Mahal Kita

5 1 0
                                    


Noong bata pa tayo, hilig ko talagang asarin ka. Ang cute mo kasi pag napipikon ka.

Madalas kitang hawakan sa noo kasi ang sabi ko "malapad ang noo mo." hindi totoo yun, gusto ko lang kasi laging i-check kung may lagnat ka. Ayaw kong nagkakasakit ka.

Napakalikot mo pa naman, ang kulit-kulit mo. Napakatulin mo pang tumakbo kapag naghahabulan tayo, eh alam mo namang may hika ka e.

Kapag nagbabahay-bahayan tayo gusto ko sana na ikaw ang nanay at ako ang tatay pero lagi kang nangunguna at sinasabing "ako ang ate at ikaw ang kuya, tara hanapin natin sila nanay at tatay."

Kapag naglalaro tayo ng jolen gustong gusto kitang talunin para kapag naubos jolen mo, bibili ka sa'kin at ang bayad ay kiss! Kaso masyado kang magaling kaya ako ang laging talo.

Nung 8 years old ka na, minsan na lang kita makalaro kasi lagi kang nakakulong sa bahay niyo at sobrang focus mo sa pag-aaral.

Nung magbakasyon akala ko makakalaro na kita ulit, ang kaso nakakulong ka lang sa bahay niyo.

Lagi kitang hinihintay lumabas ng gate niyo pero wala. Saradong sarado ang bahay niyo.

Nung nag-16 years old ka ay nakita kitang umiiyak habang nakatitig sa akin at hinihila ka ng nanay mo pasakay ng kotse niyo.

Nag-aalala ako sa'yo baka nasasaktan ka sa paghila sayo kaso wala akong magawa.

Nung nag-21 ka na, oo nakakalabas ka na ng bahay niyo. Pwede mo na gawin ang gusto mo kaso mas pinipili mong tumulala at magkulong sa bahay niyo.

Sobrang nag-aalala ako sa'yo.

25 years old ka na. Madalas na kitang makitang laging gabi umuuwi, iba't-ibang lalaki ang naghahatid sa'yo tuwing gabi.

Hindi ko maiwasang magselos. Tsk.

31 years old ka. Nabalitaan ko na lang na ikakasal ka na. Pero paano, bakit, saan? Lagi kitang binabantayan pero wala namang umaaligid na lalaki sa'yo.

Nasa sulok ako ng simbahan nanonood kung paano kuminang ang iyong mga mata nang titigan mo ang lalaking papakasalan mo.

Nadudurog ang puso ko sa nakikita pero gusto kong makita kang ngumiti kahit isang beses lang para lumayo na ako ng tuluyan.

Lumipas ang isang taon pero hindi ka pa rin ngumingiti. Sobra na akong nasasaktan kapag nakikita kong yumayakap sa'yo ang asawa mo.

Pero hindi kita pwedeng iwan kapag hindi ka pa ngumingiti kaya naman, titiisin ko ang lahat ng nararamdaman ko makita ko lang na ngumiti ka.

Days passed. Naging busy ang asawa mo sa negosyo ng kanyang pamilya. Naiwan kang mag-isa dahil meroon siyang business trip for 1 week.

Mag-isa ka lang naman sa bahay niyo kaya naman sinubukan kong katukin ang pintuan niyo.

"Sino yan?"

Pagkabukas mo ng pinto nanlalaki ang iyong mga mata at sunod-sunod na tumulo ang mga luha mo.

"Please wag kang umiyak." sabi ko

Pero patuloy pa rin sa pagtulo ang mga luha mo at napaupo ka pa.

Binuhat kita papasok ng bahay niyo at iniupo sa sofa.

"Kamusta ka?" pang tanga kong tanong, siyempre alam ko kung anong kalagayan mo dahil araw-araw kitang binabantayan

Nakatulala ka lang sa akin at bigla mong hinimas ang pisngi ko.

"Totoo ka diba?"

"..."

"Diba totoo ka? Nawala ka lang dahil ayaw mong magpakita sa kanila diba? Sobrang tagal kong naghintay na bumalik ka pero ba't ngayon pa? Kung kelan hindi na ako malaya?" tumulo na naman ng sunod sunod ang luha mo

Hindi ako nakatiis at niyakap na kita.

"Lagi kitang hinihintay na bumalik. Ikaw lang lagi ang iniisip ko araw-araw kung kamusta ka na ba, kung nasaan ka na ba. Miss na kasi kita."

"Alam ko..."

"Alam mo ba na sinabihan pa akong baliw ng pamilya ko at ng ibang tao at ang doctor naman ay sinabing may sakit ako. Kasi hindi ka daw totoo... imahinasyon lang daw kita."

Pinunasan mo ang iyong luha at tinanggal mo ang pagkakayakap ko sa'yo.

"Pero sila yata ang baliw at may sakit, dahil ito ka oh! Nasa harap ko. Totoo ka." pinisil mo ang balikat ko kaya naman napatawa ako

Unti-unti kong nasilayan ang iyong pag ngiti. Kaya naman napangiti rin ako.

"Ngumiti ka na..."

"Ha?"

"Ito na siguro ang oras. Para sabihin ko sa'yo ang lahat."

Natahimik ka.

"Oo totoo ang sinasabi nila, hindi ako totoo isa mo lang akong imahinasyon. Pero hindi totoong baliw ka dahil nagkaroon ka lang ng sakit sa utak. At dahil sa'kin 'yon

Sorry kung nabuo pa ako sa imahinasyon mo at naging malungkot ka ng ilang taon dahil sa akin. Pero ngayon gusto kong magpakita sa'yo baka sakali kasing ngumiti ka na.

Yun lang ang kailangan na mangyari bago ako mawala sa isipan mo at TOTOONG maging malaya ka na. At ngayon ngumiti ka na ulit, tapos na ang misyon ko sa iyong imahinasyon. Makakalaya ka na ng tuluyan."

Umiling ka ng umiling at bumuhos sunod-sunod ang luha mo. Niyakap mo ako ng mahigpit at ayaw pakawalan.

"Hindi, hindi please. Hindi totoo ang sinasabi mo. Hindi kita imahinasyon at isa kang totoong tao. Please wag kang umalis please please please..."

Habang nakayakap ka sa akin ay niyakap din kita ng mahigpit at saka bumulong.

"Malaya ka na, mahal."

At duon unti-unting naglaho ang katawan niya at naging usok.

Hindi ko mapigilan ang lumuhang muli pero ito nga siguro ang oras para palayain ko na rin ang sarili ko sa imahinasyon ko noong pagkabata ko.

Lagi nilang nakikita na may kalaro ako kaya tinanong nila kung sino kalaro ko at pinipilit kong totoo ka at pinapakita kita sa pamilya ko pero doon pala nila naramdaman na merong mali sa akin.

Kaya naman nung bata ako ay lagi nila akong kinukulong sa bahay dahil ginagamot ako ng psychiatrist. Noong dadalhin nila ako sa isang playground kung saan naroroon ang mga bata pinipilit kong wag na dahil mas gusto kong kalaro ka. Pero hinila nila ako sa kotse at pinilit na ipunta doon.

Pero lalo akong naging mailap sa mga tao at lagi lang gustong mapag-isa.

Pero ngayon. Pinalaya mo na ako. Maraming salamat sa'yo. Mahal kita kahit na isa lang kitang imahinasyon.

Tatak ka sa isipan ko dahil doon ka naman nanggaling, haha.

Salamat at kaya ko na ulit ngumiti nang ganito. Salamat.

------

Sorry for some typographic and grammatical errors.

Save shits today.

-Pharell G.

Pharell's Thoughts Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon