17 | ACT 3 - Ang Berso

51 4 2
                                    

Rated LPG

May mga eksenang sabog at hindi angkop sa mga bata.

---

SCENE 9

PARA SA 'YO

Silid-aklatan.

Magkaharap sa lamesa sina Pat at Alex. Nagsusulat si Pat sa kuwaderno, si Alex ay nakatalungko ang baba sa brasong nakapatong sa lamesa. Ang kamay ni Alex ay pauli-uli sa pagbalasa ng pahina ng nakabukas na libro habang nakatitig sa nakayukong si Pat.

Anggulo sa sulat sa notebook ni Pat.

Tinitingnan niya ako ng tinging nakalulusaw
Kung ice cream ako, kanina pa ako natunaw

Bumangon si Alex mula sa pagkakayukyok at inilapit ang mukha kay Pat. Agad tinakpan ni Pat ang sinusulat.

ALEX: Ba't may pimpol ka?

PAT: Pimple?

ALEX (itinuro ang noo ni Pat): 'Yan, oh.

PAT (iwinaksi ang kamay ni Alex): Ano ba! (sa isip) Ang lapit mo.

ALEX: Dahil ba sa 'kin 'yan? Dahil 'di ka makatulog sa—

Kinuha ni Pat ang libro at ibinagsak sa harapan ni Alex, naniningkit ang mga mata.

Natigilan si Alex at zi-ni-pper-an ang bibig. Binuksan ni Pat ang libro at iniharang sa pagitan nila. Nagpatuloy siya sa pagsulat.

ALEX: Sana may pimpol din ako. (humarap sa isang bahagi, pinaliit ang tinig) Bakit naman? (humarap sa kabilang bahagi, nagsalita sa normal na tinig) Para hindi na malungkot at maiwang mag-isa ang pimpol mo. (humarap muli sa isang bahagi, pinaliit ang tinig, nagkukuyakoy) Hongsweet mo naman hihi. (humarap muli sa kabilang bahagi, nagsalita sa normal na tinig) Akala ko ang sasabihin mo... (kumanta sa tono ng "Nadarang" ni Shanti Dope) D'yan, D'yan ka magaling / Ba't 'di ko maiwasang / Tumingin sa 'yong liwanag

Bumagsak ang nakaharang na libro. Nakatingin si Pat kay Alex, poker face ang mukha.

ALEX (nag-peace sign): Kyut ako.

PAT (naningkit ang mga mata): Kailan ka kaya magtitino?

ALEX (tumuro kay Pat): Napakapalad mo, Binibining Pat, because today is the day!

Kinuha ni Alex ang gitarang nakasandal sa paanan ng lamesa at tinipa ang kuwerdas ng "Para Sa 'Yo" ng Parokya ni Edgar.

ALEX: Dahil para sa 'yo / Handa kong magpakatino / Laging / isipin / Lahat ay gagawin / Basta para sa ' yooo

Umikot ang mga mata ni Pat.

PAT: Bahala ka na nga.

Bumalik siya sa pagsusulat.

Ngumisi si Alex at ipinagpatuloy ang pag-awit, tonong damang-dama ang bawat liriko at himig.

ALEX: Hindi ikaw yung tipong niloloko / At hindi naman ako 'yong tipong nagseseryoso / At kahit / Sulit sana sa 'yo ang kasalanan / Lolokohin lang kita kaya't kung puwede wag na lang dahil / Ayoko ngang masaktan ka / 'Wag kang maniniwala / Hindi ako santo

Pumasok si Miti, nakangiti at litaw ang dila, kasunod si Baltazar na tulak ang trolley ng meryenda. Pinatunog ni Baltazar ang cream bell.

BALTAZAR: Meryenda time!

Inilapag ni Baltazar ang isang plato ng lemon-carrot cake at baso ng ice cold melon green tea sa tapat ni Pat. Ang isa pang pares ay sa tapat ni Alex.

PAT (kumislap ang mga mata): Salamat, Taz. Siguradong masarap na naman 'to! (kumutsara sa cake at isinubo) Uhm! (sinenyasan ng OK sign si Baltazar)

A SUMMER LOVE FOR YOU (Summer Anthology)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon