yo!”
Nagpatay-malisya lang ang dalaga. “Ows? Akala ko nga sa ‘yo sila nakatingin e.”
Si Gabe rin ang unang nakakita sa kumpol ng pulang rosas na nakalagay sa ibabaw ng mesa niya with a card na may nakasulat na pangalan in big, bold letters ng nagpadala na kahit ilang pulgada pa ang layo nila mula sa mesa ay kitang-kita at mababasa na.
Unang nakita ni Donna ang pagputla ng mukha ng kaibigan bago pa niya nakita ang bouquet at parang siya ang nasaktan para rito. Nagsalubong agad ang kaniyang mga kilay nang mamataan ang rason ng paglukot ng mukha ng kaibigan.
May naisip ang dalaga. Tutal marami ang tangkay ng rosas sa bouquet at mukhang mamahalin ito, hindi niya sasayangin ang effort ng lalaki. Kinalas niya ang lasong nakatali, matapos itapon ang card sa basurahan nang hindi ito binabasa.
Nagtaka naman ang kaibigan habang minamasdan ang ginagawa niya. Noon kasi, hindi na siya nagtitiyagang tingnan ang mga na kganoon. Agad-agad na niyang pinatatapon sa janitor na kadalasan matapos basahin kung kanino nanggaling ibinibigay na lang balik sa nagpapabigay kung kilala nito o kaya ay dinadala nito pauwi sa asawa kung hindi nito kilala ang nagbigay. Sayang nga naman kasa. Minsan may mga mamahaling tsokolate pang kasama pero walang pakialam doon ang abogada.
Kapag may nagkamaling mangumusta kung nagustuhan niya ang padala ng mga ito, ang madalas na matanggap na kasagutan ng mga ito ay, “oh, I am sorry, I thought it was sent by mistake. Those gestures are more appreciated by people at the hospitals, except, of course, of those allergic to it. I, for one, am allergic to such theatrics”, sabay tatalikuran niya ang mga itong nakatanga sa hangin.
Merong iba na sa ganoong eksena lang napapaatras na agad sa balak na panliligaw sa kaniya. May ibang medyo mataas ang bilib sa sarili na inaakalang playing hard to get lang siya na hindi nakukuntento sa isang supalpalan lang kaya nadadaan sa ilan pang subtle jibes. Kapag may kakapalan talaga ng mukha, nakakatanggap na talaga ng all-out challenge and rejection with or without rapt audience in attention. Pinakamatagal ang two weeks na itatagal nang may kahinaan ang pick-up sa kung ano ang ibig sabihin niya.
Titingnan niya ngayon kung gaano kabilis maintindihan ni Atty. Doremon na hindi siya ang tipong gusto nitong handugan ng romantic attention, though duda siya na seryoso ang malakas-ang-hanging binatang abogado sa panunuyo sa kaniya. Malamang may naririnig na itong bali-balitang tungkol sa kaniya dahil napansin niya ang instant recognition sa mga mata nito nang banggitin ni Prosecutor Patriarca ang pangalan niya rito. He could be a friend of one of her turned-down suitors. Kapag matigas din ang ulo ng isang ito, hindi malayong mararanasan din nito ang bagsik ng kaniyang kamandag, first hand.