Nakadama ng excitement si Raegan habang lulan ng sasakyang panghimpapawid patungo sa bansa kung saan naroon si Merimee. Halos tatlong oras lang naman ang tagal ng byahe subalit kinaiinipan niya ang bawat usad ng oras hanggang sa paglapag ng eroplano sa Changi Airport.
Mag-i-ika-siyam na noon ng gabi. Bagaman pangalawang beses na niya ito sa Singapore, hindi niya maitatanggi na hindi pa rin siya masyadong gamay ang pasikot-sikot dito dahil tatlong araw lang naman siyang namalagi dito noon para sa isang business conference.
Nag-book siya sa isang hotel sa malapit sa Orchard kung saan matatagpuan ang Lucky Plaza, isang kilalang gusali sa Singapore na halos mga Pilipino ang nagtitinda sa mga p'westo. Sinabi ni Joyce na doon nagta-trabaho si Merimee sa isang remittance center. Ngunit dahil gabi na, malamang ay nakauwi na ito sa tinutuluyan nitong bahay sa Yishun. Nangungupahan umano ito sa isang unit ng HDB kasama ang ilan pang empleyado rin.
Mula sa hotel na tinutuluyan niya, tanaw niya ang mga nagkikislapang ilaw sa labas mula sa mga nagtataasang gusali. Buhay na buhay pa rin ang Orchard kahit gabi na. Marami-rami pa ring tao sa labas lalo na ang patungo sa MRT Station na paroo't parito.
Gusto na sana niyang puntahan si Merimee sa Yishun, ngunit ipinagpaliban na muna niya ang excitement na makita ang dalaga dahil napagod rin siya sa byahe. Kailangan rin muna niyang magpahinga.
Hindi rin naman agad siya dinalaw ng antok nang gabing 'yon. Knowing na ilang oras pa ang lilipas bago mag-umaga, at bago niya mapuntahan si Merimee, hindi rin siya naging komportable kahit napakaganda naman ng kanyang hotel accomodation niya.
Humarap pa siya sa salamin na nasa dresser at parang tanga na nag-practice ng sasabihin niya kapag nakaharap na niya ang dalaga. Subalit itinigil rin niya ang kabaliwang iyon. Hahayaan na lamang niyang lumabas sa bibig niya ang anomang dapat niyang sabihin sa muli nilang pagtatagpo ng dalaga.
Nakatulugan na rin niya ang labis na pag-iisip kay Merimee. Umaasa siyang mapapatawad siya nito dahil sa kahangalan niya.
Pasado alas-onse nang umaga nang lumabas siya ng hotel at binaybay ang daan patungo sa Lucky Plaza. Nasa 3rd floor ang stall ng remittance center na pinapasukan ni Merimee.
Naglibot-libot siya sa loob mula sa ground floor. Pagkatapos ay sumakay ng escalator patungo sa ikatlong palapag. Kumakabog ang dibdib niya nang makita ang remittance center na sinasabi ni Joyce sa kanya. Pasimple pa siyang sumilip sa mga empleyada na nakaupo sa working area ngunit hindi niya nakita si Merimee doon.
Naglakas-loob siyang magtanong sa isang empleyada at napag-alaman niyang day off umano ng dalaga. Napabuntong-hininga siya. Isa lang ang tanging paraan na naiisip niya. Ang puntahan ito sa tirahan nito sa Yishun.
Nagmamadali siyang nagtungo sa MRT Station upang bumili ng EZ-link card upang makasakay ng train mula sa kinaroroonan niya patungo sa Yishun. Ginamit niya ang perang pinapalitan ng Singapore dollar sa remittance center kanina upang makapag-top up ng card kahit ten dollars.
May siyam na MRT Station pa siyang madaraanan mula sa Orchard bago niya marating ang Yishun. It would take less than thirty minutes sa train, ngunit mga fifteen minutes lang kung magta-taxi siya. Hindi naman siya nagmamadali. He's gathering his senses for the meantime.
Handa siyang magkagutom-gutom para lang makarating sa lugar kung saan naroon si Merimee. Kahit pa nakatayo siya sa loob ng train. Kailangan sanayin na rin niya ang sarili sa mga ordinaryong bagay na tulad nito.
Hindi pa natatapos ang kalbaryo niya pagdating sa istasyon ng Yishun. Kailangan pa rin niyang sumakay ng bus para makarating sa bahay ni Merimee. Mataas na ang araw noon at ang init ay nanunuot na sa balat. Tulad ng klima sa Pilipinas, tropical rin ang klima sa Singapore. Palibhasa'y magtatanghali na noon kaya mas matindi ang init ng araw.
Airconditioned naman lahat ng bus doon. At isa sa hinahangaan niya sa bansang iyon ay ang pagiging organized ng mga biyahe at maging ng mga tao doon.
Malinis ang paligid at walang mga pasaway na patawid-tawid kung saan-saan. Masyadong mahigpit ang batas doon kaya disiplinado rin ang mga tao. Takot silang gumawa ng offense dahil sa laki ng multa at makukulong pa sila.
Hindi na niya namalayan na malapit na siya sa kanyang bababaan. Kung hindi pa sinabi ng driver na naroon na siya ay 'di niya maaalalang bumaba.
Tahimik ang buong paligid. Walang maingay. Maraming ibon na nagliliparan kung saan-saan. Hinanap niya habang naglalakad ang numero ng HDB sa address na binigay ni Joyce sa kanya. Medyo nakakalito dahil halos pare-pareho ang structure at kulay ng mga gusali.
Laking dismaya naman niya nang pagdating sa kanyang sadya ay nalaman niyang kaaalis lang daw ni Merimee. May kausap raw itong kaibigan at makikipagkita doon.
Gusto na niyang sumuko. Ngunit hindi maaari. Naroon na siya. Maliit lang ang Singapore. Hindi p'wedeng hindi niya matagpuan ang dalaga. Ngunit dahil sa pagod at init, nagpasya siyang mag-taxi na at bumalik sa hotel na tinutuluyan niya.
Kinabukasan, inulit lang niyang muli ang kanyang ginawa. Pumunta siya sa Lucky Plaza at nagbaka-sakaling makita na si Merimee.
Hindi naman siya nabigo.
"May naghahanap sa 'yo. Kahapon pa 'yan eh," wika ni Sharon kay Merimee.
"Sino raw?" wala sa loob na tanong ng dalaga.
"Ayun oh," inginuso nito ang direksiyon sa harap niya.
Pag-angat niya nang tingin, biglang dinunggol ng kaba ang kanyang dibdib. Ano ang ginagawa ni Raegan dito? Bigla ay nais niyang kiligin nang maisip na sinadya ba siyang puntahan nito sa Singapore? Ang sweet naman kung gano'n. Ang haba naman ng hair niya kung gano'n.
Kikiligin na sana siya nang bigla niyang maalala ang kasalanan nito sa kanya.
"Ano'ng ginagawa mo rito?" pagtataray niya.
Napatingin ang mga kasama niya sa trabaho. Nagulat sa biglang pagtaas ng kanyang boses.
"Hayaan mo akong magpaliwanag, Merimee..." malumanay na wika ni Raegan nang makalapit ito sa kanya. "Please, pakinggan mo naman ako," samo nito.
"Binalik ko na ang pera mo. Pati susi ng condo mo at cellphone na binigay mo. Ano pa ba ang gusto mo?" galit na wika niya dito.
"Ikaw..."
Bigla siyang napipilan. Hindi niya alam kung ano ang isasagot niya dito.
"Ikaw ang kailangan ko, Merimee," patuloy nito.
Muli ay nagmatigas siya.
"Tapos na ang deal natin. At wala akong ginalaw ni singkong duling sa perang binayad mo sa 'kin. Kaya makakaalis ka na!" aniya.
"Pakinggan mo naman ako. Alam kong nagkamali ako. Gago na 'ko kung gago sa paningin mo. O tanga, o manhid. Kasalanan ko ba kung natakot rin ako na magmahal uli?" pahayag nito.
Umarko ang kilay niya.
"Sinasabi mo bang kasalanan ko ang lahat?"
"Hindi... aakuin ko nang kasalanan ko. Nagkamali ako, kaya sana mapatawad mo na 'ko," samo nitong muli.
"Hindi mo alam kung ga'no ko kinimkim sa dibdib ko ang mga ginawa mo sa 'kin! Pinagmukha mo 'kong puta, Raegan!" nagtitimping sumbat niya rito. "Pinalampas ko ang nangyari sa 'tin dahil inakala kong may nararamdaman ka na para sa 'kin. Pero ang bayaran ako 'pagkatapos no'n?" Napaluha na siya nang maalala ang pang-iinsultong natamo niya dito. "Lumayo na 'ko para kalimutan ka. Kaya utang na loob, lubayan mo na 'ko!"
Bigla siyang niyakap nito.
"I'm so sorry... please, patawarin mo 'ko..." naiiyak rin na pagsamo nito sa kanya.
Halos lahat ng naroon at dumaraan ay napatunganga sa kanila. Animo'y nakasaksi sila ng shooting ng isang romance movie na pinagbibidahan nina Liza Soberano at Enrique Gil. May mangilan-ngilan na naiiyak rin sa tagpong nasaksihan. May ilang nalulungkot at naghihintay sa sasabihin ni Merimee. Kung patatawarin na ba nito ang lalaking nagkasala dito o magmamatigas pa rin ito.
Maging mga kasama ni Merimee sa trabaho ay napatigil sa ginagawa upang manood sa agaw-eksenang paghaharap nila ni Raegan.
"Bitiwan mo 'ko!" Nagpumiglas si Merimee sa lalaki. "Umalis ka na!" pagatataboy niya dito.
"Merimee, mahal kita!"
Ngunit maging ang mga katagang binitiwan nito ay nawalan ng bisa upang pahupain ang galit na muling bumangon sa kanyang dibdib.
"Umalis ka na!" taboy niyang muli dito.
"Merimee, please!" pakiusap ni Raegan.
Subalit tila nabingi na siya at tuluyan nang lumisan doon. Hindi niya malaman kung saan siya babaling. Labis siyang nasaktan sa ginawa nito sa kanya. Ngunit bakit mas nasasaktan siya ngayon na hindi niya ito mapatawad? Bakit kahit gusto niya itong mayakap at makulong sa mga bisig nito ay mas nanaig ang pride niya na itulak ito at itaboy sa kanya? Kahit ang gustong-gusto niya ay makasama itong muli... Sa ikalawang pagkakataon, tinraydor na naman siya ng puso niya.
Naiwang nalilito si Raegan at naluluha. Ginawa naman niya ang lahat para mapatawad siya ni Merimee, ngunit tila lubhang malalim ang sugat na dulot niya kaya ayaw na siya nitong patawarin.
Bagsak ang balikat na lumisan siya doon, hindi alintana ang malungkot na mukha ng mga tao sa paligid na nakatingin sa kanya, na nakasaksi sa nangyari kanina lang. Babalik na lang siya sa hotel, mag-iimpake, at marahil, uuwi na lang ng Pilipinas. Bigo siyang makumbinsi si Merimee ns mahal niya ito. At kailangan niyang tanggapin ang pagmamatigas nito dahil kasalanan niya ang lahat. Ngunit batid ng Diyos na labis na niyang pinagsisihan ang lahat. Tanging hangad na lamang niya ay ang kapatawaran ng babaeng mahal niya.
"Kasalanan ko ang lahat... sana mapatawad mo pa 'ko, Merimee," bulong niya habang isinasara ang pinto ng kanyang hotel room. Nagtungo na siya sa receptionist at isinauli doon ang susi.
Naghihintay na rin sa labas ang taxi na kinausap niya kanina upang ihatid siya sa Changi Airport.
YOU ARE READING
LOVE FOOL
RomanceFake name. Fake age. Fake address. Merimee Dueñas faked it all alang-alang sa fake love na kailangan niyang panindigan para lang mapag-aral sa kolehiyo ang kanyang kapatid at ipamukha sa mga tsimosa nilang kapitbahay na nakabingwit siya ng mayamang...