Unang Pagkikita

324 8 2
                                    

Magandang araw, merong akong kwentong gustong ibahagi sa inyo. Nangyari ito nung bata pa ako, 15 years old ako noon, bale 30 years na ang nakalilipas. Ako nga pala si Ernesto, Erning for short. ang kwentong ito ay matagal na pero sariwa pa sa ala-ala ko na parang kahapon lang nangyari.

Normal na teenager ako noon, masayahin, pala-kaibigan at madaling makisama sa mga bagong kilala. Madalas palipat-lipat kami ng tirahan kasama ang nanay at tatay ko dahil sa uri ng trabaho nila. Na dedestino kasi sila sa iba't ibang lugar para mag manage ng mga negosyo ng isang malaking kumpanya, kaya hindi kami nagtatagal sa isang lugar.Nahihirapan ako noon sa totoo lang, kasi lahat ng mga kaibigan ko madalas kong iwan, panibagong lugar, siyempre panibagong pakikipag-kaibigan na naman.

Pati sa skwelahan papalit-palit din ako, parang sanay na sanay na ako maging transferee. Kaso wala naman akong magagawa, bilang solong anak, sunod-sunuran lang din ako sa kanila.

1 buwan pa lang kami sa bagong apartment namin at medyo nagagamay ko na ang mga bagay-bagay sa lugar na yun. Ako lang din kasi ang nagaasikaso sa sarili ko kasi madalas akong solo dahil parehong nagtatrabaho ang parents ko. Kaya ko naman, kaso malungkot.

Wala akong makausap, walang kaibigan. Weekend noon at nag desisyon akong mag bike sa paligid, yun lang kasi ang hobby ko noong time na yun. Nagiikot-ikot lang ako, wala akong plano, basta kung saan pwede dumaan, dun ako. Naka diskubre ako ng mga bagong lugar na hindi ko pa napuntahan, medyo magubat na pero dahil sanay na mag-isa. Tuloy-tuloy lang din ako.

Hanggang sa may natumbok akong isang lumang bahay, halos parang nabubulok na ito, napabayaan at halata mong luma na. Tumigil muna ako sa tapat dahil namangha ako sa arkitektura ng bahay, sinauna na talaga siya. Nagmamasid lang ako.

"Sino ka?" may batang babaeng nagsalita sa likod ko. Hinarap ko sya at dun nakatayo ang isang batang babae, naka pony-tail, naka all white na dress na hanggang tuhod, tantya ko magsing-edad lang kami. Nagpakilala na din ako.

Tinanung ko kung anu pangalan nya, sa totoo lang medyo cute sya, at nahihiya man ako pero mas nanaig ang kagustuhan kong magkaroon ng bagong kaibigan.

"Corazon"

Tinanung ko kung dun ba sya nakatira at sinabi nyang oo, sinabi nya madalas din syang mag-isa dahil nagtatarabaho ang mga magulang nya sa malayo, nagkwentuhan pa kami hanggang sa malapit ng magdilim at kailangan ko ng umalis.

Tuwang-tuwa ako kasi sa wakas may bago akong kaibigan, at hindi lang yun, nakaka-relate pa siya sakin kasi pareho kami ng pinagdadaanan. Walang linggo na hindi kami nagkikita, madalas ko syang puntahan sa bahay nila, magkwentuhan, maglaro, at kung anu pa man. Niyaya ko sya minsan na pumunta naman samin, isasakay ko sya sa bike ko at magiikot, pero panay ang tanggi nya. Hindi daw kasi sya pwdeng lumayo sa bahay at magagalit ang parents nya.

Hindi ko naman ito pinansin, kasi nga ayokong mag-away kami, nagiisa lang syang kaibigan ko at ayokong mawala pa yun. Tumagal ang pagkakaibigan namin ng 3 buwan pa. Masayahin din sya gaya ko, kaya wala akong masasabi sa kanya. Mabait at laging nakikinig sa akin. Ang ayoko lang sa kanya ay ang pagiging pala-utos nya, pulutin mo yan, alisin mo yan, kunin mo yan. Palaging ako ang gumagawa pag may laro kami, habang sya ay nakatayo lang madalas sa likod ko. Inisip ko na lang na ako kasi ang lalake.Bukod dun wala naman akong napansing kakaiba.

Nagtataka lang ako at kahit kailan ay hindi ko pa nakita ang parents nya, medyo nagiging mausisa na ako noon, at sinabi sa kanya na baka pwdeng pumasok sa bahay nila. Kahit sa litrato man lang sa sala baka magka-idea ako.

"Hindi pwede!" sabi nya, magagalit daw kasi ang mga magulang nya pag nagpapasok sya ng iba. Ok lang sabi ko, dahil nga siguro babae sya at mag-isa kaya sobrang higpit nila. Kahit kailan ay hindi pa ako nakapasok sa bahay nila, tadtad ng kandado ang pinto at ako man ay nagtataka kung papanu sya nakakalabas pasok sa bahay nila.

Palagi kasing nandun na sya sa balkonahe nila sa labas pag dumarating ako.

Isang beses, malakas ang ulan at wala kaming masilungan, sinabi ko na kailangan na naming pumasok sa loob ng bahay para magpatuyo. Nagalit sya at sinabing hinde daw pwede. Naiinis na ako dahil sinabi ko naman na magpapatila lang ako ng ulan, aalis din ako agad pag tumigil na.

"Hindi nga pwede!" sabi nya, dahil sa inis ay umalis na lang ako sakay ng bike ko kahit bumubuhos ang ulan.

Bumalik ako nung sumunod na linggo at parang ang saya-saya nya. Excited sya at may ipapakita daw sya sa akin sa likod bahay nila. Nandun ung isang lumang makina ng kotse na napabayaan na, sinabi nya na kunin ko daw ung manika na matagal na nyang hinahanap na nasa ilalim pala ng makina. Nakita ko naman iyon pero nadadaganan ito ng gulong at mga mabibigat na bakal.

Sinabi nya na iangat ko lang daw yung gulong at kunin ang manika, bilisan ko lang daw.

Nagdadalawang isip talaga ako noon, pero sobrang mapilit sya, paborito daw kasi nya talaga ang manika at matagal na nya itong hinahanap.

Ginawa ko naman. Sumuot sa ilalim at pilit na inaabot ang manika, ng biglang.

"Boom" bumigay ang isang parte ng sasakyan at nadaganan ang kamay ko, natanggal ko naman ito agad pero grabe ang dugo na umaagos sa kamay ko, sa sobrang sakit tumakbo ako sa bahay namin at hihingi sana ng saklolo sa kapitbahay. Iniwan ko na ang bike ko sa pagmamadali.

Naospital ako pagkatapos dahil sa mga baling buto sa kamay ko, mga ilang linggo din ako na-confine sa ospital. Sa kasamaang palad, kailangang putulin ang dalawa kong daliri dahil sa sobrang pagkakadurog ng mga buto. Nung gumaling ako, Kailangan na naman namin lumipat ng tirahan. Hindi ko na nabalikan si Corazon.

Pagkatapos ng 2 taon ay may napagtanto ako kay Corazon. Hindi pala sya tao. Multo sya.

May nakapagsabi kasi sakin na ang bahay sa may magubat na parte ng aming lugar ay matagal ng abandonado, Nilisan ito ng magasawang namatayan ng nag-iisang anak na batang babae sa sakit na Pneumonia. Ang pangalan ng batang babae, Corazon.

Naisip ko na kailanman hindi ko sya nakitang nagpalit ng damit, kahit lingguhan kami magkita. Pony tail, White dress na hanggang tuhod. Yan laging ayos nya.

Hindi nya din mahawakan ang mga bagay kaya ako ang inuutusan nyang gumawa nito.

Hindi nya rin ako pwedeng papasukin sa bahay nila, dahil hindi naman nya talaga mabubuksan ang mga pinto.

At nang umuulan ay ako lang ang nababasa.

Ang tanging tumatak lang sa isip ko nung pagkatapos kong maaksidente sa kagustuhang makuha ang manika nya, ay ang mala-demonyo nyang tawa na para bang tuwang-tuwa sya sa nangyaring aksidente sa akin. Hanggang ngayon sa edad na ito, ay naalala ko pa din ang mga tawang yun. 

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Oct 23, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

CorazonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon