Chapter 2

14 0 0
                                    

Binuklat ni Merimee ang folder at binasa ang mga nilalaman. 


"Forty thousand pesos monthly ang makukuha mo sa bank account mo, plus ikinuha kita ng condo unit sa Makati, and if we get along well until six months, bibigyan kita ng kotse," pahayag nito.

Halos manlaki ang kanyang mga mata sa mga sinabi nito. Daig pa niya ang pensiyonadong retiradong sundalo sa laki ng ibibigay nitong pera sa kanya buwan-buwan at may kasama pang condo unit. Ni minsan sa hinagap niya ay 'di niya naisip na makakatira siya sa gano'ng klase ng tirahan. At may pangako pa itong kotse kapag lumagpas sila ng anim na buwan.

Subalit bigla rin sumagi sa isip niya ang mga magiging kapalit ng mga materyal na bagay na inalok nito. Batid niyang wala naman sa usapan na kasali ang kanyang pagkababae sa deal na 'to.

"G-Gusto ko lang sana maliwanagan kung ano ba ang gagawin ko o ano ang kapalit ng lahat ng ito?" lakas-loob niyang tanong. Karapatan niyang malaman ang lahat upang wala siyang pagsisihan sa bandang huli.

"As I've said, magkukunwari kang girlfriend ko. And that means, you should always be available dahil marami akong lakad lagi na kailangan ay kasama ka. Ibig sabihin, mag-re-resign ka na sa trabaho mo dahil anytime pwede kitang tawagan at kailanganin. Wala ka naman ibang gagawin kundi makipag-sosyalan sa mga party at ipakita mo, hanggang mapapaniwala mo silang lahat na nagmamahalan tayo," paliwanag nito.

Pinipilit niyang i-absorb ang lahat ng sinabi nito. Ibig bang sabihin ay iiwanan muna niya pansamantala ang kanyang pamilya para tumira sa condo unit na kinuha nito para sa kanya? Ibig rin bang sabihin na aalis na siya sa department store? At hihintayin lang niya lagi ang tawag nito para dumisplay sa mga party at gathering na pupuntahan nito?

"Magsha-shopping tayo ng mga damit mo na naayon sa okasyon na pupuntahan mo. You can't wear a simple attire dahil hindi mai-impress ang mama ko sa 'yo. She's very hard to please kaya dapat ay maging extra careful ka when it comes to fashion. Lalo na sa pabango. She doesn't like strong perfumes at ayaw rin niya ng sobrang kapal na make-up."

Tumango-tango siya. Ngayon lang nag-sink in sa isip niya na ang ina pala nito ang kanyang dapat ma-impress at hindi ito mismo.

"P'wede bang magtanong?" out of curiosity ay nasabi niya. Tumango lang ito na parang sinasabing "Go ahead."
Tumikhim muna siya at nagpatuloy.
"I know this will sound absurd or very personal pero... bakit hindi ka na lang maghanap ng tunay na gagawin mong girlfriend? After all, in the end, you still have to choose kung sino ang pakakasalan mo, 'di ba?"

Bahagya itong bumuntong-hininga.

"I wish it's really easy to find someone na hindi lang pera ang habol sa 'kin," anito. "Besides, women nowadays will do everything for money's sake. Kahit 'di nila mahal ang isang tao, basta mayaman at alam nilang giginhawa ang buhay nila, pinakakasalan nila. And I don't want that to happen to me. Marami na rin akong nakilala at nabigo na rin ako nang maraming beses dahil nalalaman ko lang in the end na ginusto nila ako dahil lang sa pera ko," paliwanag nito.

"P-Pero, gwapo ka naman ha," biglang nasabi niya. "I mean, sa hitsura pa lang, panalo ka na. Mai-inlove na kahit sino sa 'yo..."

Tumawa ito at lumabas ang pantay-pantay na mapuputing ngipin.

"The real problem is, I am a prominent bachelor. Walang halos hindi nakakakilala sa 'kin sa business industry. Maraming gustong makipag-one night stand sa 'kin at 'pagkatapos niyan ay gusto na 'kong talian sa leeg. Kilala ko ang mga babaeng tila linta na gagawin ang lahat para lang makuha ako at ang apelyido ko."

Namamangha siya sa mga sinasabi nito. Buong akala niya talaga na sa mga teleserye lang nangyayari ang mga ganito. Tunay rin pala itong nagaganap sa totoong buhay.

"Ikaw, tell me about yourself. Tell me about your life," maya'y wika nito.

"Ah... ano, wala namang interesting sa k'wento ng buhay ko, sir," aniya.

"Okay, here's the thing. Don't call me sir. Gusto ko kapag nagsimula na tayo ng palabas, kakaibang endearment ang itatawag mo sa 'kin," wika nito.

Tumawa siya."Does that mean, tatawagin kitang 'kakaiba'?"

Tumawa rin ito sa biro niya. "Seriously, all you have to do is convince everyone, especially my mother, that we love each other and you're not after my wealth," sabi pa nito.

"Pa'no ko naman gagawin 'yon? Besides, wala naman talaga akong interes sa yaman mo. Ang sa 'kin lang, kaya ako pumayag sa deal na 'to ay dahil gusto kong mapagtapos ng pag-aaral ang kapatid ko. And who knows, makabalik rin ako sa pag-aaral..." pahayag niya.

Tumango-tango ito.

"I understand. And don't worry, wala namang mangyayari sa 'tin dahil hindi rin naman ako interesado sa 'yo," tahasang sabi nito sa kanya.

Aray. Masakit na katotohanan. Hindi niya alam kung dapat ba siyang mainsulto sa sinabi nito o maging relief 'yon para masiguro niyang walang magaganap na sexual relationship sa pagitan nila. Dahil unang-una, hindi naman siya pakawalang babae.

"Basahin mong mabuti ang mga nasa folder. Dahil para tayong nasa reality show kapag nagsimula na tayo. Nandiyan ang brief summary ng love story natin kung pa'no tayo nagkakilala, in case maraming mag-usisa sa 'yo sa mga dadaluhan nating party. But as much as possible, umiwas kang magk'wento ng kahit ano. I'll handle everything hangga't kasama mo 'ko," pahayag nito.

Malinaw naman na sa kanya ang gusto nitong mangyari. At bukas na bukas din ay magre-resign na siya sa department store. Kahit labag sa kalooban niyang gawin 'yon, alam niyang mas makabubuti 'yon para sa kanya.

"Are we clear, Cheryl?" tanong pa nito sa kanya.

"Yes, naiintindihan ko lahat..."

"Good. Bukas p'wede mo nang i-check ang bank account mo dahil ipina-deposit ko na sa secretary ko ang paunang bayad sa 'yo. And of course, here's the key to your condo unit," sabay iniabot nito ang susi sa kanya. "P'wede ka nang lumipat asap."

Ngumiti lang siya. Hindi niya alam kung magpapasalamat ba siya o tatahimik na lang dahil sa pinasok niyang buhay na 'di niya rin alam kung kaya niyang panindigan.

"By the way, here's your new phone. Diyan kita laging ko-contact-kin," iniabot rin nito ang isang mamahaling cellphone sa kanya. Tinanggap naman niya 'yon at maingat na isinilid sa kanyang shoulder bag.

Nagpaalam na ito sa kanya matapos ang kanilang usapan. Hindi pa rin siya maka-move on sa bago niyang buhay bilang girlfriend ni Raegan Ballesteros. At ang inakala niyang simpleng pagpapanggap ay 'di niya naisip na maglalagay rin sa kanya sa alanganin sa hinaharap.

"Inhale. Exhale. Kaya mo 'to, Merimee!" bulong niya sa sarili. "Para sa ekonomiya!"

Ngunit nang pagmasdan niya ang sarili sa harap ng salamin sa kanyang silid, hindi siya makangiti. Kakaibang kaba ang hatid ng deal nila ni Raegan. Hindi ito isang laro at hindi ito isang biro. Marami siyang dapat baguhin sa sarili at kailangan niyang mag-adjust sa bagong buhay at katauhan na bubuhayin niya sa pangalang Cheryl Arnaiz. 

LOVE FOOLWhere stories live. Discover now