Ikawalong/ huling liham

69 21 48
                                    

Received: May 2012

Sent: August 2013

Dear Erold,

Ito ang huli kong reply sa mensaheng ipinarating mo sa akin. Ang bilis palang lumipas ng panahon 'no? Hindi ko namalayan. Parang kahapon lang akin ka pa tapos ngayon, hindi na pala kita maaaring makita. Kasal. Iyan ang pinangarap natin noon. Pero hindi pala maaaring diktahan ang panahon. Siguro nga, itinadhanang hindi ko mabasa yung mga liham na sinulat mo para akalain mong tumigil na ako sa paghihintay sa'yo. Bakit kung kailan nabasa ko na ang mga ito, huli na ang lahat?

Hindi ko alam kung sino ang dapat kong sisihin sa nangyari sa atin. Ikaw ba na nag pumilit na pumunta ng ibang bansa o ako na naghangad ng magandang buhay kaya pinayagan kita? Sa loob ng tatlong taon, and dami nang nangyari. Nabangga ka raw sabi ni Diana. Kaya pala kakaiba yung sulat-kamay ng huling liham na ipinadala sa akin, iba na pala ang nagsulat.

Inaamin kong ang dami kong pinanghihinayangan. Nalulungkot ako. Sana pala yung pinakabagong liham yung una kong binasa. Para hindi na ako umasa na may 'tayo' pang naghihintay sa huli. Na may pag-asa pa ako sa'yo. Na darating ang isang araw na magkikita tayong muli.

Ay 'di bale nalang pala :'). Mas okay pala na ito yung huli kong nabasa. Alam mo kung bakit? Dahil sa nakalipas na mga liham mo, ramdam na ramdam ko pa rin ang pagmamahal mo... ang pagkakasabik mo na magkita tayong muli. Naaalala ko pa yung sinabi mo dati, gusto mo na kapag nagkaroon tayo ng anak, ang ipapangalan natin ay Hope. Ang kahulugan ang pag-asa, dahil siya ang magbibigay ng panibagong pag-asa sa atin.

Pag-asa.

Pag-asang muli tayong magkikita.
Pag-asang sa bandang huli, ako pa rin ang pipiliin mo.
Pag-asang babalik ka pa sa piling ko.
Pag-asang matutupad ang mga pangarap natin at pangako sa isa't isa.

Kung pwede lang ibalik ang panahon, sana hindi nalang kita hinayaang umalis. Pero tuwing naiisip 'yun, lalo akong nakararamdam ng guilt. Dahil napaka-makasarili kong tao. Nakakalungkot isipin na dahil sa paghahangad natin noon, buhay mo ang naging kapalit. Siguro kung iba yung minahal mo, hindi aalis ng bansa at mapipilitang magtrabaho d'yan. O siguro kung hindi ako mahirap, makukuntento na tayo sa buhay na mayroon tayo.

Pero alam mo yung pinakamalungkot sa lahat? ay yung malalaman kong isa ka pala sa mga taong may mahalagang parte sa buhay ko... Hindi ko na alam kung paano itutuloy ang buhay ko ngayon.

Salamat sa lahat ng ginugol mo para sa akin. Sa pagpaparamdam na nasa huli ang pagsisisi. Sa pagpaparamdam na minahal mo ako sa mahabang panahon. Tama nga ang sinabi nila, hindi sapat ang pagmamahal para mabuhay. Hindi naging sapat ang pagmamahal ko sa'yo o pagmamahal mo sa akin para magpatuloy tayo sa buhay. Kailangan din pala ng oras, atensyon at presensiya ng isa't isa para magkaroon ng rason para kumapit... para hindi sumuko. Hindi ako sumuko, patuloy pa rin akong naghihintay sa iyo. Kaya na-realize ko, kailangan din palang maging kuntento. Kung naging kuntento tayo at piniling maghanap buhay dito nang magkasama, sana buhay ka pa hanggang ngayon.

Kahit na wala ka na, kahit na hindi ko na alam kung saan ko ito ipapadala para makarating sa'yo, nais kong sabihin na ikaw ang nag-iisang tao na minahal ko nang ganito. Yung taong naging dahilan para maging masaya ko sa kabila ng lahat ng mga problema. Ikaw yung taong patuloy kong hinintay at hinihintay... 'wag kang mag-alala, hindi na talaga ako umaasa.

Nasayang pala ang lahat ng mga liham ko. Pero mas sayang yung mga panahong hindi ako nagpadala ng liham sa iyo. Patawad, mahal.

Kung nasaan ka man ngayon, sana maalala mo ako.

Ako nga pala... yung taong nanghihinayang.
Ako yung taong nagsisisi.
Ako yung taong patuloy na nag-aabang kung ano ang mangyayari sa akin.
Ako yung taong patuloy pa ring nagmamahal sa'yo.
At ako... yung taong natuto sa isang malaking pagkakamali at pagkukulang.

P.S. At hanggang dito nalang din ang kwento nating dalawa. Hanggang sa muli nating pagkikita! Sana, hintayin mo ulit ako.


Ang taong minsan mong minahal,
Eleanor Garcia

Dear You ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon