Tikman at Isilbi nang Mainit na May Tustadong Bawang at Tinadtad na Talbos ng Sibuyas
Nauna akong nagising kay Novi. Tiningnan ko lang siya matulog. Ang cute niya kahit humihilik. Napangiti ako dahil may katabi akong anghel.
Hindi ko alam kung kanino ako magpapasalamat: sa pag-like ba ni Lea—na ex ko—sa status ni Novi kaya ko nalaman ang tungkol kay "Yvonne," doon ba sa contact ni Novi na nanood ng porn kaya ako nagka-ideya na si Novi at Yvonne ay iisa, sa wirdong algorithm ba ng Twitter, kay Bent na sinabing gusto ko siya kahit hindi naman talaga, sa nanay ko na sinabing i-check kung Capricorn ba yung gusto ko sana maging girlfriend, o doon sa nagtitinda ng pares dahil sila talaga ang naging "koneksiyon" namin ni Novi?
"Novi," bulong ko, "gising na. Kailangan pa natin pumasok."
"Wag na tayo pumasok," bulong niya, halatang bangag. "Dito na lang tayo."
"Paano, AWOL tayo?"
Dumilat si Novi. "S-sige na nga. E, paano ka? Wala kang damit. Ala na nga 'yan isusuot mo?"
"Hindi ko na sinusuot ulit yung hinuhubad kong damit," tukso ko.
"Talaga lang, ha?" pang-asar niya. "Sige, pasok ka ng ganyan."
"E di sasabihin ko yung birthday gift mo sa 'kin."
"H-hoy!"
Tumawa ako. "Ganito, pumasok ka na. Uuwi ako. Magpapa-late na lang ako."
"Hala. Ayoko—"
"Kesa pareho tayong late. Isa pa, may isang late pa ako bago ako bigyan ng warning."
"Pero may isang linggo ka pa!"
"E di gigising na lang nang maaga. Mas masaya naman na gumising ngayon dahil sa 'yo."
Ngumiti si Novi at kinurot ako sa pisngi. Nagpaalam na ako sa kanya bago umuwi ng bahay. Naligo at nagbihis ako para pumasok sa opisina. Nagtext at nag-chat muna ako sa kanya para sabihing papasok na ako.
Nang nag-ayang mag-lunch si Bent, sinabi ko na yayain na rin sina Novi. Nang pumunta kaming cafeteria, tabi kami ni Novi na nag-order at tabi rin kaming umupo. Nakita 'yon ng mga kasama namin, kaya alam ko yung dahilan ng mga tingin nila pagkaupo na pagkaupo namin.
"So," sabi ni Amy, "ano na kayo?"
Ngumiti lang si Novi. "Anong ano kami?" tanong niya.
"Oh . . . my . . . gosh," dagdag ni Nicki. "Merong something! Usually hindi nagko-comment si Novi, pero ayan! Ayan na!"
"Kailangan sa isang prosecutor's room tayo e," sabi ni Bent kahit may alam naman siya. "Tadtarin na 'yang dalawa na 'yan ng mga tanong."
"Kumain na nga muna tayo," suhestiyon ko kahit handa naman ako sa mga tanong nila. "Mamaya na mga tanong."
Itong si Amy at Nicki, biglang naghawak-kamay at nagtatawanan na parang pinipigilan nila pagtili nila. Napangiti kaming dalawa ni Novi.
Pagbalik namin, siguro mga isa o dalawang oras pagkatapos, pinapatawag si Novi sa opisina ng director, o yung boss sa opisina kumbaga. Natakot ako para sa kanya dahil baka may nilabag siyang patakaran dahil madali na lang malaman na siya rin si Yvonne. O baka naman bawal pala ang office romance sa 'min?
Napatingin tuloy ako sa handbook. Wala namang sinasabi. O baka may bagong version? Natataranta ako bigla. Hindi ako makapagtrabaho nang maayos at lagi akong napapatingin sa cell phone ko kung may chat o text si Novi.
BINABASA MO ANG
Pares (Book 1 of the Paboritong Ulam na May Sarsa o Sabaw Series)
RomanceAno nga ba ang tamang timpla ng pag-ibig? Dahil sa punyemas na Twitter algorithm, malalaman ni Taurus Macaraeg ang hindi lang isa kundi dalawang sikreto ng di makabasag pinggan niyang office mate na si Novi Dimaculangan. Umabot naman ang dalawa sa i...