28 | Hello and Goodbye

36 3 7
                                    

GULAK! GULAK! GULAK!

Nagising si Keentin sa 'di mawawaang ingay. Unti-unti niyang idinilat ang mga mata ngunit napapikit din dahil sa tingkad ng sikat ng araw.

GULAK! GULAK! GULAK!

Muli siyang dumilat. Mabilis niyang iniharang ang isang kamay sa tama ng liwanag. Nakita niyang may malalaking itim na ibon na lumilipad sa ere at iniikutan siya. Ang mga iyo'y mga buwitre na nag-aabang sa sandaling maaari na siyang kainin.

Tinanaw niya ang paligid. Ang nakita niya'y dagat ng buhangin—walang hanggan—at umuusok ang paligid dahil sa init.

Nakaramdam siya ng hilo kaya't muli siyang pumikit. Nang lumunok siya'y nanakit ang kanyang lalamunan. Nanunuyo iyon sa uhaw.

Tubig, gusto niyang isigaw ngunit hindi maibuka ang tuyong-tuyong bibig at nagbibitak na mga labi.

Napadilat siya nang maramdaman ang kagat ng isang buwitre. At ng isa pa. Napaaringking siya sa pagpilas ng mga iyon sa kanyang laman. Akala yata'y patay na siya.

Pilit niyang itinaboy ang mga buwitre. Ngunit bahagya na niyang naigalaw ang mga braso. Hinang-hina siya.

Nagpatuloy ang mga buwitre sa paglapit kaya't pilit siyang dumaklot ng buhangin at isinaboy sa mga iyon. Nagpulasan ang mga iyon ngunit muli siyang inikutan.

Sinubukan niyang bumangon ngunit bumagsak siya paupo. Sinilip niyang muli ang paligid, naghahanap ng mahihingan ng saklolo. Wala. Walang ibang nandoon kundi siya.

Naramdaman niya ang pananakit ng mga mata na animo nairita ng puwing. Muli siyang pumikit.

Puwede bang matulog na lang at huwag nang magising? Pagod na pagod na 'ko. Hirap na hirap na 'ko. Hindi ba puwedeng mamahinga na lang? saloob niya.

Kung ganoon, humiga ka na't huwag nang dumilat pa, mapang-akit na bulong ng isang Shinigami na biglang sumulpot sa kanyang tabi.

Pipigilin ko ang iyong paghinga hanggang unti-unting tumigil ang iyong puso. Wala kang mararamdamang sakit, Keentin. Pangako, buyo nito.

Bahagya siyang tumango at nagpadausdos sa dulas ng buhangin. Kasabay noo'y naghábol siya ng hininga dahil hindi makalanghap ng hangin. Tila siya sinasakal, walang hanging makapasok at makalabas sa kanyang lalamunan.

Napadaklot siya ng buhangin at nakuyom iyon ng kamao. Ang sakit.

Pray, Tin, ani ng isang baritonong tinig.

Pray, ulit niya sa isip at siya ngang ginawa. Paulit-ulit siyang tumawag sa Diyos upang siya'y iligtas. At unti-unti, kumalma ang kanyang naninigas na katawan at ang kanyang paghinga.

"LOVESICLE!" ani ng matinis na tinig mula sa kung saan. Napadilat siya nang marinig iyon.

Sa 'di kalayuan, natanaw niya ang isang popsicle vendor na naka-Spider-Woman mask. Naglalakad si Poser Spider-Woman sa gitna ng disyerto, tulak-tulak ang isang icebox trolley. Ang trolley ay may guhit na dalawang nanginginig na pusong magkayakap at sa gilid ay nakasulat ang nakasisindak na presyo.

"Lovesicle for sale!
Buy one, for two!
One heart, two halves
for each one of you!
For a summer love so true
it will continue
even if the summer ends!"

POPSICLE! sigaw niya sa isip. Maiibsan na ang pagkauhaw niya!

Nabuhayan siya ng loob at nagkaroon ng panibagong lakas. Pinilit niyang tumayo at kahit susuray-suray, naglakad siya sa kinaroroonan ng popsicle. Ngunit mabilis na naglalakad ang lovesicle vendor palayo. Sa bagal niya'y hindi ito mahabol.

A SUMMER LOVE FOR YOU (Summer Anthology)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon