Chapter 1

11.1K 90 2
                                    

"THANK you sa ride, Abby..."

Nginitian ni Abby ang kaklase noong college na si Beatrice bago ito bumaba ng sasakyan. Galing silang magkakaklase sa isang resort kung saan nag-celebrate ng engagement party ang professor nila noong college. Malapit sila sa naturang professor kaya inimbitahan sila ng mga ito. Isa pa, isa rin si Abby sa napakiusapan ng professor nila na mag-edit ng pre-nuptial video ng mga ito.

"Dito na lang din pala ako bababa," mayamaya ay sabi ni Gladys. Isa rin itong dating kaklase na nakisabay sa kanya.

"Sigurado ka?" Bumaling si Abby sa dalaga. "P'wede naman kitang ihatid hanggang doon sa sakayan papunta sa inyo."

"Hindi na, Abby. Dito na lang. Naalala ko may bibilhin nga pala ako," anito na binuksan na ang pinto ng sasakyan.

Hindi na niya napigilan pa sa pagbaba ang dalaga.

"Ingat sa pag-uwi," aniya nang bumaba ang windshield sa gawi ng driver's seat.

"Ingat ka rin sa pagda-drive," sabi naman Gladys habang kumakaway.

Hinintay niya munang makaalis ang dalaga bago muling pinaandar ang sasakyan.

Nasa kalagitnaan na ng pagmamaneho si Abby nang mag-ingay ang kanyang cellphone, tumatawag ang kanyang ina. Pinindot niya ang 'answer button' sa manibela para sagutin ang tawag.

"O, 'Ma... bakit?"

"Ipag-grocery mo nga muna kami. Masama lang pakiramdam ko."

"Ah, sige. Uminom ka ng gamot, 'Ma. Mas magandang agapan na ang masamang pakiramdam na 'yan," paalala ni Abby sa ina.

Nag-U-turn siya dahil nalagpasan na niya ang mall kanina.

"Oo, sakit lang naman ito ng ulo. Dahil siguro sa init ng panahon."

"Dadalhin ko na lang diyan sa inyo ang groceries later. Bye." Pinutol na niya ang tawag.

Sa ngayon nakatira ang mama at daddy ni Abby sa nabiling bahay ng bunso niyang kapatid. Siya na lang at ang kuya niya ang naiwan sa orihinal nilang bahay. Siya ang nagpaayos ng bahay nila kaya ibinigay na rin iyon ng mga magulang sa kanya kalaunan.

Pagdating sa supermarket, idinamay na rin niya sa pamimili ang boyfriend na si Lawrence na hanggang ngayon ay nagsusumikap pa rin sa pagre-review para makapasa sa board exam for Marine Engineers. Nakakaawa naman ito kung aabutin ng gutom habang nag-aaral, baka lalo na itong walang matutunan. Hindi naman sa mahina ang utak ni Lawrence, marunong din naman ito at masipag mag-aral. Hindi ito makakatapos sa kursong iyon kung wala itong alam. Siguro nga ay may mga sinusuwerte talagang makapasa sa board exam ng isang kuhanan lang.

Kaya kahit paano malaki ang pasasalamat ni Abby na walang board exam ang Industrial Engineering course, hindi na niya kailangan pang dumaan sa butas ng karayom. Pagkatapos ay sinuwerte rin siya dahil matapos ang pag-aaral ay nakakuha kaagad siya ng magandang trabaho sa kompanya ng kanyang ninong.

Nang kompleto na ang mga dapat bilhin, itinulak na ni Abby ang pushcart patungo sa counter para magbayad. Napabuntong-hininga naman kaagad siya nang makita kung gaano kahaba ang pila ng mga mamimili sa bawat counters. Weekend kasi at may payday sale pa ang supermarket.

Kaagad na kumunot ang noo Abby nang makita ang isang pamilyar na pigurang nakapila sa priority lane. Kakaunti lang ang mga senior citizens at buntis na nakapila roon. Pero ang isa sa mga iyon ay hindi legit na buntis—si Sia iyon.

"Tets!" pukaw niya sa dalaga.

Kaagad naman itong lumingon sa gawi niya. Iniwan ng dalaga ang pushcart nito sa pila at nilapitan siya.

Chasing Hearts 5: Nothing Here But LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon