"Sino mas mahal mo?"
"Grabe ang traffic, ang bigat pa ng dala ko. Sumabay pa ang tirik na tirik na araw, anak ng kuting nakakainit talaga ng ulo dito sa Pinas," bungad ni Lydia sa mga anak pagka dating nito. Dumiretso agad siya sa kusina upang makapagluto na ng pananghalian. Habang abala sa paghihiwa ng mga pansahog ay 'di nito namalayan ang kaniyang bunso na pinakialaman ang mga bagong bili niyang tupperware.
May dala itong marker at siyang ginamit upang guhitan ng kung ano-ano ang mga ito. Nang mahagip ng paningin ni Lydia ang anak at ang ginagawa ay agad na kumulo ang kaniyang dugo at tila biglang nawala sa wisyo. Sa isip-isip niya'y mahal ang bili niya sa mga tupperware na iyon! Idagdag mo pa ang pagod na natamo mula sa pamimili.
Dinuro-duro niya ang anak habang walang tigil kakatalak kesyo mahal nga iyon at 'di sinasadyang nadaplisan ng kutsilyo ang pisngi nito, natigil siyang bigla at natauhan ng marinig ang palahaw ng anak at magsimulang dumaloy ang dugo sa pisngi nito. Marahil ay nawala sa isip niya na may hawak siyang matalim na bagay dahil sa init ng ulo. Dali-dali niya itong kinarga papunta sa kwarto at agad na nilunasan ang sugat. Hindi alam ni Lydia na mas malalim ang sugat na itinanim niya sa bata.
Pagkabalik niya sa kusina para sana tapusin ang ginagawa ay nadatnan niya ang isinulat ng anak sa tupperware, "I lav my mama". Sunod-sunod na nagsipatakan ang kaniyang mga luha dahil sa nabasa.
"Ate, mas lav ba ni mama ang mga tupperware niya kesa kay didi? Mahal daw kasi 'yon," dinig niyang tanong ng bunso na siyang tuluyang nagpahagulgol sa kaniya.
BINABASA MO ANG
Dozens Of Feelings
RandomA collection of poems (mostly free verse), proses, or anything that comes to my mind and is translated into a group of words. ALL ARE MY WRITINGS po. •-•